Jobs Directory

Untitled-1

Business Directory

Untitled-2

Please update your Flash Player to view content.

SESYONISTA: ANG PAGSAGOT AY MAY TAMANG PANAHON DIN

  • PDF
User Rating: / 7
PoorBest 

ANG PAGSAGOT AY MAY TAMANG PANAHON DIN

Mahaba at maingay ang nangyaring sesyon ngayong linggo dito sa Sangguniang Panlungsod ng Calamba. Hindi matatawaran ang mga isyung inilatag ng kapulungan nitong Lunes. May mga isyung magaan na sana pero pinabibigat pa ng ilan nating konsehal. All present ang buong SP kahit na medyo nahuli ng dating sina Konsehala Lian Aldabe at SK Jayne Rizal ay nakahabol pa rin para sa mahahalagang usapin.

 

Ilang resolusyon ang pinaumpisahan at inihapag sa first reading nila Konsehal Moises Morales at Konsehal Jose Morel Manaig. Sinundan nito ang second reading ng resolusyon ni Konsehal Christian Niño Lajara tungkol sa extension ng kontrata sa canteen concessionaire ng City Hall. Binara naman ito ni Konsehal Morales at hinihingi na huwag munang aprubahan ito kahit napangalawahan na ng mayorya ng kapulungan. Noong nakaraang sesyon, isa siya, kasama si Konsehal Juan Lazaro, sa nag-second motion sa nasabing resolution. Sa huli, tumahimik na lang siya pansumandali at nakinig sa mga sumunod na nagsalita. Binasa rin para sa second reading ang ma appointments na inihapag ni Konsehal Johnny Lazaro noong nakaraang Linggo.

 

May tatlong baranggay resolution naman na binasa ang ABC President Saturnino Lajara para sa sesyong ito. Ito ay nagmula sa Baranggay Kay-anlog, Baranggay 4 at Baranggay Real. Sumabat muli si Konsehal Morales at sinabi kay ABC President Lajara na dapat raw na ang lahat ng signatories ng mga nasabing resolusyon ay umatend ng session para makita nilang umaaksyon ang Sangguniang Panlungsod sa mga kahilingan nila. Malinaw namang sinagot ito ni ABC Pres. Lajara na dumaan na sa mga paliwanag ng mga baranggay.  Sinabi niya rin na may kakayahan namang talagang ipatawag ng Sangguniang Panlungsod ang mga opisyal ng baranggay.

 

Mahaba rin ang naging pag-uusap sa bahagi ng pagbabasa ng mga petitions, letters and communications. Binuksan ni Kon. Luis Vergel Baroro ang hinaing ng Pansol Tourism Council sa pagbaha sa kanilang mga lugar. Binasa niya rin ang sulat ng City Environment and Natural Resources Office tungkol sa pagtatayo ng Pollution Monitoring Center sa ating lungsod.

 

Unang beses ko ring narinig magbigay ng isang petisyon at pagpuna ang SK President Jayne Rizal. Una niyang binanggit ang matagal ng hinaing ng mga nasa Women’s Desk Officer ng baranggay at mga SK Councilors ng ating mga baranggay para sa P500 monthly allowance nila. Mabilis naman itong sinagot ni Konsehal Ruth Hernandez.  Sinabi niyang aprubado na talaga ang pondo para sa mga Women’s  Desk Officer na nakailalin sa Gender and Development Fund. Pumabor din siya kay SK Jayne Rizal na hingiin na rin sa sangay ng ehekutibo ang budget para sa mga SK Councilors. Inirekomenda ng Presiding Officer Severino Lajara ang nasabing usapin sa Chairman ng Appropriations.

 

Binuksan din ni SK Jayne Rizal ang tunkol sa Memorandum of Agreement ng ating lungsod sa National Food Authority. Binigyang-diin niya dapat hindi na hintayin pa ang pagdedeklara ng State of Calamity o ng State of Eminent Danger bago kumuha ng bigas sa nasabing ahensya. Kinontra pa rin ito ni Kon. Morales at sinabing ayon sa MOA sa NFA ay hindi makapagbibigay ng bigas ang ahensya ng walang kalamidad na nangyayari sa sesyon.  Nakahanap naman agad ng kakampi ang SK President sa katauhan nila Kon. Bong Baroro at Niño Lajara. Sinabi ni Kon. Baroro na hindi naman kailangang na calamity fund lang ang gamitin kung mag-iimbak ng bigas. Maaaring humingi ng budget sa City Mayor’s Office kung kinakailangan.

 

Kasabay ng sesyon ay ang kilos-protestang inilulunsad ng ilang jeepney drivers at operators sa pangunguna ng PISTON sa main entrance ng city hall. Ito ay kaugnay ng nangyayaring kurapsyon ng mga tiwaling traffic enforcers at tungkol sa mga iligal na terminal sa siyudad.  Si Konsehal Niño Lajara ang nagbasa ng kanilang sulat. Nakalagay sa sulat ang mga nangyayaring mga pekeng hulihan upang makakuha ng pera ang mga “barker” at ilang mga traffic law enforcers, partikular sa lugar ng Crossing. Ginagawa raw na gatasan ng mga tiwaling opisyal ang mga jeepney drivers. Hinihiling ng mga drivers at operators na magkaroon ng makataong patakaran sa ating mga daanan. Nilinaw rin ni Kon. Lajara na tanging ang Kalayaan Multi-Prurpose Cooperative Terminal sa Crossing ang tanging legal na terminal ng mga jeepney sa buong Calamba. Humihiling ang konsehal ng malinaw na imbestigasyon ng Sangguniang Panlungsod tungkol dito.

 

Sumang-ayon sa kanya si Kon. Baroro at sinabing magkaroon ng isang emergency meeting sa pangunguna ng Chairman ng Franchising na si Kon. Lajara pagkatapos ng sesyon. Malinaw rin daw na mayroong mga nasa kapangyarihan ang pumoprotekta sa mga iligal na terminal na iyan. Sumali muli sa usapan si Kon. Morales at sinabing huwag magpadalus-dalos sa akusasyon ng lagayan at magbitbit ng “picture” kung totoo man iyon ngunit sinabi ni Kon. Lajara na kaya nga dapat imbestigahan ito ng Sangguniang Panlungsod dahil rito. Nagbigay rin ng opinyon si Vice Mayor Binoy Lajara dahil sa nangyayaring pagtatalo ng mga konsehal. Sinabi niyang gawin na lamang kung anuman ang mga ipinangako ng ating mga inihalal na opisyal noong panahon pa ng kampanya.

 

Binasa rin ni Konsehal Morales ang kagustuhan niyang gawan ng pailaw ang lahat ng baranggay sa Upland. Si Kon. Ruth Mariano-Hernandez naman ang nagbasa ng isang sulat mula sa pangulo ng City College of Calamba na humihiling para sa mga dagdag empleyado at promosyon ng ilan nilang mga guro. Pinaalala niya rin ang nalalapit na pagdiriwang ng ika-150 kaarawan ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal. Sinabi nyiang dapat itong masusing paghandaan ng ating pamahalaan.

Naging mainit rin ang talakayan sa Committee Report ni Kon. Eddie Catindig. Ikinwento niya ang nagyaring pakikipag-usap niya sa mga naninirahan sa tabing-riles sa Brgy. Parian. Sinabi rin niya ang kanyang naipangako sa mga nakausap niya na magkakaroon ng isang ocular inspection ang buong Sangguniang Panlungsod. Sumang-ayon naman ang lahat ng konsehal dito, maging ang presiding officer. Idinagdag na lamang ni Kon. Bong Baroro na dapat humingi pa rin ng permiso ang SP sa National Housing Authority. Idinagdag ni Konsehal Lajara na kailangan siguraduhin ang kapakanan ng mamamayan pagdating sa isyu ng relokasyon. Sinermunan naman ni Vice Mayor Lajara ang mga konsehal dahil sa paulit-ulit at humahabang pagtatalo tungkol dito. Dagdag niya rin na dumaan na naman sa dating SP ang pag-apruba sa pabahay na paglilipatan sa mga maapektuhan. Minsan lamang magsalit ngunit direkta at malinaw na ibinunton ni Konsehal Santiago Atienza ang sisi sa NHA dahil sa palpak na pagkakagawa ng pabahay. Ito naman daw talaga ang dahilan kung bakit nag-aatubili ang mga tao na lumipat sa relocation site. Pinuna naman mismo ng Presiding Officer sa Chairman ng Committee on Public Works Moises Morales ang nasabing usapin at sinabing dapat siyang magtrabaho.  Ang sagot naman ni Kon. Morales ay hindi naman trabaho niya ang usapin bagkus ng ibang komite.

 

Mainit ang talakayan at naging sagutan pagdating sa privilege speech ng tila sinagot ni Kon. Moises Morales ang pagsesermon sa kanya ng Presiding Officer Binoy Lajara.  Malinaw niyang binanggit na dapat daw sundin lamang ng mga konsehal ang laman ng Internal Rules and Procedures. Sinabi niya rin na ang kanilang trabaho ay magpasa ng mga resolusyon at hindi umaksyon. Sa gitna ng pagsagot ni Vice Mayor Lajara ay pinutol na agad nito ni Kon. Bong Baroro para i-adjourn ang sesyon at hindi na lumaki ang tunggalian.

*********************************************************************** 

Hindi naman masama ang pagsagot at pagsabat basta nasa tamang lugar at tamang panahon. Subalit sa loob ng pamahalaan, ang tunay na kailangan ay aksyon. Mabilis at walang patumpik-tumpik dapat ang ating mga opisyal sa paggawa ng mga programa at paraan. Kaya nawawalan ng tiwala ang mga tao sa gobyerno dahil mabagal ang proseso, puro debate na lamang kahit wala na naman talagang ipinupunto. Kung wala namang magandang sasabihin, kailangan na lamang ay tumahimik. Tanggapin ang puna ng maluwag at itama ang pagkakamali para sa masmaayos na hinanarap.--MATT PALENTINOS

 



 

 

Comments  

 
0#2lester albo2010-09-21 18:57
matt palentinos wag k n kasi umepal
Quote
 
 
0#1Armie Panganiban salazar2010-08-04 04:24
okay tong page na to, nalalaman natin kung nag tatrabaho mga konsehal na binoto natin 8)
Quote
 

Add comment


Security code
Refresh