
Trapik, Pabahay, Tubig atbp.
Medyo nahuli ako ng dating sa sesyon ng Sangguniang Panlungsod kanina. Tinanghali ng gising at may mga inunang inasikaso pero sakto pa rin naman sa oras para marinig ang ilang mga isyu at resolusyong inihain ng ating konseho.
Bumungad agad sa pandinig ko ang boses ni Kon. Bong Baroro sa pagpasok ko sa Session Hall. Kinukwestyon niya kung may legalidad ba ang ginagawang mga rerouting ng daan sa Poblacion. Ito ay ilang panahon na ring ipinatutupad ng City traffic Management Office ng lungsod. Ito naman ay tinugunan ng Chairman ng Transportation, Franchise and Public Utilities na si Kon. Niño Lajara. Sinabi niya na kailangang magpaliwanag ang Public Order and Safety Office at CTMO ukol dito dahil ang naaprubhahan lang na ordinansa kaugnay dito ay ang mga babaan at sakayan ng mga pampublikong sasakyan. Inaasahang magkakaroon ng isang committee hearing tungkol dito.
Inilahad naman ni Konsehal Moises Morales ang naging epekto ng bagyong Basyang nitong nakaraang linggo sa lungsod. Kabi-kabilang baha at putik ang tumambak sa paningin ng mga tao, partikular sa Baranggay Halang. Inalalayan naman ng ilang mga konsehal at maging ng Presiding Officer Binoy Lajara ang magiging aksyon para dito. Hiniling ang pakikipag-ugnayan sa City Planning and Development Office, mga developers, at iba pang mga business establishments.
Sumunod naman ay ang resolusyon ni Kon. Niño Lajara para magkaroon ang Calamba City Hall Employee Cooperative ng kantina sa loob ng kasalukuyang City Hall. Ibinaba niya rin ang mga panukala na payagang makapagluto sa loob ng City Hall ang kooperatiba kapag sila na ang nagpapatakbo ng kantina dito. Sa ngayon, kailangan pang linawin kay Mayor Jun Chipeco ang usaping ito sa kadahilanang may kasalukuyang concessionaire na nagkakantina sa City Hall kaya kailangan muli itong talakayin sa susunod na sesyon.
Idinagdag rin ni Kon. Lajara ang pagtaas ng buwanang allowance ng FARMC, ang kooperatiba ng mga mangingisda sa Calamba. Ipinanukala na itaas mula P300 - P500 ang para sa mga baranggay coordinators, P1500 para sa pangulo nito at P1000 para sa pangalawang pangulo. Pinaalalahanan rin ni Lajara ang mga kapwa konsehal ng Sangguniang Panlungsod na paghandaan ang magiging Executive-Legislative Agenda. Sinabi niyang dapat magkaroon na ng mga priyoridad na proyekto ang bawat konsehal para sa ikauunlad ng mamamayan.
Sa Committee Report ng mga konsehal, ipinarating ni Kon. Eddie Catindig ang kagustuhan niyang kausapin ang mga naninirahan sa tabing-riles ng Parian. Sinabi niya na magiging mahirap sa lungsod ang mga suhestiyon ng mga grupo sa lugar na iyon dahil ang national government ang may proyekto dito. Sumali muli sa usapan ang nagbasa ng liham ng mga taga-Parian noong nakaraang linggo na si Konsehala Ruth Mariano-Hernandez. Sinabi niya na magiging mahirap kung hindi makikialam ang LGU sa usaping ito. Ang kahilingan lang naman daw ng mga tao rito ay pabahay kahit sa ilalim ng Community Mortgage Program. Idinagdag din ni Konsehala na kailangan ding tawagin ang atensyon ng pununglunsod para mag-convene ang Housing Board na binuo ng SP noong nakaraan pang taon. Idinagdag niya na umaabot sa P40M ang badyet sa nasabing proyekto.
Si Konsehal Moises Morales ay nagbigay naman ng isang privilege speech na tumalakay sa supply ng tubig sa ating sintang bayan. Ito ay matapos ng maghapong pagkawala ng tubig sa panahon ng Bagyong Basyang. Hiniling niya na dapat regular na maglabas ng status and development report ang Calamba Water District (CWD). Idinagdag niya rin ang pag-install ng mga generator sa mga pumping station ng CWD. Bilang pagtatapos nagpahapyaw si Kon. Lajara sa mga tatalakayin niyang mga isyu sa mga susunod na sesyon tulad ng P26-M scam, Canlubang at CMC.
Siguradong magiging mabigat na naman ang susunod na sesyon. Ang mahalaga ay natatalakay sa ngayon ang mga importanteng punto para sa serbisyong panlipunan at kagalingan. Ang dapat nating abangan ay kung may mangyayari bang implementasyon sa mga ito o mananatiling nakabinbin na lamang sa mga papel.--MATT PALENTINOS
