Jobs Directory

Untitled-1

Business Directory

Untitled-2

Please update your Flash Player to view content.

ANG PATULOY NA PAGHAHANAP NG KATOTOHANAN

  • PDF
User Rating: / 7
PoorBest 

Update sa P26M scam sa Pamahalaang Lungsod ng Calamba 


Ilang buwan pa lang ang nakakaraan matapos ang eleksyon.  Malinaw pa rin sa isipan ng mamamayan ang mga isyu at pangyayaring naganap noon sa Lungsod ng Calamba.  Bagamat ang hindi pa rin malinaw ay magpahanggang ngayon ay wala pa ring nananagot sa pagkawala ng mahigit P 26-milyong pisong ninakaw mula sa kaban ng bayan.

ANG PAGKAWALA

Nitong nakaraang Abril, matatandaan ang pagkaka-diskubre ng pagkawala ng dalawang booklet ng tseke sa loob ng Treasury Office ng Calamba City Hall.  Ito ay napansin ng Check Custodian na si Nathaniel Pia.  Sinubukan pa iyang hanapin dahil maaaring na-misplace lamang niya ito.  Subalit bigo siyang ito ay makita.  Mabilis niya itong ipinaalam sa OIC-City Treasurer na si Liberty Toledo.  Matapos nito, nag-request para sa stop payment ng mga nasabing tseke si Toledo.  Ang dalawang booklet ng tseke ay mula sa General Fund at Special Education Fund. Napag-alaman na nakapaglabas na ng halagang P 26,618,124.59 bago pa man ito madiskubre sa pamamagitan ng statement of account na nagmula sa bangko.

Isang araw matapos ang pagkakadiskubre ay nadakip ang isang supplier na si Reynielda Leaño sa aktong pagwi-withdraw ng mga tsekeng may halagang aabot sa mahigit P11-milyon sa Philippine National Bank-Calamba Branch.  Ito ay sa kasagsagan ng lokal na kampanya para sa eleksyon.  Napag-alamanan din na direktang inililipat rin sa personal na account ni Leaño ang perang nakukuha mula sa nasabing bangko.  Labing-tatlong bilang ng Estafa thru Falsification of Commercial Document ang ikinaso kay Leaño. Subalit wala pang isang linggo ay nakapagpiyansa na siya ng daang liboang halaga at nakalabas sa kulungan.

Hindi raw dumaan sa tamang proseso at pineke ang pirma ng mga signatories na sina Treasurer Toledo at Mayor Joaquin Chipeco sa mga nakuhang tseke. Sa pamamagitan ng magkahiwalay na sworn affidavit ay itinanggi nilang pinirmahan nila ang mga tseke. May mga pirma rin sa ilang tseke ang dating Vice Mayor Pursino Oruga.

 

ANG IMBESTIGASYON

Patuloy ang imbestigasyon hanggang sa ngayon ng National Bureau of Investigation patungkol sa kaso.  Nagbuo rin ng isang investigating committee ang punong lungsod sa pangunguna ng City Legal Office at City Administrator na si Atty. Manuel Ladrido.  May iba’t-ibang grupo rin na gumagawa ng paraan para maimbestigahan at panagutin ang may mga sala.

Naghain rin naman ng resolusyon si City Prosecutor Miguel Noel Ocampo para ituloy ang paghahain ng kaso kay Leaño.  Nilalaman rin ng resolusyon na hindi diumano dumaan sa normal na proseso ang mga dokumentong ginamit ng nasasakdal.  Dagdag pa rito, nakapaglabas rin ng pera dahil sa mga Accountant's Advice na mula sa City Accounting Office.  Ang Accountant's Advice ay ang palatandaan na opisyal, tama at regular ang pagbabayad para sa mga dapat bayaran.

Ang mga tsekeng ginamit ay may parehong font at font size sa ginagamit ng City Treasurer’s Office. Ang mga Accountant’s Advice na pirmado ni City Accountant Carminia Esperidion at ng clerk-in-charge Rodelio Aruta ay may control number at nakaayos ayon sa pagkakasunud-sunod.  Ito ang mga malinaw na indikasyon na nagkaroon ng sabwatan sa pagitan ng mga empleyado at opisyales ng City Hall para mangyari ang nasabing scam.

Wala pa ring malinaw na resolusyong inilalabas ang NBI kung totoo o peke ang mga pirma sa mga tseke.

Lumabas rin sa isang YouTube video ang malapit na koneksyon ni City Accountant Esperidion at isa sa mga nakapaglabas ng pera na si Connie Abarca.   Ayon naman sa isang source, sa humigit kumulang na sampung supplier na nakapaglabas ng pera ay dalawa lamang ang rehistrado sa DTI.  Isa sa mga ito ay ang Dylan Benjamine Trading na pag-aari ng anak ni Abarca.  May direktang koneksyon din daw si Esperidion sa nahuling siLeaño.  Idinidikit din sa 2008 COA Report Observation Report kung saan mahigit isang daang milyong piso ang hindi mabalanse sa libro ng siyudad na mula rin sa accounts na General Fund at Special Education Fund ang mga perang hindi makita rito.

 

ANG PAGHAHANAP

Hanggang sa ngayon, malabo pa rin at wala pa ring napaparusahan sa kaso.  Nauna nang hiniling ni Konsehal Christian Niño Lajara ang pagpataw ng preventive suspension sa mga opisyales na involved sa kaso. I to ay upang maiwasan ang paglilinis sa mga posibleng magamit na ebidensya na nasa pangangalaga ng iba’tibang departamento ng lungsod.  Subalit wala pa ring napapatawanng preventive suspension hanggang sa ngayon.

Iba’tibang sektor din ang nag-lobby sa special session ng Sangguniang Panglunsod noong Abril 28 upang tugunan agad ng mga nakaupo sa puwesto ang kurapsyong nagaganap sa loob ng Pamahalaang Panglunsod.  Nagkaroon ng pagpapakalat ng mga polyetos, pagbubuo ng mga alyansa laban sa kurapsyon at pag-ulan ng mga reaksyon sa internet ang mga ordinaryong mamamayan para ikalat ang mga impormasyon tungkol sa isyung ito sa publiko.

Isang kilalang personalidad naman sa Lungsod ng Calamba ang nakahandang mag-file ng reklamo laban kay Mayor Jun Chipeco at sa iba’t-ibang departamento na dinaanan diumano ng mga dokumentong ginamit sa pagnanakaw sa kaban ng bayan.  Naniniwala siya na dumaan sa tamang proseso ang papel at malaki ang kinalaman dito ng punong-lunsod.  Isasama niya rin sa reklamo ang Bank Manager na nag-aasikaso ng mga dokumento sa mga nawalang tseke.  Hindi din siya natutuwa sa mga binuong investigation committee ng punonglunsod at sinabi pa niyang whitewash committee ang mga ito.  Iba’t-ibang sektor na rin ang kinakausap niya upang sumama at tumayo kasama niya bilang mga complainants sa kaso.  Ito ay sa pagnanais na ang mga simpleng mamamayan ang dapat magreklamo dahil pera nila ang nilustay sa insidenteng ito.  Pagkatapos mai-file ang kaso ay susundan daw ito sigurado ng mga postering at pagkilos ng mga mamamayan ng Calamba.  Inaasahang magiging malakas at matibay ang maihahaing kaso ng kilalang personalidad na ito.

 

Hindi maitatago ang inis ng mga mamamayan sa bagal ng takbo ng imbestigasyon.  Hindi na papayagang mga taon ang bilangin gaya ng iba ring isyu na natabunan na lamang at walang nananagot.  Patuloy na mangyayari ang mga ganitong katiwalian kung patuloy lang din na palalampasin ng kinauukulan.  Tuloy ang mga hinala sa maduming pamamahala kung walang aaksyon at tutugon.  Bukas na rin sa isipan ng taumbayan na walang gagawa nito kung walang mag-poprotektang nasa kapangyarihan sa mga ito.  Ipinagkatiwala ng taumbayan ang pera sa pamahalaan upang gamitin para sa ikauunlad ng nakararami.  Subalit kung patuloy na ang magpapasasa sa pondong para sa taumbayan ay ang mga kurap na nasa pamahalaan, WALANG KABULUHAN ang asensong sinasabing narating na raw ng lungsod na ito, manapa'y pawang inhustisya lamang ang nararanasan at mararanasan ng dukhang Calambeño.---MATT PALENTINOS

Related Articles:

     


     

     

     


     

    Last Updated on Tuesday, 20 July 2010 03:54

    Add comment


    Security code
    Refresh