July 5, 2010/SP Session Hall—Nagbigay ng talumpati ang Kgg. Mayor Joaquin Chipeco Jr. sa Inaugural Session ng Sanggunian Panlungsod. Sa gitna ng mga bagong halal na Vice Mayor at mga Konsehal ay tinalakay ni Mayor ang mga naging accomplishments ng kaniyang administrasyon at ang mga proyektong isasagawa sa hinaharap. Sa talumpati ni Mayor Chipeco, iniulat niya ang kasalukuyang itinatakbo ng kaso hinggil sa mga tsekeng ninakaw na nagkakahalaga ng 26 milyong piso.
Maaalalang noong ika-15 ng Abril ay pumutok ang isyu ng dalawang booklet ng tseke na nawala mula sa Treasury Office at 11 milyon sa mga ito ay nailabas sa PNB sa bisa ng Accountant’s Advice ng City Accountant Carminia Espiridion. Ang ninakaw na halaga ay mula sa General Fund at Special Education Fund ng Calamba City. Sa pakikipagtulungan sa National Bureau of Investigation (NBI) ay nahuli ang isang Renielda Leaño na aktong nagwi-withdraw sa banko. Naisampa ang kasong estafa thru Falsification of Commercial Document laban kay Leaño. Subalit diumano ito rin ay nakapagpiyansa kaagad.
Isinaysay ni Mayor Chipeco ang kaniyang mga naging hakbang upang ang kaukulang hustisya ay maigawad sa malaking scam na ito. Isang Administrative Committee ang kaniyang binuo upang halukayin ang mga records at log books, kaalinsabay sa imbestigasyon ng City Legal Office. Idinagdag pa ng Mayor na may dalawang kawani ng Accounting Office ang isasalang sa isang inquiry. Nakapagsumite na ng kanilang findings ang Administrative Committee na nagsasaad ng mga pangalan ng ilang City Officials at empleyado na may pananagutan sa kaso. Bukod dito ay tiniyak ni Mayor na nagpatupad na ng mga kaukulang control policies upang maiwasto ang mga naging kahinaan ng security procedures sa City Hall.
Sa katanungan ng marami na tila nagkakaroon ng “white-wash” dahil sa katagalan ng usad ng kaso, at wala pang lumalabas na sinuspindeng opisyal ng city government, ang ipinangako ni Mayor Chipeco ay pangangalagaan niya ang kapakanan ng mga mamamayan.
Related Articles:

Last Updated on Wednesday, 07 July 2010 06:53