Jobs Directory

Untitled-1

Business Directory

Untitled-2

PADER NG PADRINO: Chipeco sa Isyu ng Impeachment

  • PDF


CALAMBA, LAGUNA. Pormal nang gumugulong ang Impeachment Trial sa nasasakdal na si Punong Mahistrado Renato Corona. Hindi maitatangging ito ay isa sa pinakamalaking pangyayari sa kasaysayan ng administrasyong PNoy. Sa lahat nang ito, ano nga ba ang malinaw na posisyon ng mga Chipeco ng Calamba? Sila ba ay mga taga-usig o taga-suporta ni Corona? O hindi kaya’y isa sa mga nagkikibit-balikat sa tunay na sitwasyon ng bayan?


 

Nang sumindi ang mitsa…

Disyembre. Panahon ng paggunita sa kapaskuhan. Panahon rin ng kagalakan--- ngunit sa iilan lamang. Sa ganap na 6:22 ng hapon ng Disyembre 12 ay nakalikom ng 188 na pirma upang pormal na sampahan ng kaso ang punong mahistrado--- sapat na upang tuluyang gumulong ang Impeachment Case sa diumano’y kaalyado ng dating pangulo at ngayo’y kongresista Gloria Macapagal-Arroyo. Ilan sa mga matutunog na pagkakasala diumano ng punong mahistrado ay “betrayal of public trust” at “culpable violation of the constitution” at “graft and corruption”.

Maraming alingangas ang naglitawan matapos na pormal na maihain ang kasong Impeachment. Noong ika-26 ng Disyembre ay sumagot si Corona patungkol sa inihaing kaso laban sa kanya. Gayunpaman, kinatigan ng mga kongresista ang kaso dahil ito raw ay pagnanais ng taong-bayan upang patunayan na si Corona ay wala ngang kamalian. Dahil dito, pormal na nagsimula ang pagdinig sa kaso noong ika-16 ng Enero at magpahanggang ngayon ay tinatalakay pa rin ang ilang artikulo na nakasaad sa inihaing kaso.

 

 

Si Chipeco at si Corona

Sa ilang panayam sa mga naghain ng Impeachment laban sa Punong Mahistrado, tanging ang kongresistang si Niel Tupas Jr. lang ang humaharap sa taong-bayan upang ipaliwanag ang mga pangyayari at ilahad ang tunay na saloobin sa kaso. Tunay nga na si Tupas ang pinuno ng grupo ng prosekusyon, ngunit hindi ito sapat upang siya lamang ang tumayo at magpaliwanag ng dahilan kung bakit nila isinampa ang kaso laban sa Punong Mahistrado. Hindi kaya tunay ang alegasyon at alingangas noon na hindi naiintindihan ng mga kongresista ang kanilang pinirmahan para sa pag-usad ng kaso o sadyang may padrino na hindi maaaring kalabanin?

Isa si Justin Marc “Timmy” S.B. Chipeco, kongresista ng ikalawang distrito ng Calamba, sa 188 kongresista na pumirma sa Impeachment Complaint laban sa Punong Mahistrado Renato Corona. Matatandaang ang nasabing kongresista ay tumakbo sa ilalim ng Partido Nacionalista, partidong kaagaw sa pulitika tulad ng Partido Liberal at LAKAS-CMD. Gayunpaman, nang maihalal ito sa puwesto ay walang alinlangang inanyayahan upang pasinayaan ang panunumpa ng mga halal na opisyales ng Lungsod ng Calamba ang nasabing mahistrado.

 

Hindi maitatangging malapit sa pamilya Chipeco ang Punong Manhistrado, lalo na’t ang Punonglungsod ng Calamba ay tumakbo sa ilalim ng LAKAS-CMD na siya namang partido ng ngayo’y kongresista na si Gloria Macapagal-Arroyo, ang siyang nagluklok kay Corona bilang Punong Mahistrado ng Korte Suprema. Hindi maitatatwa na ang kanilang kaugnayan sa isa’t- isa kung kaya’t misteryo sa ilang mamamayan ng Calamba kung bakit pumirma sa nasabing kaso si Timmy Chipeco. Maraming haka-haka tuloy na naglalabasan kung bakit humantong sa pagkalas at paglihis ng landas ng dalawang personalidad sa pamahalaan.

 

 

Kapalit ng Paninindigan

Sa tila pagbulusok ng isyu patungkol sa kasong kinakaharap ni Corona, bakit hindi mamatay-matay ang usapin hinggil sa tunay na kuwento ng pagkaladkad sa 188 kongresista. Sila nga ba ay pinilit na pumirma, tinakot o buong pusong inaakusahan si Corona? Sa kaso ni Timmy Chipeco, siya ba talaga ay pumirma ayon sa kanyang paninindigan o sa mga pribilehiyong kaakibat ng pagpirma?

 

Maaaring suriin ang anggulong ito sa kung ano ang maaaring kapalit ng pagpirma, o ang tinatawag na “opportunity cost” ng mga ekonomista. Ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) o mas kilala sa tawag na “Pork Barrel” ang siyang tinatanggap ng mga kongresista upang punan ang pangangailangan ng distritong kanilang nasasakupan na hindi saklaw ng mga proyekto ng mga pambansang ahensya ng pamahalaan (maaaring para sa imprastraktura, kalusugan, edukasyon, o kagalingang panlipunan). Gayundin, maaari ring tingnan ang pagiging “mayorya” ng Liberal sa Kongreso na siyang nagpapahilakbot sa loob ng mga kongresista.

Magpahanggang ngayon ay hindi pa rin naririnig ng mamamayan ang boses ng 188 kongresista sa kani-kanilang mga distrito. Dagdag pa, hindi pa rin nakapaglalabas ng detalyadong paliwanag ang representante ng ikalawang distrito ng Laguna hinggil sa nangyayaring kaso ng impeachment laban kay Corona. Hanggang kalian ba magkikibit-balikat si Timmy Chipeco at ipaglalaban ang kanyang saloobin sa kanyang pagpirma?

 

Kung ang kanyang pananahimik sa isyu ay katumbas ng pag-amin na siya ay nadala ng pangamba sa maaaring gawin ng namumunong administrasyon sa kanya at sa maaari niyang makuha mula rito kasama na ang PDAF, maaaring sabihin na siya ay walang matibay na loob at paninindigan upang tumayo sa kanyang paniniwala. Kung ang kanyang pagpirma ay ay bunga ng “pagkapit sa matatag”, maaaring nakasandal nga siya sa pader na mahirap matibag. Gayunpaman, ang tanging nais ng tao ay ang kanyang paliwanag sa pagkalas niya sa maituturing na kaibigang matalik ng kanilang pamilya.

oath-corona


 


 

CALAMBEÑO BLOG is devoted to blogs/articles coming from visitors.  Opinions/comments/views from visitors' articles does not reflect the opinion/comments/views of Calamba.ph

 

DISCLAIMER

Last Updated on Wednesday, 22 February 2012 14:08