Ilang libong taon na nang pamunuan ng mga dinastiya ang ilang mga bansa katulad ng Tsina. Kontrolado nila ang pamahalaan at pamumuhay ng mga tao rito. Sa kasalukuyan, tila buhay ang mga dinastiya sa ating bansa, ito ay sa pamamagitan ng mga tinagurian nating political clans at dynasties.
Sa isang lipunang pinamumunuan ng iilan lamang pamilya, hindi malayo na maging sunud-sunuran lang tayo sa kanilang mga nais. Sa iba’t ibang probinsya at siyudad sa bansa, makikita na nabubuo ang mga modernong dinastiya.
Sa Kongreso pa lamang, halos kalahati ng mga nanunungkulan sa iba’t ibang distrito ay hindi nabago ang apelyido sa loob ng labindalawang taon o higit pa. Nariyan ang mga Dimaporo ng Davao, Ampatuan ng Maguindanao, Garcia ng Cebu, Villafuerte ng Bicol, Marcos ng Ilocos Norte at maging ang Chipeco ng Laguna. Ang iba pa ngang pamilya ay nanungkulan ng mahigit dalawang dekada at higit pa.
Lumabas sa pag-aaral ng mga kilalang institusyon tulad ng PCIJ at ilang mga iskolar kung sinu-sino ang mga angkan na gumuhit na ng modernong dinastiya na maging hanggang ngayon ay naninilbihan. Sa website ng Vera Files ay matutunghayan kung sino ang mga poltical clans sa bawat probinsya at nakatawag pansin sa akin ang lumabas na nag-iisang political clan sa Laguna, ang pamilyang Chipeco.
DINASTIYANG CHIPECO?
Ang pamilya Chipeco na ang may pinakamatagal na paghawak sa Kongreso ng ikalawang distrito ng Laguna. Sa kasalukuyan, nasa ikatlong termino na si Justin Marc “Timmy” Chipeco na nanilbihan mula pa noong 2004. Sinundan niya ang yapak ng kanyang ama na si Joaquin “Jun” Chipeco Jr., kasalukuyang mayor ng Lungsod ng Calamba na nanungkulan mula 1995-2004.
Sa katunayan, ikatlong henerasyon na si Timmy Chipeco na humawak sa pagiging representante ng Laguna. Unang-una ay ang kaniyang lolo na si Joaquin Chipeco Sr. na nanilbihan mula 1962-1965 at bago ang martial law mula 1970-1972. Inaasahan sa darating na 2013 ay magbabalik si Jun Chipeco sa pagka-kongresista.
Sa isang bansang nakilala sa pagpapamalas ng laya ng pamamahayag, malayo ang uri ng estado at paninilbihan sa gobyerno. Umaastang normal na lamang ang paggawa ng mga modernong dinastiya sa mata ng bawat isang Pilipino. Normal sa kadahilanang bukas natin itong nakikita at paulit-ulit lamang nangyayari. Isang probisyon sa konstitusyon ang nagsasaad laban sa pagbubuo ng ganitong mga uri ng dinastiya. Kung susuriin pa, ang mga pamilyang mayayaman ang karaniwang nakikinabang sa ganitong uri ng pulitika. May-ari ng naglalakihang lupa at hindi man lang dumanas ng hirap sa buhay.
Normal na rin ang pagkakadawit ng mga miyembro ng isang political clan sa kurapsyon. Sa kasalukuyan ay maraming nakabinbing kaso ang Ama ng Calamba na si Jun Chipeco. Ganito rin ang nangyayari sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas tulad na lamang ng mga Ampatuan ng Mindanao, Duterte ng Davao, Abalos ng Mandaluyong at Jalosjos ng Zamboanga.
EPEKTO NG DINASTIYA
Sumesentro sa iilang tao ang kapangyarihan ng gobyerno. Nagkakaroon ng higit na kapangyarihan ang isang buong pamilya, hindi lamang ang mga nasa panunungkulan kundi ang mismong mga kamag-anak nilang simpleng mamamayan lamang. Sumasakay sa kapangyarihan ang mga tauhang utusan ng mga modernong dinastiya at aastang hindi pantay ang estado nila sa buhay ng isang karaniwang mamamayan. Napakaraming negatibong aspeto pa ang pagkakaroon ng mga modernong dinastiya.
Sa Kongreso, tumanda na ang mga inihaing panukalang batas kontra sa mga political clans and dynasties. Simple lamang ang sagot kung bakit hindi makausad ang isang batas na magbibigay proteksyon sana sa pantay na pagkakataon sa pamamahala ng gobyerno. Dahil sila-sila pa ring mukha ang nasa kongreso. Bakit mo nga naman hahayaang mabawasan ang pagkakaroon mo ng kapangyarihan?
Makabago. Kontemporaryo. Alternatibo. Sana kung ganito ang pulitikang isinusulong ng mga bagong miyembro ng isang political clan, walang magrereklamo o babatikos. Maging nga ang party list system na isang paraan upang magkaroon ng representasyon ang ating mga marginalized sectors ay ginagamit na rin ng mga modernong dinastiya upang dumami ang magkakaapelyido sa Kongreso.
May mga tao namang naglakas ng loob upang labanan ang mga dinastiyang ito sa pamamagitan ng pagsilip sa pamamahala nila. Lumabas sa isang pag-aaral na isang source ng kurapsyon ang mga ganitong gawi ng ating mga pulitiko. Daan-daang kaso ang nakabinbin sa Office of the Ombudsman tungkol sa paglabag sa karapatan ng mamamayan, kurapsyon at labis na paggamit ng kapangyarihan. Sa daan-daang ito, halos lahat laban sa mga miyembro ng iba’t ibang political clans and dynasties.
Makakasulong ba ang bansang iilang tao lang ang nagmamando? Sana mamulat na nga ang taumbayan at makita kung ano ang kailangan nilang gawin para sa kanilang karapatan - ang pumili ng tama.---M.PALENTINOS

CALAMBEÑO BLOG is devoted to blogs/articles coming from visitors. Opinions/comments/views from visitors' articles does not reflect the opinion/comments/views of Calamba.ph
Last Updated on Friday, 13 January 2012 07:49