Jobs Directory

Untitled-1

Business Directory

Untitled-2

CALAMBEÑO BLOG: DI’ MALIWANAG ANG PASKO

  • PDF

Paparating na ang pasko. Inilawan na ang mga naglalakihang mga Christmas tree at mga Christmas lights sa iba’t ibang kapitolyo. Ang naglalakihang mga bahay ay pinupuno na ng mga dekorasyon. Kumukuti-kutitap ang mga kalsada sa mga pailaw. Ito ang madalas nating inaasahan sa pagdating ng kapaskuhan.


Iba naman ang magiging selebrasyon sa Canlubang, tahimik, madilim, iilan lamang ang mga batang nangangaroling. Ito ang pangalawang pasko at bagong taon ng mga naninirahan sa mga barrio sitios ng Canlubang na walang serbisyo ng kuryente. Matatandaan sa unang araw ng panunungkulan ni Pangulo Benigno Aquino III ay tinanggalan ng kuryente ang Canlubang dahil sa malaking utang ng Pamilya Yulo sa kuryente ng malaking bahagi ng barangay.


Nagtitiyaga ang ilang mga sitio tulad ng Bo. Canlubang, Old Stable, Locomotive, Casmiscehos, Happy Valley, Putol, Buntog at Mangumit sa kanilang mga baterya, generator at mga gasera upang kahit papaano ay makalampas sa kadilimang nararanasan. Ipinapakita ng mass media sa telebisyon at internet kung gaano kaliwanag ang pasko sa Pilipinas. Ipinapalabas ang pagbibigayan at pagpapalitan ng mga regalo. Ipinapakitang Masaya ang pasko.

Tayo na yatang mga Pilipino ang may pinakamahaba at pinakamakulay na kapaskuhan. Mga makukulay na parol, pailaw, simbang gabi, puto bumbong, bibingka at hamon, ilan lamang iyan sa mga nagsisilbing simbolo ng Paskong Pinoy. Dahil na rin sa madilim ang Canlubang, inagahan ang tradisyunal na simbang gabi sa parokya, mula sa dating ika-walo ng gabi ay ginawa nang ika-anim upang maging mas ligtas sa mga magsisimba. Ang mga batang nangangaroling ay nag-uumpisa habang may liwanag pa upang makilala sila ng kanilang mga aawitan. Karamihan naman ay mag-uuwian na lamang muna sa malalapit na kamag-anak upang kahit papaano ay makalimutan ang dilim pansamantala kahit man lang sa isang masayang araw.

Minsan bumisita ako sa Canlubang at nagbiro patungkol sa kuryente, ibinalita sa akin ng mga tao roon na malapit na raw ang hinihintay nilang pagbabalik ng serbisyo nito. May mga ahente at mga service provider na raw ang pumupunta para magsukat ng mga paglalagyan ng poste sa lugar. Nakita ko sa kanilang mga mata na buhay pa rin ang pag-asa. Hinihintay nilang muli na magbukas ang liwanag sa Canlubang. Sa ilang panahon na rin na walang kuryente ay normal na lamang sa mga tao rito ang dilim. Hindi sila namomroblema sa paparating na brownout o blackout. Ang pinoproblema nila ay kung makakain pa sa susunod na araw.


Nakita ko sa isang social networking site ang sagot ng isa sa miyembro ng Pamilya Yulo, sinabi niya na kung hindi kayang magtiis ng mga taga-Canlubang, umalis na lamang sila sa lugar. Matagal din naman raw pinakinabangan ng mga tao ang mga libreng serbisyo na binahagi ng kanilang pamilya. Kung nabasa iyon ng mga tao na nahihirapan sa kadiliman ng Canlubang, mahihirapan nila itong sikmurain. Hindi ba pinakinabangan rin naman nila ang lakas paggawa ng mga tao rito upang maging produktibo ang lupang kanilang pinaghugutan ng yaman?

Sa darating na Enero, isang malaking homecoming ang magaganap para sa mga naging taga-Canlubang. Marami ang uuwi mula sa iba’t ibang bansa. Libreng pagkain para sa lahat, darating ang mga opisyal ng barangay, miyembro ng pamilya Yulo at mga taong nais sumariwa sa mga ala-ala ng Canlubang noon. Magiging fiesta ang dating para sa pagbabalik nila sa dating paraiso. Subalit sa kabila ng kasiyahang nakaplanong gawin ay wala pa ring katiyakan sa lupa at serbisyong panlipunan ang mga taong kasalukuyang naninirahan dito. Hahayaan nilang hanggang ala-ala na lamang ang magagandang panahon ng Canlubang, wala sa plano kung paano nila ibabalik ito. Isa sanang magandang regalo iyon kahit tapos na ang Pasko sa panahong iyon.


Sa kabila ng hirap na dinadanas ng mga tao rito, nakangiti pa rin sila at naghahanda ng salu-salo sa parating pasko. Susubukan pa rin nilang maging masaya sa kabila ng hirap at kakulangan. Hindi man maliwanag ang pasko, buhay naman ang pag-asa sa puso ng bawat isang taga-Canlubang. /Pinpin Tolentino

 

brownout

 


 

CALAMBEÑO BLOG is devoted to blogs/articles coming from visitors.  Opinions/comments/views from visitors' articles does not reflect the opinion/comments/views of Calamba.ph

DISCLAIMER

 

Last Updated on Friday, 13 January 2012 07:51