NAIS NG MAMAMAYAN: PALIWANAG SA BOTO
- Wednesday, 14 December 2011
Bumulaga na lamang sa mga balita nitong nakaraang mga araw ang mabilisang pag-usad ng impeachment laban kay Supreme Court Justice Renato Corona. Tumaas ang kilay ng mga kritiko ng kasalukuyang administrasyon sa tila minadaling proseso ng impeachment. Katulad sa nangyaring botohan sa impeachment ni dating Ombudsman Merceditas Gutierrez, tanong ng marami kung paano bumoto ang mga mambabatas sa kanilang lugar.
"YES" si CONG. TIMMY
Hindi matatawaran ang ginagawang effort ngayon ng administrasyon sa paglilinis sa mga sangay ng pamahalaan. Nitong nakaraang linggo, inilipat na ang dating Pangulo at ngayo'y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo sa hospital arrest sa state-owned Veterans Memorial Medical Center. Sa mga nakalipas na linggo, naging mainit rin ang patutsada ni Pangulong Benigno Aquino III sa Korte Suprema dahil sa mga hindi pabor sa pamahalaan na desisyon. Ilan sa mga binara ng Korte Suprema ay ang Truth Commission ni PNoy at maging ang pagpabor nito kay Arroyo sa lang mga kaso. Matatandaang si Corona ay sinasabing isang midnight appointee ni Arroyo. Kalakhan rin ng mga mahistrado sa Korte Suprema ay mga in-appoint ni Arroyo.
Kasabay ng umpugan ng sangay ng ehekutibo at hudikatura ay ang biglaang desisyon ng pamamahagi sa lupain ng mga Cojuangco, ang Hacienda Luisita. Banat ng hudikatura na huwag lagyan ng politika ang kasarinlan ng mga mahistrado sa pagdedesisyon. Sa mabilis na impeachment kay Corona sa Kamara, siya ang pangatlo sa bansa na dadaan sa impeachment trial, una na si dating Pangulo Joseph Estrada at Ombudsman Gutierrez. Noong nakaraang linggo ay sufficient-in-substance na rin ang impeachment case laban kay SC Justice Mariano del Castillo dahil sa plagiarism sa desisyon niya laban sa mga comfort women.

| Noong nakaraang botohan sa impeachment ni Ombudsman Gutierrez ay absent si Laguna, Second District Rep. Timmy Chipeco. Sa pagkakataong ito, pang-111 na pumirma si Cong. Timmy sa hinapag na impeachment complaint ng mga administration congressmen laban sa hepe ng hudikatura. Sa kabuuan ay 188 na kongresista ang pumirma sa impeachment complaint upang mapatalsik si Corona. Sa ngayon ay binawi na ni Aurora Rep. Sonny Angara ang kanyang boto dahil tatayo ang ama niya bilang tagalitis sa Senado. |
BAKIT "YES"?
Tulad sa ilang mga isyu ay tahimik sa pagpapaliwanag si Chipeco sa kaniyang mga desisyon. Bakit ba bumuto ang kongresista ng ikalawang distrito ng Laguna ng YES para sa impeachment? Ikunsidera natin ang ilang factors: party pressure at administration call.
Si Congressman Timmy Chipeco ay miyembro ng Nacionalista Party ni Sen. Manny Villar. Masasabi nating iba ang orange sa dilaw dahil naging magkatunggali ang mga ito noong 2010 elections subalit ibahin natin ito sa kasalukuyang mababang kapulungan. Sa paghalal kay House Speaker Sonny Belmonte ay nabuo ang majority at minority bloc. Bumuo ng koalisyon ang Libreral Party sa ibang partido kasama na nga ang Nacionalista at maging mga progresibong partylist members. Natira lamang ang humigit kumulang 50 miyembro para sa minorya sa kasalukuyan. Sa nakalipas na Kongreso ay nasa minorya si Chipeco dahil kalaban ng Nacionalista si dating Pangulo Arroyo.
Maaaring pressure sa kaniyang partido at sa buong majority bloc ang ginawang pagboto ni Chipeco pabor sa impeachment kay Corona. Halos buong mayorya ay bumoto para sa impeachment. Dahil na rin siguro (umamin man o hindi) sa kumpas ni PNoy ang nangyaring mabilisang impeachment kaya napilitang bumoto ang kongresista dahil sa ehekutibo nakasalalay kung bibigyan sila ng kanilang mga pork barrel. Subalit sapat bang dahilan ang mga pressure mula sa mga kapartido at sangay ehekutibo upang magdesisyon ng mabilisan sa isang importanteng isyu?
Isang abogado si Chipeco kaya alam niya malamang ang pasikut-sikot ng proseso sa batas. Sa dinaaanan ng impeachment process ni Corona, iilang kongresista (sinasabing pawang mga proponents) lamang ang nakakita at nakahawak ng reklamo laban sa SC Chief. Walang nakaaalam sa atin kung nakakuha ng kopya ang ating kongresista subalit ilang prominenteng mukha ng mayorya tulad nina Rep. Rodolfo Farinas at Crispin Remulla ang hindi bumoto pabor sa imepachment sapagkat hindi nila nabasa o nakita kung ano ang pinanggalingan ng impeachment case. Ang malinaw ay nagpatawag ng majority caucus at sa loob lamang isang oras, mahigit isang daang kongresista na ang pumirma na pinaliwanagan lamang ng ilang minutong presentation ni Rep. Niel Tupas.
Nitong araw lamang, nagbitiw si Navotas Rep. Toby Tiangco sa mayorya dahil sa sinasabing minanipulang impeachment express. Hindi siya pabor sa ginawang mabilisang impeachment at walang pag-aaral sa kanilang mga kongresista bago magdesisyon sa isang sensitibong at importanteng bagay. Ganoon din halos ang paniniwala ni Muntinlupa Rep. Rodolfo Biazon na miyembro mismo ng Liberal. Nais niyang mapag-aralan muna ang isinasampang impeachment bago tuluyang ipasa ito sa Senado.
GO WITH THE FLOW
Sumabay nga lang ba sa agos si Cong . Timmy Chipeco sa isang importanteng isyu? Hindi natin ito malalaman hanggang wala siyang plaiwanag sa kaniyang mga mismong constituents.
Sa isang statement ay isinulat ni Kabataan Partylist Rep. Raymond Palatino ang kanyang pagsang-ayon at pagpirma sa impeachment case laban kay SC Chief Corona. Sinabi niya na sawa na siya sa patuloy na pagtataklob ni Corona kay Arroyo subalit sinabayan niya ng batikos ang administrasyong Arroyo na huwag magtayo ng sarili nilang korte, tulad ng ginawa ni Arroyo sa Korte Suprema. Patuloy raw na kumakampi sa elitista ang korte kaya kailangan nito ng transpormasyon sa diwa ng pag-alis sa pinuno nito.
Naglabas rin ng saloobin ang mga nasa minorya bilang pagtutol sa ginawang mabilisang impeachment sa dating Chief-of-Staff ni Arroyo.
Sa dulo, hindi manghuhula ang taumbayan. Hindi nila kayang isipin kung bakit bumoto pabor ang isang kongresista ng walang paliwanag. Sa muling pagkakataon, paliwanag ang nais ng mamamayan kay Cong. Chipeco kung ano ang dahilan ng kaniyang pagboto. Kung patuloy siyang mananahimik, wala tayong magagawa kundi gumawa ng mga makatwirang opinyon at espekulasyon. -PINPIN TOLENTINO |

|
CALAMBEÑO BLOG is devoted to blogs/articles coming from visitors. Opinions/comments/views from visitors' articles does not reflect the opinion/comments/views of Calamba.ph
DISCLAIMER
Last Updated on Friday, 13 January 2012 07:54