Sa bisa ng OMB-L-A-10-0589-I at OMB-L-A-0590-I na ipinalabas bilang kautusan mula sa Office of Deputy Ombudsman for Luzon na si Francis Jardeleza, epektibo mula noong ika-20 ng Setyembre ang six (6)- month preventive suspension sa dalawang opisyal ng Lungsod ng Calamba. Ang dalawang nasabing opisyales ay sina Gregoria A. Dongallo, City Budget Officer, at si Carminia V. Espiridion, City Accountant.
Ang nasabing preventive suspension ay patungkol sa pagkakadawit nila sa diumano’y kuwestiyonable at maanomalyang pagkakawala ng pondo ng gobyerno. Kasama sa naturang pondo ay ang biglang pagkawala ng mga tseke na nagkakahalaga ng higit sa dalawampu’t anim na milyong piso na nasa ilalim diumano ng Special Education Fund at General Fund ng Lungsod ng Calamba.
Ang preventive suspension ay isang hakbang upang ang isang indibidwal na may nakabinbing o sangkot sa isang kaso ay hindi makaapekto sa imbestigasyong ginagawa ng tanggapang sumusuri sa kaso. Dagdag pa, ang isang indibidwal na inilagay sa preventive suspension ay hindi makatatanggap ng suweldo o anupamang uri ng kabayaran sa panahon ng kanilang suspension. Bagamat hindi tuwirang itinuturo o idinidiin sa kaso ang dalawang nasabing opisyales, umaasa ang mga mamamayan ng Calamba na agad mareresolbahan ang kaso sa lalong madaling panahon upang mapanagutan na ang anomalya sa pananalapi at kaban ng Lungsod ng Calamba.
Gayunpaman, hindi mananatiling bakante ang trabaho ng dalawang opisyal pagkat itinalaga rin sa araw na iyon ang papalit pansamantala sa mga nabakanteng posisyon. Dahil dito, papalit bilang officer-in-charge ng City Accounting and Internal Control Office si Editha M. Malabanan, Assistant Accountant ng nasabing tanggapan, at tatayong officer-in-charge naman ng City Budget Office si Nida C. Dela Cruz, Supervising Administrative Officer ng naturang tanggapan, sa bisa ng Office Order Numbers 11-17 at 11-18, Series of 2011.
Ang nangyaring ito ay itinuturing na pansamantalang tagumpay ng bawat mamamayang Calambeño laban sa katiwalian at kamalian sa lungsod. Gayunpaman, nananatili pa ring kuwestiyonable ang ilang detalye sa pagkawala ng pondo ng bayan. May ilang mamamayan pa rin ang nagtatanong kung bakit dalawa lamang ang napatawan ng suspensyon gayong maaaring hindi iilang tao lamang ang makagagawa ng nasabing katiwalian. Kung gayon rin lang ang takbo ng mga pangyayari, hindi ba posible na nalalalaman ng ilang mas mataas na opisyal ang anomalya kung saan dawit ang dalawang nasabing opisyales? Hindi malayong makamtan rin sa lalong madaling panahon ang katotohanang bumabalot sa ‘di mamatay-matay na usapin ng katiwalian sa Lungsod ng Calamba.---JM JOSE
RELATED ARTICLE:
MAYOR CHIPECO DI PA LIGTAS SA SUSPENSYON AYON KAY DR. VERGARA

CALAMBEÑO BLOG is devoted to blogs/articles coming from visitors. Opinions/comments/views from visitors' articles does not reflect the opinion/comments/views of Calamba.ph