Mahigit isang taon nang muli ang lumipas sa panunungkulan ni Congressman Justin Marc “Timmy” Chipeco sa Kongreso, kamusta na kaya ang mga panukalang batas na kanyang inihain? Sapat ba ang kanyang nagagawang partisipasyon sa Kamara para sa taumbayan, higit lalo na sa mga mamamayan ng Ikalawang Distrito ng Laguna? Hayaan nating suriin ang kanyang nagawa sa kanyang huling termino sa Kongreso.
MGA PANUKALANG BATAS
Matapos ang isang taon, lumabas sa website ng Kongreso na mayroong 15 (http://congress.gov.ph/members/search.php?congress=15&id=chipeco) na panukalang batas ang inihain ni Cong. Chipeco para sa 15th Congress. Sa labinlimang ito, wala pang ni isang batas ang nakakarating sa lamesa ng Malakanyang. Samakatuwid, nakabinbin pa halos lahat sa Kamara.
Sa labinlimang akdang panukalang batas, apat ay patungkol sa paglalagay ng mga panibagong regional trial courts sa iba’t ibang bayan na nasasakupan niya at anim ay ang pagconvert sa ilang mga daanan bilang national road.
Ang natitirang lima ay patungkol sa regulasyon sa practice ng microbiology sa bansa, pag-amyenda sa City Charter of Calamba, dalawa tungkol sa paggawa sa Bayan ng Cabuyao bilang isang lungsod at paghiling na gawing non-working holiday ang June 19 o ang kaarawan ni Dr. Jose Rizal.
Sa malalimang pagsusuri, 13 sa 15 panukalang batas ay direktang makakaapekto sa kanyang distritong kinasasakupan at dalawa lamang ang para sa buong bansa. Kung babasahin ang kanyang mga akdang panukala ang una niyang tatlong inihaing batas tungkol sa pagdagdag ng mga sangay ng RTC sa Calamba, Los Baños at Cabuyao ay pina-isa na lamang niya sa isang panukalang batas ang HB04476. Samantalang pinalitan niya rin ang isang panukalang batas tungkol sa conversion ng Cabuyao sa isang component city mula sa HB3811 tungo HB4259. Ang HB 4476 at HB4259 ay pawang umusad na sa Senado at inaabangan pa kung kailan didinggin. Sa ngayon ay mayroon lamang talagang siyam na panukalang batas ang kongresista.
Kung susuriin naman ang laman ng natitira pa niyang mga panukalang batas, ramdam ba ito ng mga tao sa kanyang distrito? Ang sagot ay hindi para sa marami. Hindi tataas ang kabuhayan ng isang simpleng mamamayan sa pagconvert ng isang daan patungong national road. Walang panukalang batas na inihain si Congressman Chipeco para sa mamamayan. Walang makabagong inisyatibang inihahain ang kongresista ngayon sa Kongreso.
Malayong-malayo ang nagawa nang panukalang batas ng mga kasama niyang kongresista sa kaniya. Malayong maihanay siya sa pagiging aktibo ng ilang kongresista tulad nina Quezon Rep. Erin Tañada, Aurora Rep. Sonny Angara at Cagayan Rep. Jack Enrile sa pagakda ng mga panukalang batas at kahit sa mismong sesyon. Malayong-malayo rin siya sa mga naihain nang panukalang batas ng mga bagitong kongresista tulad ni Saranggani Rep. Manny Pacquiao at Cavite Congresswoman Lani Mercado-Revilla.
ANG GUSTO NG MAMAMAYAN
Ang tunay na gusto ng mamamayan at buong ikalawang distrito ay manindigan ang kanilang kongresista para sa kanilang mga gustong batas. Nais ng mamamayan ang isang kongresista na hindi takot na sumagwan laban sa agos ng tradisyunal na pulitika. Sa ngayon, hindi pa ito naipapakita sa pitong taon na panunungkulan ni Cong. Timmy Chipeco.
Naging kataka-taka na noong panahon sa botohan ng impeachment ni dating Ombudsman Merceditas Gutierrez ay walang naitalang boto ang kongresista sa kabila ng public clamor na nais malitis ang Ombudsman.
Isyu ngayon ang pangangailangan sa mataas na badyet sa edukasyon, partikular sa mga State Colleges and Universities at hanggang ngayon ay walang pagsuportang naipapakita ang ating kongresista sa kabila ng biglang pagkapal ng suporta sa Kongreso sa panukalang pataasin ang badyet dito. Malaking hakbang ang isinagawa ng ilang mambabatas para tumaas ang sahod ng mga manggagawa at wala ring paninindigan an gating kongresista ukol sa mga ganitong panukala. Si Cong. Manny Pacquiao ay kasamang nag-akda sa P125 across-the-board nationwide wage increase sa mga pribadong kompanya habang si Rep. Lani Mercado-Revilla naman ay naghain ng isang batas upang itaas ang sahod ng mga kawani ng gobyerno ng P6000. Ito ay mga batas na nais maipasa ng mamamayan dahil direktang tutulong sa kanila subalit kulang ang suporta mula sa mga kongresista.
Isa rin si Congressman Timmy Chipeco na nais mailibing si dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani sa kabila ng pagtutol ng maraming human rights victim noong Martial Law. Sa kabila naman ng mga pagsusulong na itaguyod ang paggamit ng pambansang wika sa bansa, isa rin ang ating kongresista na nagsusulong sa Ingles bilang pangunahing medium of instruction sa mga paaralan.
Kung titingnan natin, walang reports na inilalathala kung paano ginagastos ni Cong. Timmy Chipeco ang kanyang pork barrel. Malinaw lang natin nakikita ang pagbibigay niya ng financial aid sa iilang kabataan at pagsasaayos ng ilang mga kalsada sa ating distrito.
Ang pangunahing gawain ng isang kongresista ay gumawa ng mga batas na para sa tao. Kung hahayaan natin ang ating mga kinatawan sa Kongreso ay mananatiling nakaupo sa kanyang puwesto nang wala man lang inihahain alternatibong mga batas na pakikinabangan ng mga tao, sayang lamang ang tiwalang ipinagkaloob natin sa kanila. Kailangang manindigan ang mga kongresista, hindi batay sa kung ano lamang ang nais niya, dapat batay sa konsensya at sa gusto ng mamamayan nagluklok sa kanya.---PINPIN TOLENTINO

Photo: saylala.wordpress.com
CALAMBEÑO BLOG is devoted to blogs/articles coming from visitors. Opinions/comments/views from visitors' articles does not reflect the opinion/comments/views of Calamba.ph