Ang konsepto ng kooperatiba ay hindi lingid sa kaalaman ng mga Pilipino pagkat katumbas nito ay BAYANIHAN. Kagyat ng kaalamang ito ay ang panlipunang pagtugon ng mga Pilipino upang mag-damayan at magtulungan, lalo’t higit sa panahon ng suliranin. Sa patuloy na pag-usbong ng panahon, unti-unting yumabong ang payak na konsepto ng kooperatiba, ngunit napanatili pa rin ang orihinal na kahulugan nito. Gayunpaman, gaano man kapositibo ang konseptong ito, bakit tila nababahiran panaka-naka ng ibang kulay at daloy ng pulitika ang isa sa simbolo ng ating pagkakaisa?
Sa mandato ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal, ipinalabas noong ika-4 ng Agosto taong 2010 ang panuntunan ukol sa akreditasyon ng People’s Organization (POs), Non-Government Organization (NGO), at iba pang katulad na organisasyon upang mapasama sa pagpili ng kinatawan para sa espesyal na lupong pang-lokal sa bawat pamahalaang lokal sa Pilipinas. Kasama sa naturang panuntunan ang mga kooperatiba bilang klasipikadong organisasyon.
Sa naging pahayag ni Dir. Roseller Rizal, hepe ng DILG- Calamba City sa pulong noong ika-26 ng Agosto 2011, ipinaliwanag niya na ang naturang panuntunan na inilabas ng kagawaran ay para lamang sa akreditasyon upang mapabilang sa espesyal na lupong pang-lokal na ginagawa hanggang sa huling linggo ng Setyembre. Gayunpaman, ang akreditasyon ng mga organisasyon ay regular at patuloy na operasyon na pangungunahan ng komite ng akreditasyon.
Sa nasabing pagpupulong, napag-usapan rin ang ilang probisyon kung anu-anong mga kooperatiba ang karapat-dapat na mapasama sa akreditasyong iyon pagkat isa sa pribilehiyong maaaring makuha ng naturang organisasyon ay ang pakikibahagi sa pagbabalangkas at ang pagkakaloob mula sa pondong pangkabuhayan ng lungsod. Isa sa masusing tinalakay sa pulong ay ang pag-iingat at tamang pagkakaloob ng pondo ng bayan sa mga organisasyong may maayos na pagpapatakbo ng operasyon at proyekto sa loob ng ilang panahon.
Batas Republika 9520: Kodigo ng Kooperatiba
Sa ganap na pag-apruba ng Pangulo noong taong 2009, pormal na nailatag sa publiko ang Batas Republika 9520 o mas kilala bilang Philippine Cooperative Code of 2008. Nakasaad sa nasabing batas ang mga probisyon na nauukol sa iba’t-ibang uri ng kooperatiba, mga proseso at kinakailangan sa pagtatayo ng kooperatiba, pangangasiwa at pagsasagawa ng proyekto sa mga miyembro at iba pa. Ito rin ang nagsisilbing pamantayan ng Cooperative Development Authority (CDA), pangunahing ahensyang-tagapagpatupad ng nasabing batas, upang siguruhin na ang bawat kooperatiba, tatag o itatatag pa lamang, ay napapatakbo nang wasto.
Kinikilala ng naturang batas ang kapasidad at kakayahan ng kooperatiba upang itaguyod ang pagpapaunlad ng bawat indibidwal na kabilang sa samahang kanyang kinaaaniban. Gayunpaman, kaakibat ng pagkilalang ito ng pamahalaan ay ang responsibilidad ng bawat kooperatiba na ang kanilang gagawing programa o proyekto ay tunay na makakatulong sa mga miyembro at ng komunidad o dili kaya’y makakakapag-paunlad sa sitwasyon ng mamamayan sa kabuuan.
Bilang tugon, naihain ang Resolusyon Bilang 238 ng 2010 o ang pagtatakda ng panuntunan sa Cooperative and Livelihood Development Program ng Lungsod ng Calamba. Ang nasabing resolusyon ay ang mismong panuntunan ukol sa paggamit at pamamahagi ng Livelihood Fund para sa pagpapautang sa kooperatiba. Saklaw nito ang City Livelihood Development Fund (CLDF) mula pa noong Disyembre 1993 hanggang Disyembre 2009 na may revolving fund na Php 17,453,999.00 at pondong pautang na Php 4,752,412.94, gayundin ang sinangayunang pondo para sa kabuhayan noong 2010 na nagkakahalaga ng Php 20,000,000.00.
Programa ng Kooperatiba: Pautang at Kabayaran
Marami-rami na rin ang bilang ng mga kooperatiba sa Lungsod ng Calamba bago pa man makumpleto ang batas noong 2008. Gayunpaman, tanging labing-anim (16) na kooperatiba lamang ang napasama sa akreditasyon para sa taong 2011 upang mapabilang sa espesyal na lupong pang-lokal ng Calamba.
Ngunit labas sa labing-anim (16) na kooperatibang ito, marami pa rin ang kooperatibang karapat-dapat na pagkalooban ng tulong para sa kanilang programa na mula sa Pamahalaang Lungsod ng Calamba. Ilan sa mga pamantayan ng pagkakaloob ng tulong pinansyal para sa programa ng kooperatiba ay ang: kakayahan ng kooperatiba sa naturang programa, kakayahan ng mga miyembro na isagawa ang programa, kakayahang pangpinansiya ng kooperatiba para sa pag-utang at pagpapasimula ng programa, at balangkas ng programa.
Bagamat may pagka-teknikal ang ilan sa mga probisyon ng Cooperative and Livelihood Development Office (CLDO), ang tanggapan na nangangasiwa sa mga kooperatiba sa Calamba, marami pa rin sa mga kooperatiba ang kwalipikado ang may pagkakataong mapagkalooban ng tulong pinansiyal ng pamahalaang lokal. Sa naturang panuntunan rin nakasaad ang termino at paraan ng pagbabayad ng mga kooperatiba sa pondong kanilang inutang mula sa pamahalaan (See Attachment).
Kooperatiba: Makinarya ng Pulitika?
Ang tanging nakasaad sa panuntunan ng CLDO pagdating sa termino ng pagbabayad sa pautang sa mga pinagkalooban na kooperatiba ay depende sa proyektong pangkabuhayan ng kooperatiba. Walang komprehensibong detalye ang naturang panuntunan kung anu-ano ang mga kondisyon o kung papaano gagawan ng pagsusuri ang mga programang inilapit ng kooperatiba sa pag-utang. Para sa mga ekonomista, maaaring ang ganitong porma ng maluwag na pamamahagi ng pautang sa kooperatiba ay isang klase ng “credit rationing”. Hindi rin binabanggit ng naturang panuntunan ang bilang ng taon ng pagkakabuo ng kooperatiba, bagay na nakikita ng mga ekonomista na isa ring mekanismo ng “credit rationing” pagkat hindi kinikilala ang bilang ng taon ng kooperatiba bilang basehan ng isang “matibay na kooperatiba”.
![]() | Sa sulatin ni Sheila Coronel ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), binanggit niya na ang kawalan ng komprehensibong pagdetalye ng pamamahagi ng pondo ng pamahalaan sa mga proyekto o programa ng iilang mga lupon o grupo sa isang administratibong saklawan ay maaaring gamitin bilang makinarya ng pulitika lalo’t higit ng mga nasa posisyon sa pamahalaan. Tunay nga na kaawa-awa ang sitwasyon ng ilan sa mga kooperatiba sa Calamba pagkat tila naglilimos sila ng mumong malalaglag sa hapag ng lokal na pamahalaan, ngunit kaakibat ng maluwag na implementasyon sa pamumudmod ng pondong pangkabuhayan sa mga grupong walang matibay na pundasyon upang isakatuparan ang mga programang kanilang ninanais ay ang maaaring pagsasamantala ng ilang nasa posisyon at ang hindi maayos na alokasyon ng kaban ng bayan sa mga prayoridad na programa na may matibay na pag-aaral sa pag-papaunlad ng mamamayan. |
Mananatiling hamon sa lokal na pamahalaan ang gumawa ng komprehensibong pag-aaral at pagsusuri sa mga organisasyon at mga proyekto nito, lalo na kung ang kaban ng bayan ang nakasalalay. Paano pangangalagaan ang pondo ng bayan kung maluwag na basehan ang paiiralin sa pamamahagi ng tulong pinansiyal sa paraan ng pautang? Ang pondong inilalaan ng pamahalaan para sa pangkabuhayan ay mekanismo ng pamahalaan upang ibalik sa tao ang narararapat niyang makuha sa matapat na pagbabayad ng buwis. Ngunit dapat rin na isaalang-alang at pairalin ang matibay, maayos, at malalimang imbestigasyon ukol sa mga kooperatiba upang hindi mauwi sa wala ang perang inilaan ng bayan. Oo, mapagbigay ang pamahalaan, ngunit kahit ang pagiging mapagbigay ng isang tao o grupo ay may basehan nang hindi nauuwi sa pag-abuso ng kapangyarihan at kawalan ng sistema sa implementasyon ng programa na para naman sa bayan.--JM Jose
CALAMBEÑO BLOG is devoted to blogs/articles coming from visitors. Opinions/comments/views from visitors' articles does not reflect the opinion/comments/views of Calamba.ph