“Ang sakit ng kalingkingan, dama ng buong katawan.”
Ang salawikaing Pilipino na ito ay kahalintulad ng sinasabi ni Terry Eagleton sa kanyang akdang “The Significance of Theory” kung saan binanggit niya na ang mga bukol sa katawan ay hindi pirming bahagi nito. Samakatuwid, tuwing makakakita tayo ng bukol, inaasahan natin na ito’y maglalaho, o di kaya’y hahanap ng paraan upang ito ay mawala. Dahil ang pagkakaroon ng bukol ay laging isang babala na may mas malalim at peligrosong proseso na nagaganap sa ating katawan.
Ganito marahil ang prosesong nangyari nang makaabot sa kinauukulan ang tungkol sa diumano’y kahina-hinalang operasyon at transaksyon sa Jose P. Rizal Memorial District Hospital (JPRMDH). Ang JPRMDH ay isang pang-distritong pagamutan ng Ikalawang Distrito ng Laguna kung saan ang direktang nangangasiwa nito ay ang Panlalawigang Pamahalaan ng Laguna sa ilalim ng Tanggapan ng Gobernador. Ito ay isang serbisyo publiko na inihahatid ng gobyerno sa mga mamamayan ng ikalawang distrito, lalo’t higit sa mga kapus-palad at maralitang taga-Laguna. Bagamat ang JPRMDH ay direktang pinangangasiwaan ng lalawigan, kaukulang pansin ang binibigay ng Pamahalaang Panlungsod ng Laguna sapagkat ang karamihan sa mga dumudulog sa nasabing paggamutan ay ang mga mamamayan ng Lungsod ng Calamba.
Noong ika- 4 ng Agosto ay nagpatawag ng pulong ang Sangguniang Panlungsod ng Calamba sa ilalim ng Komite ng Kalusugan at Kalinisan upang tugunan ang ilang alegasyong ipinupukol ng ilang mga pasyenteng dumulog sa naturang ospital. Kabilang sa mga dumalo ay sina Kgg. Edgardo Catindig, Kgg. Peewee Perez, Kgg. Christian Nino Lajara, Dr. Rodolfo Khan ng City Health Office, Dr. Charito Gealogo, G. Gerardo de Leon, at Dr. Gonzalo Lavarias ng JPRMDH, at ni Kgg. Ruth Mariano- Hernandez bilang puno ng Komite ng Kalusugan at Kalinisan.
Ayon sa puno ng komite na si Konsehal Ruth Mariano- Hernandez, ang naturang pulong ay ipinatawag upang dinggin ang ilang alegasyon ng mga pasyente ng JPRMDH, partikular sa diumano’y paglalabas ng “coded message” ng ilang mga doktor sa reseta kung saan tanging iilang botika lamang ang nakakaalam kung ano ang naturang gamot. Sa pahayag ni Dr. Gonzalo Lavarias, Jr. M.D., hepe ng JPRMDH, matagal ng alingasngas sa naturang paggamutan ang nasabing usapin. Dagdag pa niya, ang isyung ito ay hinainan na niya ng isang memorandum noong taong 2004 kung saan ang lahat ng doktor sa iba’t ibang departamento ng ospital ay dapat na magreseta ng mga gamot na matatagpuan sa ospital o kaya ay maglagay ng “generic name” upang makahanap ang mga pasyente ng gamot na maaari nilang mabili sa halagang kaya nilang tustusan. Gayunpaman, kahit na ilang beses na pinaaalalahanan ang ospital sa ganitong usapin, dumadating talaga ang punto na may mag-uulat sa parehong usapin muli.
|
|
Bagamat ang suliranin na ito ay panloob na usapin ng JPRMDH, ang isyu ay lubhang nakakaapekto sa mga mamamayan ng Calamba na dumudulog ng lunas sa naturang ospital. Ang ilang pasyente na hindi makabili o hindi makahanap ng mga gamot na inirereseta ng mga doktor ay idinudulog naman sa tanggapan ng mga pampublikong opisyales bilang bahagi ng kanilang serbisyo publiko. Sa pahayag ni Kgg. Eduardo Catindig, marami-rami na rin siyang nariringgan na karaingan na pumapartikular sa paglalabas ng “coded message” na reseta. Dagdag pa niya, nais man niyang tumulong sa mga tao ngunit ang resetang hindi niya maiintindihan ay hindi rin niya matutugunan.
Ayon kay Konsehal Mariano- Hernandez, hindi kinakailangan na magkaroon ng kasuhan upang ang suliranin na ito ay matuldukan. Dagdag pa, ito ay suliraning panloob na tanging ang pamunuan ng JPRMDH at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna ang makakapag-ayos. Kung mayroon mang magagawa ang Sangguniang Panlungsod ng Calamba, ito ay ang maglabas ng resolusyon upang tumugon ang pamunuan na ayusin ang suliranin ukol sa paggamit ng generic name na mga gamot. Dahil dito, hinihingi ng Sangguniang Panlungsod ng Calamba ang agarang pagsasaayos ng suliranin upang magkaroon ng tunay na lunas sa sakit ng mga pasyente at ng mamamayan ng Calamba.
Bakit nga ba nangyayari at patuloy na umuusbong ang ganitong uri ng usapin, partikular sa paggamit ng “coded message” ng ilang mga doktor? May direktang ugnayan ba ang paggamit ng “coded message” na reseta at ang botika kung saan mabibili ang mga naturang gamot? Ano pa ba ang magagawa ng lokal na pamahalaan upang tugunan ang usaping nakakapagpasakit sa ilang mga pasyente. Tunay nga na ang sakit ng kalingkingan ay dama ng buong katawan. Ito ay hindi isang simpleng problema, ito ay isang suliranin na nabanaag mula sa isang mas malaking suliranin na nagaantay lamang na mabunyag. Ang bawat sakit ay may karampatang lunas, at ang lunas ay dapat na pangmatagalan.--JM Jose
CALAMBEÑO BLOG is devoted to blogs/articles coming from visitors. Opinions/comments/views from visitors' articles does not reflect the opinion/comments/views of Calamba.ph
Last Updated on Wednesday, 26 October 2011 07:02