Nitong nakaraang buwan ng Hunyo, kaalinsabay ng pagdiriwang ng ika-150 taong kaarawan ni Dr. Jose Rizal ay pinasinayaan ang pag-uumpisa ng proyektong computerization ng tatlong departamento ng lokal na pamahalaan ng Calamba: ang Business Permit and Tricycle Franchising Office, Treasury Office, at Assessor’s Office. Ang launching na ito ay dinaluhan ng mga hepe at kawani ng mga naturang tanggapan at ng mga matataas na opisyal ng kumpanyang nakakuha ng kontrata para sa proyektong ito ang Amellar Solution. Ang ganitong klaseng hakbang ay inaasahang makapagpapabago ng tradisyunal na sistema ng pagpoproseso ng mga transaksyon sa pamahalaan partikular ang mga koleksyon ng buwis, na maiaangat nito ang antas ng productivity at efficiency maging ng mga kawani. Sa pangkalahatan ay inaasahang ito ay makapagdulot ng kabutihan at kagalingan sa mga mamamayan ng Calamba.
Bagamat ang Calamba ay itinuturing na isang first class city, ito ang regional capital ng Calabarzon, tila late na ito sa pagkakaroon ng computerized system. Ang ibang mga maliliit na siyudad (kumpara sa Calamba) ay matagal ng gumagamit ng mga ganitong teknolohiya. Ayon sa ilang matatagal ng kawani ng City Hall, diumano ay taong 2008 pa ay aprubado na ang computerization project na ito. Matatandaan din na noong taong 2009 ay may mga polyetong ipinakalat at mga poster na umuungkat sa sinasabing 45M Computerization Fund (na tila malisyosong nagtatanong kung nasaan na ang nasabing proyekto). Mula 45M, ayon sa pinakahuling pulong sa Sanggunian Panlungsod, ay 42M naman ang binabanggit na halaga ng proyektong ito.
Mabuting balita (sana) na sisimulan na ang implementasyon ng bagong sistemang ito kung hindi nga lamang sa katanungang, HINDI BA TILA NAPAKALAKI YATA NG 42 MILYONG PISO PARA SA COMPUTERIZED SYSTEM NG TATLO LAMANG NA DEPARTMENTS?
Ayon sa aking pagsasaliksik ng mga detalye ng naturang proyekto, ang mga pangunahing hardware specifications nito ay ang mga sumusunod:
1 IBM Server
1 Linux Server
~28 PC/terminals
~3 Printers
1 Router
Intranet Environment
Platforms: Windows 7, Linux
Antivirus: BitDefender
Licenses: Windows 7, MS Office, BitDefender
Isa pang mahalagang punto na dapat isaalang-alang ay ang sinasabing ang software na gagamitin sa Calamba ay ‘yung software din na ginagamit ng ibang bayan/lungsod na kliyente ng Amellar Solution. Ayon mismo sa Assistant Project Manager ng kumpanya, ito ay binabago na lamang para mag-“fit” sa Calamba. Samakatuwid, hindi natin maituturing na ito ay isang customized software, na sadyang binuo o dinevelop para sa needs ng siyudad na ito. Manapa ay para lamang bumili ng isang “off-the-shelf” software na mas mura kaysa customized.
Kung hardware ang pag-uusapan, mahirap isiping aabutin ng 42M ang buong proyekto. Sa website ng IBM, ang pinakamahal nilang server ay may halaga lamang na 500K. Ang isang PC ngayon ay nagkakahalaga na pangkaraniwan ay 15K-20K at nakasama na dito ang lisensya ng OS at Office. Ang ordinaryong printer naman ay nagkakahalaga ng 5K-10K at ang router ay 1K-5K pesos lamang. Batay sa naunang hardware specs, tila hindi man lamang aabot ng 3M pesos ang magiging halaga nito. Kung ‘yung software at user training naman, hindi ko maisip kung papaano naman ito lolobo ng 39M para maging 42M! Ang isang customized billing system para sa isang medium-scale company ay maaari lamang magkahalaga ng 50K-200K. Kahit pagpaprogram ng tatlo, sa 200K, aabutin lamang ang halaga nito na 600K pesos.
Sa isang panayam kay Konsehal Christian Niño Lajara, Tagapangulo ng Committee on Franchises/Transportation/Utilities, isang inisyal na imbestigasyon ang isinagawa ng kaniyang komite hinggil sa isyung ito. Ayon kay Lajara, nais ng komite na maging klaro ang mga detalye ng malaking proyektong ito sa pamamagitan ng pagsisiwalat ng buong specification at costing nito. Dagdag pa ng Konsehal na sa inisyal na pulong ay maraming mga katanungan ang hindi pa nasagot ng Amellar Solution kung kaya’t umaasa ito na sa susunod na pulong ay maihanda na ang kinakailangang datos na magpapakita kung anu-ano ang bumubuo sa 42M na halaga ng proyekto.
Mabuti na magkaroon ng mga makabagong sistema sa loob ng tanggapan ng pamahalaan. Ito ay nangangahulugan ng mas epektibong pamamaraan ng pagseserbisyo sa ating mga kababayan. Sana nga lamang ay huwag itong maging katulad ng mga isyu ng katiwalian sa pamahalaan gaya mga nagdaang karanasan ng mga kontrobersiya sa gobyerno tulad ng NBN/ZTE deal.
Maaring pulaan ng iba na tila nag-aakusa tayo na mayroong hindi tama sa isyung ito. Ang aking masasabi, hindi masamang magtanong, ang tanong ay sinasagot. Sana lamang ay magkaroon ng paglilinaw sa isyung ito ang ating Punong Ehekutibo.----JANUS JACINTO

CALAMBEÑO BLOG is devoted to blogs/articles coming from visitors. Opinions/comments/views from visitors' articles does not reflect the opinion/comments/views of Calamba.ph
Last Updated on Wednesday, 26 October 2011 08:29