Cong.Timmy Chipeco | Matapos mahila ang mga pangalan ng ilang mga Obispo sa kontrobersiya tungkol sa paggastos ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa kanilang pondo, lumabas naman ang listahan ng mga Congressman sa iba’t-ibang probinsya na tumatanggap ng pera mula sa numbers game na Small Town Lottery (STL) ng nasabing ahensya. Kasama na nga sa limampu’t apat na kongresista na tumatanggap ng kita mula sa STL, ang mga kongresista sa lalawigan ng Laguna, kabilang si Congressman Justin Marc “Timmy” Chipeco. |
ANG PAGLABAS NG LISTAHAN
Nadiskubre sa ginagawang inquiry ng Senado ang pagtanggap ng mga kongresista at ng Philippine National Police sa charity fund na nagmumula sa STL.
Inilabas ng bagong PCSO Board Member Ma. Aleta Tolentino ang pagbibigay ng umaabot sa 2.25% hanggang 2.5% ng kita mula sa operasyon ng STL. Limampu at apat na representante mula sa dalawampu’t pitong lalawigan at lungsod sa buong bansa ang sinasabing nakinabang sa STL.
Sa inilabas na listahan ay napabilang ang lahat ng kongresista sa loob ng Lalawigan ng Laguna, kabilang sina First District Representative Danilo Ramon Fernandez, Second District Representative Justin Marc Chipeco, Third District Representative Maria Evita Arago, at Fourth District Representative Edgar San Luis, kung saan sinasabing kumukubra ang apat mula sa operator ng probinsya na Ramroid Gaming Corporation.
Ang iba pang kongresista na nasa listahan ng PCSO ay sina Quezon Reps. Wilfredo Envarga, Proceso Alcala, Danilo Suarez at Lorenzon Tañada III; Pampanga Reps. Mikey Arroyo, Carmelo Lazatin, Aurelio Gonzales, at Ana Bondoc; Bataan Reps. Herminia Roman at Albert Garcia; Occidental Mindoro Reps. Rodolfo Valencia at Alfonso Umali; Bulcan Reps. Vic Alvarado, Pedro Panco, Lorna Silverio, Reynila Nicolas; Negros Occidental Reps. Jules Ledesma, Alfredo Maranan, Jose Carlos Lacson, Iggy Arroyo, at Genaro Alvarez; Iloilo City Rep Raul Gonzales Jr.; Camarines Sur Reps. Dato Arroyo, Luis Villafuerte, Arnulfo Fuentebella, at Feliz Alfelor; Sorsogon Reps. Salvador Escudero at Jose Solis; Oriental Mindoro Rep. Amelita Villarosa; Ilocos Norte Rep. Roque Ablan at Ferdinand Marcos II.
Kasama rin sina Albay Reps. Edcel Lagman, Al Francis Bichara at Ramon Lim; Batangas Reps. Eileen Ermita-Buhain, Hermilando Mandanas, Victoria Reyes at Mark Mendoza; Nueva Ecija Reps. Eduardo Nonato Joson, Joseph Gilbert Violago, Czarina Umali; Rodolfo Antonino; Isabela Rep. Giorgidi Aggabao; at Cavite Reps. Joseph Emilio Abaya, Elpidio Barzaga at Jesus Crispin Remulla.
MGA PAGTANGGI AT PAG-AMIN
Ilang mga kongresista naman ang sunud-sunod na naglabas ng reaksyon sa ginawang paglabas ng listahan ng PCSO. Marami ang tumanggi na tumatanggap at ang ilan naman ay umamin na mayroong nakukuhang payola mula sa Small Town Lottery ng PCSO.
Isa sa mariing tumanggi na tumatanggap ay si Cavite Rep. Elpidio Barzaga. Hinamon pa niya na maglabas ng dokumento o mga ebidensya ang PCSO na magpapatunay na kumukubra siya ng kita ng palaro. Handa siyang kasuhan ang mga PCSO officials na magpapatuloy ng sinasabing paninirang ito sa kaniya.
Umamin naman ang isa sa apat na representante mula sa Laguna na si Rep. Dan Fernandez na tumatanggap siya at maayos niyang nili-liquidate ito. Sinabi pa niyang ang STL ay ginawa upang labanan ang jueteng at legal naman ang pagtanggap nila ng kita sa STL.
Sinabi namang malisyoso at hindi totoo ang listahan ni Quezon Rep. Erin Tañada, isang kilalang kapartido ni Pangulong Benigno Aquino III. Hinamon niya ang PCSO na sabihin ang basehan kung paano ginawa ang listahan ng mga kongresistang tumatanggap diumano mula sa kita ng STL. Sinabi rin niya na kahit ligal ang STl ay dapat pa rin magkaroon ng paper trail kung saan dinala ito ng ilang kongresista nang wala man lang mga resibo.
Sinabi naman ni Isabela Rep. Rodolfo Albano na dapat humingi ng patawad ang mga opisyal ng PCSO dahil sa ginawang ito ng PCSO. Itinanggi rin ng Majority Floor Leader Mandaluyong Rep. Neptali Gonzales ang akusasyon laban sa kanya.
May ilang mga kongresista din ang umamin na may natanggap na tseke mula sa PCSO subalit hindi nila ito ginamit, tulad nina Minority Floor Leader at Albay Rep. Edcel Lagman at Cavite Rep. Joseph Emilio Abaya. Dalawang tseke raw ang natatandaang napadala kay Lagman samantalang si Abaya naman ay tsekeng umaabot sa P5,000 ang nahawakan niya subalit hindi ipinalit na pawing galling sa PCSO.
Ipinakita naman ni Camarines Sur Rep. Arnulfo Fuentebella ang isang liham kay dating PCSO Vice Chair at General Manager Rosario Uriarte ng pagtanggi sa pagkuha ng P18,116.05 na ipinadala ng PCSO sa kanyang opisina.
Itinanggi na rin nina Pampanga Reps. Aurelio Gonzales at Ana York Bondoc ang alegasyon na pagtanggap ng kita mula STL matapos ang pahayag ni dating Senador Aquilino Pimentel Jr. na ang Pampanga ang sentro ng jueteng sa bansa. Samantala, wala namang reaksyon pa o statement na inilalabas ang kongresista ng Ikalawang Distrito ng Laguna na si Timmy Chipeco tungkol sa kontrobersiyang kinasasangkutan niya.
PAANO TUMATANGGAP
Nilinaw ng PCSO kung paano tumatanggap ang mga mambabatas ng kita mula sa STL. Malinaw na sinabi ng PCSO na direktang tumatanggap ang mga kongresista ng pera mula sa mismong operator ng STL at hindi na dumadaan pa sa kanilang tanggapan.
Kung ganoon, sa Laguna, direkta marahil ibinibigay ng Ramroid Gaming Corporation ang 2.5% bahagi nila Chipeco, Fernandez, Arago at San Luis. Nauna ng umamin si Fernandez na tumatanggap siya ng pera mula sa STL at maaaring ganoon rin ang iba pa niyang kasamahang mambabatas sa probinsya.
Ang 2.5% na bahagi ng buwanang kita ng STL outlets sa kani-kanilang distrito ang napakikinabangan ng mga kongresista. Ibinibigay ito in cash at hindi kinakailangang i-liquidate pa ng mga mga mambabatas ang pera. Samakatuwid, hindi na nila kailan pang sabihin kung saan napupunta ang perang ito.
Sinabi pa ng PCSO na ang implementing rules and regulation (IRR) ng STL ay pinapayagan ang mga kongresista na ibigay agad ang matatanggap nilang bahagi ng kita sa kanilang mga constituents na humihingi ng tulong pinansiyal. Ito raw ay upang mabilisang matugunan ang pangangailangan medikal ng mahihirap na pasyente at mamamayan.
Ang Commission on Audit (COA) at PCSO ay hindi nakatanggap ng anumang liquidation instruments sa mga kongresista kaugnay sa paggamit nila ng kanilang bahagi mula sa STL mula pa noong taong 2006.
Wala rin raw paraan upang mamonitor kung magkano talaga ang tunay na tinatanggap ng mga kongresista mula mismo sa operator ng STL sa kani-kanilang lugar.
Lumabas sa hearing ng Senate Blue Ribbon Committee na mula Disyembre 2007 hanggang Marso 2008 ay tumtanggap direkta ang mga miyembro ng Kamara ng aabot sa pitong milyong piso imbes na dumiretso ito sa mga hospital at iba pang pagamutan.
Sa website ng PCSO, nakasaad na kumita ang STL ng P3-bilyon sa unang taon ng implementasyon nito noong 2006-2007.
ILIGAL BA TALAGA?
Mabilis naman ang pagkambyo ng PCSO, matapos ang sunud-sunod na batikos na tinggap nila mula sa mga mambabatas. Sinabi nilang walang iligal sa pagtanggap ng mga kongresista sa pondo ng STL. Handa raw ang PCSO na linisin ang mga pangalan ng mga kongresistang nadawit sa harapan ng media o ng publiko.
Sinegundahan din ito ng House Chairman on Games and Amusement at Manila Rep. Amado Bagatsing at sinabing walang mali kung tatanggap man ang mga mambabatas mula sa STL. Hindi kasama si Bagatsing sa listahan sapagkat walang operasyon ng STL sa Maynila.
Dagdag pa ni Bagatsing na mula sa isang direktiba ng PCSO na ang mga LGUs, PNP at mga mambabatas ay makakatanggap ng kita sa STL. Ang mga mahihirap na mamamayan raw sa iba’t ibang distrito ay hindi na pinag-iiba ang mga nasa executive branch at legislative. Ang alam nila ay ‘ibinoto ko kayo kaya tulungan niyo ako’.
Sinabi naman ni Archbishop Emeritus Oscar Cruz na walang pinag-iba ang Jueteng sa STL at maging ang bagong palaro ng PCSO na Loterya ng Bayan. Sinabi rin ni Cruz na pangulo ng Krusada ng Bayan Laban sa Jueteng na walang pinag-iba ang pagkuha ng kita sa STL sa pagtanggap ng jueteng payola dahil kalakhan ng nasa operasyon ng STL ay ang mga nagpapatakbo rin ng jueteng.
Sinabi niya rin na parehong-pareho ang STL at jueteng, mula sa mga kubrador, cabo, rebisador, pagador, at mga operator.
Sinabi naman ni jueteng whistleblower Sandra Cam na kabilang ang mga kongresista sa pagtangkilik at pagkuha ng kita sa Jueteng. Pinakamababang kita raw ng mga mambabatas ay P500,000, dagdag pa niya.
Sa website ng PCSO, malinaw na nakalagay rin ang paghahati-hati ng 30% ng charity fund mula STL kung saan 10% sa pamahalaang lungsod o munisipalidad, 5% sa pamahalaang panlalawigan at PNP at 2.5% sa congressional district at ang natitia ay para sa PCSO.
Sa mga pagdinig ng Senado naman, lumalabas na sa kabuuang kiat ng STL at hindi sa charity fund lamang ang napupunta sa mga kongresista.
Isa ang Laguna sa 15 aprubadong test run area kasama ang Quezon Province, Angeles City, Bataan, Occidental Mindoro, Pampanga, Bulacan, Negros Oriental, Iloilo City, Tarlac, Oriental Mindoro, Ilocos Norte , Albay, Olongapo at Batangas.
Bilang opisyal ng pamahalaan ay nararapat lamang na ipaliwanag sa taumbayan kung papaano ginastos ang mga pondong natanggap. Ang pagsusumite ng karampatang liquidation report ang magpapatunay kung ang mga salaping ito ay tunay na napunta sa mga proyektong para sa mamamayan at hindi sa kanilang bulsa lamang.—PINPIN TOLENTINO
CALAMBEÑO BLOG is devoted to blogs/articles coming from visitors. Opinions/comments/views from visitors' articles does not reflect the opinion/comments/views of Calamba.ph