Kung mayroon mang maituturing na pinakadakilang anak ng Calamba na isinilang sa kasaysayan nito, marahil si Jose Rizal na iyon. Hindi dahil sa siya ang itinanghal bilang Pambansang Bayani ni Pilipinas, kung hindi dahil sa kanyang mga naiambag sa lipunan na nag-paangat sa turing at halaga ng Calamba at ng mga Calambeno sa rehiyong Timog Katagalugan. Dahil dito, isang malaki at mahabang pagdiriwang ang inihanda ng pamahalaan ng Pilipinas at ng lokal na pamahalaan ng Calamba upang pasinayaan ang ika-150 kaarawan ni Jose Rizal--- dakilang anak ng Calamba.
Bago pa man dumating ang ika-19 ng Hunyo, ilang mga proyekto at programa na rin ang pinasinayaan sa Lungsod ng Calamba na umiinog sa temang “Dugong Calambeno, Bayaning Pilipino; Rizal: Haligi ng Bayan”. At ngayong araw na ito ang pinakarurok ng lahat ng mga aktibidad o gawain upang bigyang parangal ang dakilang anak ng Calamba.
Bandang ika-walo ng umaga, dumating sa Dambana ni Rizal sa Calamba ang Kagalang-galang Simeon Benigno C. Aquino III, Pangulo ng Pilipinas. Sa pagbaba sa kanyang convoy, nagbigay-pugay ang pangulo kay Jose Rizal sa pamamagitan ng pag-aalay ng bulaklak sa monument ng Batang Rizal--- isang katangi-tanging imahe ni Rizal na dito lang matatagpuan sa Lungsod ng Calamba. Ayon kay Xiao Chua, historiador at propesor sa De La Salle University- Manila at kasalukuyang ikalawang pangulo ng Philippine Historical Association, natatangi ang Dambana ni Rizal sa Calamba dahil ito lamang ang dambana na nagbibigay-turing sa kahalagahan ng pagkabata at ang mga taon ng pagpapanday ng dunong na may malaking impluwensya sa Rizal na umusbong na bayani ng kasaysayan ng bansa. Lumibot ang pangulo sa loob ng dambana at nagtagal ng ilang panahon upang tunghayan sa dambana ang natatanging pagkabata ni Rizal.
Mula sa dambana ay nagtungo naman ang pangulo sa bagong tayong “The Plaza” kung saan naghihintay ang mga opisyales at mga nasa administrasyon ng Panlalawigang Pamahalaan ng Laguna at ng Pamahalaang Panlungsod ng Calamba. Bukod sa pangulo, dumalo rin sa pagtitipon ang gobernador ng Laguna na si Emilio Ramon Ejercito III, mga bokal, at mga panauhing pandangal mula sa iba’t-ibang sister cities ng Calamba. Dumalo rin sa nasabing pagtitipon ang mga Rizalista, mga miyembro ng Watawat ng Lahi, at mga Mason na nag-alay rin sa kani-kanilang pamamaraan ng pagsaludo sa tinitingala nilang bayani.
Sa naturang pagtitipon, pinasinayaan ng pangulo ang naitalang pinakamalaking monumento ni Rizal sa Pilipinas na may taas na dalawampu’t dalawang talampakan, hindi pa kasama ang labinlimang baitang hanggang sa paanan ng monumento. Sinabi ng tagapagsalita ng Lungsod ng Calamba na si Ginoong Peter Capitan, na mainam ang paglalagay ng ganoong katayog na monumento ni Rizal sa 6.7 ektaryang lupa sa harap ng Bulwagang Panlungsod ng Calamba na tinawag na Tinahuyan Park. Dagdag pa rito, nahigitan na ng Calamba ang tala ng Nueva Vizcaya na may labinwalong talampakang monumento ni Rizal. Dagdag pa, ang taas ng nasabing monumento ay sumisimbulo sa dalawampu’t dalawang wika na batid ni Rizal.
Natapos ang programa sa Tinahuyan Park sa pamamagitan ng pagbibigay-pugay ng iba’t-ibang grupo sa bantayog ni Rizal na siyang bagong simbulo ng kadakilaan at kahalagahan ni Rizal sa Calamba at sa kanyang kapwa Calambeno.--JM JOSE

CALAMBEÑO BLOG is devoted to blogs/articles coming from visitors. Opinions/comments/views from visitors' articles does not reflect the opinion/comments/views of Calamba.ph