Jobs Directory

Untitled-1

Business Directory

Untitled-2

CALAMBEÑO BLOG: Rikit sa Nagniningas na Galit(Ang Mukha ng Buntog)

  • PDF

“Ang Canlubang ay isang paraiso!” Tila isang alamat na lamang sa mga literatura ang ganoong klase ng pahayag patungkol sa dating maunlad na sibilisasyon ng Canlubang. Sa makailang pagbabasa ko ng aklat na nagkukuwento ng progresibo at kahanga-hangang sitwasyon ng Canlubang, batid ko kung gaano kinaiinggitan ng ilan, pulitiko man o negosyante o karaniwang tao, ang mapayapa at matiwasay na pamumuhay sa tinaguriang “kanlungan ng likas na yaman”--- kung saan hinango ang pangalang “Canlubang”.

 
Bagamat hindi ko na nagisnan ang Canlubang na tinutukoy ng mga matatanda sa aking paligid, naisip ko lang kung may nananatili pa rin sa Canlubang na kasingtulad ng kanilang paghahambing sa Canlubang na kanilang kinalakihan. Sabi ng ilang tao na wala nang bilib sa pag-usbong muli ng Canlubang, wala ng natitira sa Canlubang na pinayabong ng panahon. Sabi naman ng ilan, mayroon pang ilang bahagi ng Canlubang kung saan mababanaag mo ang kariktan ang pagkapayak na pamumuhay ng mga taong nabuhay sa pagpapagal at pagbabanat ng buto sa hanapbuhay. Kung may ganoong klase ng lugar na nananatili pa rin ang bakas ng lumang Canlubang, nasaan naman iyon? Masasalamin pa ba ng lugar na iyon ang dating kasaganahang tinamasa ng mga taong-Canlubang o may ilang bagay na tila napatid na ng panahon? Mababanaag pa rin ba na ang lugar na iyon ang yamang minsang inangkin at inaruga ng dating Canlubang, o lumubog na ito sa kumunoy ng kawalang pag-asa?

 

 

Buntog: Buhay na Patotoo

Isa sa maituturing na salamin ng lumang Canlubang ay ang Sitio Buntog, ang naging sentro ng karahasan at takot ng mga taga-Canlubang dahil sa pagkubkob ng mga taong pinamumunuan ni Dan Calvo, ang diumano’y pinagkatiwalaan sa ilegal na proyektong pagpuputol ng punong niyog. Sa ilang mga datos ng Philippine Coconut Authority (PCA), iniulat nila na bagamat may mga dokumento silang hawak patungkol sa proyekto, hindi isinangguni ng grupo ni Dan Calvo ang PCA para magputol ng punong niyog, na tuwirang paglabag sa batas.
Isa rin sa kuwestiyon ng karahasan na nangyari sa Buntog ay ang marahas na pakikipagtunggali ng grupo ni Calvo laban sa mga taong-Canlubang na ang nais lamang ay protektahan ang kanilang pamumuhay at tahanan nang mahigit sa ilang henerasyon na. Batid kong trabaho lamang at walang personalan ang pakay ni Calvo sa Sitio Buntog, ngunit ang pamamaraan ng pagkilos upang makamtan ang layunin ay tila lumalabag sa karapatang pantao at lumalagpas sa hangganan ng katarungang panlipunan. 

 
Sa kabila ng mga karahasan at tunggalian na naranasan ng Buntog sa nakalipas na buwan, patuloy pa rin ang paghahanap nila ng katarungan sa mga nangyari. Gayundin, naghahanap sila ng puwang sa lokal at pambansang pamahalaan upang tugunan ang masalimuot na suliranin nila patungkol sa sitwasyon ng lupang agraryo na magpahanggang ngayon ay laman pa rin ng debate sa bahagi ng lehislatura at ehekutibo. Ano nga ba ang mga patunay na nananatili pa ring buhay hindi lamang sa puso’t isipan ng mga tao sa Sitio Buntog ang dating Canlubang, ngunit maging sa pisikal at topograpikal na aspeto nito? Maaaring ilagom ang lahat nang ito sa tatlong elemento: yamang lupa, yamang tubig, at yamang tao.Lupa: Ugat ng Buhay at KamatayanSa aklatan ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, maaari mong makita ang sipi ng buhay-tala ni Jose Yulo Sr., ang matandang Yulo na siyang dahilan ng kasaganahan at pag-abot sa ginintuang panahon ng Canlubang. Kung babasahin mo ang ilang pahina ng sipi, mababatid mo na literal na paraiso ang Canlubang na siyang nuno ng lahat ng inggit ng mga taong-labas. Ilan lamang sa pribilehiyo ng pagiging manggagawa ng Canlubang ay ang libreng pabahay, libreng tubig, libreng kuryente, paaral sa mga anak ng manggagawa, regular na rasyon ng bigas, at regalo’t benepisyo lalo na sa panahon ng kapaskuhan. Bagamat wala nang ganitong uri ng pribilehiyo sa Canlubang, masasabi kong mabiyaya naman sila pagdating sa yamang lupa.

 
Sa paglalakad ko sa silangang bahagi ng Buntog, makikita ko kung gaano na lamang sila biniyayaan ng yaman na tanging ang pagpapaunlad lamang ng lupa ang makapagbibigay. Ang aking paglalakad-lakad ay isang literal na pamamasyal sa paraiso ng Eden, paraisong binigay ng Diyos ngunit ikinubli dahil sa kasalanan ng tao. Kung tunay na tao lamang si Juan Tamad, batid kong nais niyang tumira sa Sitio Buntog dahil kusang lalapit sa iyo ang bunga ng halamanan sa paligid. Ninais ko ng guyabano at suha, aakyat lamang ako at kakarit at magkakaroon na ako ng bungang-kahoy nang hindi lumulustay na kahit ilang salapi. Magsasabi lamang ako na pipitas ako sa taniman, alam kong mabubusog na ako sa biyayang hatid ng yamang lupa. 

 
Sa ideya ni Gerhard Lenski, isang sosyologo, ang pagkakadiskubre ng pambungkal ng lupa ang naging mitsa sa ebolusyon ng lipunang ating ginagalawan. Sa pambungkal ng lupa, natuto ang taong maglinang at magpaunlad ng kanyang ikabubuhay upang siya ay patuloy na mabuhay. Ito ay ang sistemang agrikultura--- tinuruan tayong maging episyente na gamitin ang potensyal na kakayahan ng lupa upang mabuhay ang sibilisasyon ng tao. Gayundin sa Buntog, bagamat may hangganan ang lawak ng lupa na maaari nilang pagtaniman, pinananatili nilang namumunga at produktibo ang lupa sa pamamagitan ng pagtatanim ng halaman na siyang maaari nilang sandigan sa oras ng pangangailangan. Sinisigurado ng tao sa Sitio Buntog na ang bawat metro kuwadrado ng lupa ay magiging kapaki-pakinabang at hindi mauuwi sa pagkatiwangwang ng lupa na siyang nakita nilang maaaring pagkunan ng kanilang ikabubuhay. 


Kung kaya’t hindi ko masisisi ang mga tao kung bakit ganoon na lamang nila ipinaglalaban ang lupa sa Canlubang. Ang lupa ang naging sandigan nila sa maraming panahon. Ang lupa ang siyang nagdala sa kanilang pamumuhay. Ang lupa ang siyang sumagot sa panaghoy ng kahirapang kanilang idinadaing. Ang lupa ang tangi nilang pinanghuhugutan ng lakas. At sa huli, lupa rin ang tanging dahilan ng kanilang pagpapagal at pagsulong kahit na sa kanilang kamatayan. Kung ano ang pinaghirapan mo ay siya rin ang pinakatatangi mo. Sa lupa sila naghirap, lupa rin ang sasagot sa pagmamahal nila sa Canlubang.

 

Tubig: Bukal ng Pag-Asa

Ang Pilipinas ay isang archipelago--- tayo ay bansang napaliligiran ng malalaking bahagi ng katubigan. Ganoon na lamang natin kamahal ang tubig sapagkat kakabit na ito ng ating pagiging Pilipino. May mga ilang tala na nagsasabi na ang ating ninuno ay nanggaling sa malayong lugar at binaybay ang karagatan upang magtayo ng sibilisasyon. Gayundin, tubig din ang siyang naging saksi sa ilang digmaang kinasangkutan ng Pilipinas. Hindi na nga maiaalis sa pagkatao natin ang tubig, isang pambihirang yaman na kung wala ito ay magiging sanhi ng ating kamatayan.


Marahil nagtataka ang ilan kung nasaan ang tubig sa Sitio Buntog. Palaging tandaan na kung saan mabundok at maraming puno, may tubig. At hindi nga ako nagkamali, may pinagkukunan ng tubig ang mga tao ng Sitio Buntog. Bagamat may linya sila ng tubig, sa panahong tinanggalan ang mga tao ng serbisyo sa tubig kaalinsabay ng pagkaputol ng kuryente, ang mga bukal sa Sitio Buntog ang naging karamay nila, araw man o gabi. 


Sabing ilang mga tao sa Buntog, ang mga bukal ng kanilang lugar ang siyang patunay na nananatili pa ring agrikultural ang kanilang lupain. Ang tubig mula sa mga bukal na ito ang siyang umaagos mula sa bundok na siya namang ginagamit upang tubigan ang kanilang mga pananim. Ang tubig na umaagos mula sa bundok ang siyang sistemang irigasyon nila upang manatiling buhay ang mga halaman na kanilang itinatanim sa matabang lupa ng Buntog. 


Tulad ng lupa, ang tubig ang dahilan ng kanilang buhay at kamatayan. Sa oras na naputulan sila ng serbisyo sa tubig, ang mga bukal ang sumagot sa pagpatid ng kanilang nanunuyong lalamunan. Tubig din ang sumagot upang patuloy na mabuhay hindi lamang ng mga halamana, kung hindi pati na rin ng kanilang mga alagang hayop. Ngunit suliranin nila ang araw-araw na pagpunta sa bukal. Ilang kilometro muna ang tatahakin ng isang ordinaryong taga-Buntog upang marating ang kinaroroonan ng bukal. Dadaan ka muna sa masukal na halamanan bago mo matunton ang bukal na walang kaparis ang lamig, ang linaw ng tubig. Mas nais nila na ang tubig ng bukal ay para sa irigasyon ng kanilang pananim sapagkat malapit lamang ito sa kanilang mga taniman, ngunit hirap silang pati ang pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya sa tubig ay sasagutin pa rin ng bukal dahil malayo ito sa kanilang panirahan. Tulad ng lupa, pinaghihirapan nila ang bawat pagsalok sa bukal. Kung may bagay man na kanilang ipaglalaban sa Buntog, kasama rito ang tubig sa bukal.

 

Tao: Tagapamahala ng Yaman

Sa kabuuang populasyon ng Pilipinas na papalo na sa 89 na milyong katao, mababanaag sa estadistika na lubhang lumobo ang bilang ng ating tao. Ayon sa datos ng United Nations Development Program o UNDP, sa bawat isang Pilipinong namamatay ay may apat na Pilipinong ipinapanganak kada segundo. Lubhang malaking bilang ito na ang ilang polisiyang ipinapasa ng ating pamahalaan ay ang pa-igtingin ang relasyong pang-internasyonal ng Pilipinas upang makapagpadala ng manggagawa sa labas ng bansa. Batid kong sa laki ng utang mayroon ang Pilipinas, ang yamang tao ang siyang magiging pangunahing panustos ng bansa sa mga naglalakihan at makapangyarihang bansa sa mundo.Tao rin ang siyang itinuturing na yaman na mayroon ang Canlubang, partikular ang Buntog. Bagamat ang mga tao rito ay salat sa mga elektronikong kagamitan na nagiging sukatan na ngayon ng yaman, ang kanilang mayabong na relasyon sa bawat kapwa at ang kanilang pagtunton sa makulay na kasaysayan ang siyang itinuturing na pinakaiingatang yaman ng mga tao. Mawala man ang mga pisikal na istrukturang tumutukoy sa dating sigla ng Canlubang, ang ngalit at masidhing pakikipaglaban nila para sa karapatan sa lupa na siyang ipinagmamaingay nila ang siyang indikasyon ng maunlad na kaisipan ng mga tao.


Ang kanilang relasyon sa kapwa ang isa sa makikitang pamantayan ng kanilang masayang disposisyon sa kabila ng pagkakaputol ng kuryente at tubig sa kanilang lugar. Sa oras na nauhaw ako sa aking daan, hindi lamang malamig na tubig ang kanilang inihain sa akin kung hindi pati na rin panlaman-tiyan. Nakakita ako ng nagkukumpulang mga kabataan, kahit hindi nila ako kakilala, binigyan nila ako ng matamis na mga ngiti na masasabi kong sapat na upang mawala ang aking pagod sa kilo-kilometrong paglalakad. Nakakita ako ng mga nagkakasiyahan na tila may pabinyag, walang anu-ano’y niyakag nila ako na makihalubilo sa kanila. Ito ang klase ng taong sa kabila ng karahasang nangyari ay patuloy na nagtitiwala sa kanilang kapwa at walang pagdadalawang-isip na bahaginan ang kahit sino sa kanilang masaganang ani. Ito ang yamang tao. Ito ang yamang tao ng Buntog. Ito ang yamang tao ng Canlubang na hindi mawawala kailanman. Bagamat sariwa pa sa kanila ang lahat ng pasakit na idinulot ng tunggalian sa lupa, masasalamin pa rin sa kanila ang tunay na dahilan ng buhay--- ang mabuhay hindi lamang para sa sarili, kung hindi para sa kapwa.


Mayaman o Nagmamayaman?

Ang tatlong mukha ng yaman at rikit ng Canlubang sa aking pagbisita sa Buntog ay isang hakbang pa lamang upang tunay na kilalanin ang lupang ipinaglalaban ng mga manggagawang-bukid. Kung may mga tao pa rin sa Canlubang na hanggang ngayon ay hindi pa rin malinaw sa kanila ang pinanggagalingan ng mga taong patuloy na lumalaban para sa kasarinlan sa lupa, ito na marahil ang unang hakbang para makilala nila ng lubusan ang adbokasiya ng tao.


May mga bagay o tao na patuloy nating minamahal at iniingatan. Ang mga bagay o taong ito ang sanhi ng ating pagpupumiglas kung sakaling kuhanin ito sa ating mga palad nang walang patumanggi. Ang mga bagay o tao na lubos nating iniingatan ay ang maaaring maging sanhi ng ating paglaban hanggang sa kamatayan. Ito ang pinanggagalingan ng mga taong naniniwala sa laban. Nakaranas sila ng opresyon sa pamamagitan ng walang habas na pag-agaw ng mga bagay o tao na lubos nilang inaruga, kinalinga, iningatan, at minahal. Ang mawalay sa mga ito ay katumbas ng pagtarak ng punyal sa dibdib. 


Oo, mayaman ang Canlubang. Hindi ito basta lakas ng loob lamang. Ito ay isang yaman na magpahanggang ngayon ay nais nilang panatilihin. Hindi sila nagmamayaman. Hindi sila nagpapanggap. Ito ang sitwasyon. Nais nila na palawakin ang isipan ng sinumang makaririnig sa kanilang panaghoy. Ito ay isang adbokasiya. Ito ay pagmamahal sa kanilang mga pinakaiingatan. Ito ang kanilang kayamanan. Ito ay ang Canlubang.---JM Jose

 


alt

 

Last Updated on Wednesday, 26 October 2011 08:03