INDUSTRIYA NG PAG-IITIKAN, MULING PASISIGLAHIN
VICTORIA, Laguna, -May 1,100 ang kabuuang bilang ng mga itik ang ipinamigay ng pamahalaang lokal sa pamamagitan ng municipal agriculture office (MAO) sa 22 benepisaryo bilang hakbang sa muling pagpapasigla ng industriya ng pag-iitikan sa bayang ito.
Ang proyekto ay bahagi ng development plan ng pamahalaang bayan na naglalayong makapagbigay ng tulong hanapbuhay sa mga miyembro ng magsasaka at pasiglahing muli ang paghahayupan lalong lalo na ang pag-aalaga ng itik.
Ang Victoria ay kilalang-kilala sa kinulob na itik (duck ham), maalat na itlog (salted/red eggs), sariwang itlog ng itik at mga lutong ulam mula sa itik.
Sa ilalim ng proyekto, ang 22 benipisaryo na pinagkalooban ng tig-50 itik ay magbibigay sa MAO ng apat na itlog araw-araw kapag nangitlog na ang mga alagang itik upang ibenta at makalikom ng pondo para makabili muli ng mga itik upang maipamahagi naman sa iba pang mga residente ng barangay.
Sa ganitong paraan, ayon sa MAO, mapapabilis ang pagpaparami ng itik tungo sa pagsusulong at muling pagpapasigla ng pangunahing industriya sa bayang ito, ang pag-iitikan. (NDS// Arlene P. Mariposque)
CALAMBEÑO BLOG is devoted to blogs/articles coming from visitors. Opinions/comments/views from visitors' articles does not reflect the opinion/comments/views of Calamba.ph
DISCLAIMER