PILA, LAGUNA-----DALAWA ang nasawi sa naganap na engkwentro at isa pang kasama ng mga armadong kalalakihan ang nakatakas matapos na makorner ng mga awtoridad sa lugar ng Barangay Bucal, Pila, Laguna, kahapon ng umaga, ayon sa pulisya. Sinabi ni Police Chief Inspector Owen Lizardo Banaag, Hepe ng Pila Laguna Municipal Police Station, ganap na ika-2:30 ng umaga, nang maganap ang engkwentro sa pagitan ng mga pulis at mga armadong kalalakihan sa lugar na nabanggit.
Sinasabi ng pulisya na ang mga armadong kalalakihan ay naka-engkwentro ng mga ito, lulan umano ng isang trysicle na Kawasaki Bajaj, kulay itim, at may plate number WG-7686, sakay ang tatlong mga suspek na karnaper.
Una rito ay isang insidente ng karnapping ang naganap sa Barangay Masico, Pila, Laguna, kung saan ay inagaw sa driver ang trysicle na minamaneho ni Juancho Esguerra y Canlas, 44 na taong gulang, may-asawa, residente ng Barangay San Miguel, bayang nabanggit. Agad na nagsagawa ng malawakang Checkpoint ang pinagsanib na grupo ng Laguna Special Task Group sa pamumuno ni Police Chief Inspector Vicente Cabatingan at Pila Municipal Police Station na pinamumunuan naman ni PCI Banaag.
Nang mamataan ng mga awtoridad ang trysicle sa Barangay San Miguel, ay agad na pinara ito, ngunit sa halip na huminto ay pinaharurot pa ang pagtakbo, kaya napilitan ang mga awtoridad na habulin ito sa pamamagitan ng Mobile Patrol number 369.
Nang makorner ng pulisya ang mga suspek, ay pinaputukan pa ang Police Car 369 na Toyota Hilux, kaya naman napilitang gumanti ng putok ang mga awtoridad, kung saan ay napatay ang dalawa at nakatakas naman ang isa pa. Patuloy pa ang follow-up operation ng mga awtoridad, para madakip ang nakatakas na suspek, tumawag na rin ng SOCO Team para siyang mangasiwa sa imbetigasyon sa nasabing insidente.(ARLENE P. MARIPOSQUE )
CALAMBEÑO BLOG is devoted to blogs/articles coming from visitors. Opinions/comments/views from visitors' articles does not reflect the opinion/comments/views of Calamba.ph