SAN PABLO CITY, Laguna---Nabatid kamakailan mula kay Pununlunsod Vicente B. Amante na kanyang pinagtutuunan ng pansin ang mga palatuntunang muling magbibigay sigla sa industriya ng pagtatanim ng gulay sa layuning hindi lamang maitaas ang antas ng panustos na pagkain sa mga sambahayan sa lunsod, kundi bilang isang industriyang mapagkukunan ng karagdagang kita ng mga naninirahan sa mga kanayunan, lalo na sa mga barangay na medyo mababaw ang tubig o may umiiral na sistema ng irigasyon.
Kaugnay nito , nagbigay tagubilin ang punonglunsod sa tanggapan ng Panlunsod na Agrikultor (Office of the City Agriculturist) na magtalaga ng mga sanay na tauhan na handang magkaloob ng tulong sa mga tamang pagpapayo sa pagtatanim ng iba’t ibang gulay at marapat na pangangasiwa sa pataniman nito.
Nabanggit ni Mayor Amante na isang magandang pasimula na ang Tanggapan ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ay nagkakaloob ng tulong na pinansyal para mapasigla ang produksyon ng cassava o kamoteng-kahoy sa lunsod na ito. At maging ang SM Foundation ay nakikipagtulungan upang ang mga interesadong magtanim ng gulay ay maturuan ng mga pamamaraan sa commercial farming.
Pinaalala naman ni Mayor Amante sa mga magsasaka at mamamayan na magmalasakit na magtanim ng ano mang uri ng punong kahoy sa bawa’t bakanteng lupa, sapagka’t ito ang magandang paraan, aniya, upang makatulong na mapabalam ang mabilis na pagtaas ng temperatura sa kapaligiran; maiwasan ang mga pagguho ng lupa, at pagkawala o pagkatunaw ng pang-ibabaw na lupa kahit na sa mga kapatagan.
“Ang pagkawala o pagkatunaw ng pang-ibabaw na lupa (top soil) ay nakakaapekto sa kalusugan ng mga tanim, at nakakapagpahina sa ani mula rito,” dagdag paalaala pa ng punonglunsod. (ACO-PIA /RET)// Arlene P. Mariposque
CALAMBEÑO BLOG is devoted to blogs/articles coming from visitors. Opinions/comments/views from visitors' articles does not reflect the opinion/comments/views of Calamba.ph