ASO AT KURYENTE, NINAKAW SA LAGUNA
CAMP VICENTE LIM CANLUBANG LAGUNA-----DETENIDO ngayon sa San Pedro Laguna Municipal Jail ang isang 37 anyos na lalaki na sinasabing nagnakaw ng alagang aso sa Barangay San Antonio, San Pedro Laguna.
Kinilala ni Police Supt. Kirby John Kraft, Hepe ng San Pedro Laguna Police ang naarestong suspek na si Arnold Soriano y Ponce, alyas Oglit, binata, walang hanapbuhay at residente ng number 394 Quezon Street, lugar na nabanggit.
Ang may-ari naman ng Aso na nagreklamo ay si Rene Andrei Berroya y Maraan, 24 na taong gulang, binata, Call Center Agent, nakatira sa number 564 Quezon Street, ng nasabing lugar. Sa isinagawang pagsisiyasat ni PO2 Randy Jubiar, nabatid na dakong ika-8:00 ng umaga na nakawin ng suspek ang alagang aso ng biktima na nakatali lamang sa likod bahay. Hindi namalayan ni Soriano na nakita siya ng isang kapitbahay ng biktima na nagsumbong dito, kaya agad na inireklamo sa himpilan ng pulisya ang suspek na agad namang nadakip ng mga awtoridad.
Samantala, sa Barangay Oples Nagcarlan Laguna, ang Barangay Chairman ang nagtungo sa himpilan ng Nagcarlan Laguna Municipal Police Station at tangapan ng Manila Electric Company (MERALCO) para i-ulat ang pagkawala ng mga kawad ng kuryente sa kanilang lugar.
Halos maghapon at magdamag umanong walang liwanag sa lugar ng Barangay Oples, dahil sa ninakaw aniya ang kawad ng MERALCO sa mga posteng may bilang na; JX4-81; JX4-86 at JX4-87.
Habang sinusulat ang balitang ito ay patuloy pa ring ina-alam ni PO2 Dante Sta. Domingo Florento, kung sino ang suspek na nagnakaw sa nasabing kawad ng MERALCO sa nasabing lugar. // Arlene P. Mariposque
CALAMBEÑO BLOG is devoted to blogs/articles coming from visitors. Opinions/comments/views from visitors' articles does not reflect the opinion/comments/views of Calamba.ph
DISCLAIMER