Mula sa malayo…
“Miss magkano ito?...Wala na bang tawad?...Twenty pesos na lang yan, tita…Sir, ano pong hanap nila?...”, mga katagang karaniwang maririnig sa naturang lugar.
Sa kabilang bahagi…
“Dito po ang sakayan…Magkano po ang papuntang Tanauan?...dito po ang San Pablo!...Lalakad na po!...Isa na lang , sa may bandang kanan…”, mga katagang karaniwan ding maririnig sa naturang lugar.
Ano ba ang lugar na ito? Sa una, masasabing tayo ay nasa isang palengke ngunit sa sumunod ay sa isang sakayan ng jeep. Nasaan ba talaga tayo?
Ito ay hindi isang palengke bagkus ay isang terminal ng jeep ang lugar na ito. Ito ay puno ng mga jeep na bumabiyahe sa iba’t ibang lugar, tulad ng biyaheng San Pablo, Sta. Cruz, Tanauan, San Pedro at iba pa. Pangkaraniwan na para sa mga ganitong uri ng lugar ang maging matao dahilan sa mga biyaherong nag-aabang ng masasakyan. Ang iba ay pumipila pa upang makasakay lamang sa mga biyaheng makararating sa kanilang destinasyon. Katulad na lamang ng mga nagtatrabaho papunta sa kanilang pinagtatrabahuang kumpanya at ang mga bumibisita sa kani-kanilang mga kamag-anak, kaibigan o kakilala. Ngunit kapansin-pansin din ang pagdagsa ng mga mamimili sa nasabing lugar.
Sa pagsuong sa mataong lugar, mapapansin din ang mga tindahan. Karamihan sa mga ito ay pagmamay-ari ng mga kababayang nating mga muslim na namumuhunan. Mura ang mga bilihin at naririto ang rin ang mga tinatawag na bagsak presyo. Magmula sa mga panindang damit na tulad na t-shirts at blouses, maong pants at shorts, jackets at marami pang iba, hanggang sa mga gamit sa bahay na tulad na mga flashlights, alarm clocks, batteries at iba pang teknolohiya. Hindi rin magpapahuli ang mga cellphone at cellphone accessories. Magpapahuli ba ang mga kainan? Matatagpuan rin ditoang mga kilalang tindahan na tulad Julies Bakeshop, Gals Bakery, Dunkin Donuts at iba pa. Naririto rin ang ilang mga karinderiya kung saan makakabili ng murang pang-almusal, tanghalian man o hapunan, at pati na rin ang mga tinatawag nating mirienda na tulad ng mga lugawan. Hindi rin mawawala sa eksena nag mga Street food tulad ng fishballs, mga iba’tibang chicharon, at mga prito gaya ng balat ng manok at proven na talaga namang kinawiwilihan ng mga nagsisipunta dito.
Dahil na rin dito, ang lugar na ito ay nagmistulang pasyalan sa mga mamimiling Calambeño. Magmula sa mga estudyante o mga mag-aaral hanggang sa mga katandaan o ang mga tinatawag nating mga magulang, at ang ating mga lolo at lola. Lalo pa itong binibisita o dinadagsa ng mga tao sa tuwing dumarating ang araw ng kapaskuhan. Ito ay hindi lamang dahil sa mga biyaherong umuuwi sa kani-kanilang mga pamilya kundi dahil na rin sa pagdagsa ng mga mamimili. Dahil ito sa pagkakaroon ng mga bazaar.
Ang lugar na ito ay sumikat sa lungsod ng Calamba. Mula sa mga katagang “ Tinadahan ng Muslim”, “Produktong Muslim”, “Muslim Residence”, at ang pinakasikat ay ang “TERMI-MALL” dahil na rin sa anyo ng nasabing lugar. Ngunit, sa katotohanan, ang lugar na ito ay nagngangalang “City Terminal Csonsumer Center” o CTCC.
Ano pa ba ng hinihintay ninyo? Tara na at ating pasyalan ang lugar, ang TERMI-MALL ng lungsod ng Calamba. Huwag kalimutang magdala ng pera para enjoy...
Last Updated on Wednesday, 02 February 2011 07:20