CHIPECO-LAJARA TEAM:
Pagsasanib Puwersa ng Dalawang Higanteng Lider ng Pulitika sa Calamba
Bago pa sumapit ang takdang panahon ng opisyal na paghahain ng kandidatura ng mga tatakbo ngayong darating na halalan ay matunog na ang balita sa pagsasanib-pwersa ng dalawang malakas na lider ng pulitika sa Calamba, ang Chipeco at ang Lajara. Kaya naman ng dumating ang tamang oras, ito naman ay masasabing malugod na tinanggap ng mga tao. Sa dami ng mga dumagsang mga mamamayan sa City Hall noong ika-27 ng Nobyembre upang ipakita ang kanilang pagsuporta sa Chipeco-Lajara ticket, ay isa itong katuparan ng hinihintay ng masang Calambeño, ang pagbabalik sa pulitika ng dating mayor na si Binoy Lajara.
Sinasabing ang panahon ng eleksyon sa Pilipinas ay makulay at madrama, magulo at madugo. Mula sa mga pangakong binibitawan sa mga tao, na animo’y isang binatang nanliligaw sa isang dalaga, hanggang sa mga intriga at isyung ipinupukol ng bawat kandidato sa isat-isa. Mula sa mga insidente ng dayaan hanggang sa mga insidente ng karahasan. Ganito ang eleksyon sa Pilipinas sa kabuoan ayon sa pagtingin ng mga banyaga. Subalit sa awa ng Maykapal, ang siyudad ng Calamba, sa mga karanasan nito tuwing halalan ay masasabing mapayapa sa kabuoan. Bagamat sa aspeto ng pagiging “makulay” at “madrama” ay hindi pahuhuli kumbaga ang lungsod na ito.
Bilang mga batikan sa pulitika ang Chipeco at Lajara, hindi na bago kung bigyan ng intriga ang “political move” na kanilang ginawa. Kasama ito ‘ika nga sa nagpapakulay sa halalang ito, at sabi nga ng mga matatanda, ang puno ‘pag ito ay hitik sa bunga, ito ay binabato…Sa isang panayam kay Binoy ay kanyang sinagot ang mga isyu hinggil sa kanyang pagbabalik-pulitka.
Ang Pasya
Bakit nga ba nag-desisyon si Binoy na maglingkod bilang bise-alkalde, gayong sa pananaw ng marami ay may kapasidad naman siyang lumaban bilang mayor? Napatunayan na niya ang kanyang kakayahang magampanan ang tungkuling ito at ang karisma nito sa masa ay hindi naman nawala. Pakumbabang inamin ni Binoy na pinili niyang muling maglingkod sa mga Calambeño bilang bise, dahil pangunahin ay matagal din siyang nawala sa pulitika. Nandoon ang pakiramdam na parang nagsisimula ulit. Bagamat ang pagtulong sa mga nangangailangan ay hindi naman nawala sa kanyang pang-araw araw na buhay. Kahit bilang isang ordinaryong mamamayan ay hindi naman siya nakakalimutang lapitan ng mga mahihirap na humihingi ng tulong, lalo noong panahon ng kalamidad. Idinagdag din ni Binoy na bagamat gayon, ay mas magiging makabuluhan at mas malawak ang kanyang magagawang tulong sa tao kung siya ay nasa tungkulin.
Ang Partido
Sa tanong na bakit sa ilalim ng partido ni Mayor Chipeco, gayong nitong nakaraang panahon ay may mga isyu sa Calamba na nagkaroon sila ng pagkakaiba ng tindig? Ipinaliwanag ni Binoy na bagamat noong mga nagdaang panahon ay nahahati sila sa ilang mga isyu sa lungsod, naniniwala siya sa magagawa nilang dalawa para sa bayan kung sila ay magkaisa. Ayon pa kay Binoy, tiwala siya sa mga programang pangkaunlaran na itinataguyod ni Mayor Chipeco. At kung ito ay lalakipan naman ng mga programang pangkabuhayan, pagpapalakas ng sektor ng agrikultura at pagpapatibay ng mga institusyong nagseserbisyo para sa mahihirap at sa lahat ng sektor ng ating lipunan ay napakagandang tandem ang Chipeco-Lajara para sa sinomang naghahangad ng patuloy na kaunlaran ng Calamba.
Election Game
Tanggap na sa kulturang Pilipino na ang eleksyon, gaya ng anumang sugal, kinakailangan ang taya. At ang taya ay malaki upang matiyak ang panalo. Sa tanong hinggil sa pondo ng kampanya, ano ang panlaban ng kampo ni Binoy sa diumano’y malaking perang handang pakawalan ng ibang kandidato. Sinabi ni Binoy na ang kanyang kampo ay walang maraming salapi, hindi katulad ng ibang mga kandidato na balitang marami ng inilalabas na pera. Totoong sa bansang ito ay mahalaga ang pera para manalo sa isang halalan, subalit naniniwala siya na sa labang ito ay inihahain niya hindi lamang ang kaniyang magagawa, kundi maging ang sarili upang tapat na makapaglingkod sa bayan. Ang kaniyang karanasan sa serbisyo-publiko ang magsasabi ng kaniyang pagmamahal at paninindigan para sa taong-bayan. Dagdag pa niya, kung ang mga kandidato ay tumataya, sa halalang ito ay mas malaki ang mawawala sa mga tao kung sila ay magkamali sa pagtaya sa kanilang napiling kandidato.
The Chipeco Game
Hindi maiiwasang hindi itanong ang saloobin ni Binoy tungkol sa mga balita na lahat diumano ng kandidato sa bise ay kinakausap ng kampo ni Chipeco. Sa tanong na ito ay napangiti ang dating mayor. Tiniyak ni Binoy ang kanyang tiwala sa kanyang “running-mate”. Sinabi pa niya na maaaring ang alingasngas na ito ay gawa-gawa lamang ng kanilang mga kalaban sa layong magulo ang kanilang kampo.—APS










