"KALINGA-CARAVAN"
Karaniwang Calambeño sa Pag-abot sa Kapwa ...
Minsan pa ay naipakita nating mga Pilipino ang diwa ng “bayanihan” at pagmamalasakit sa ating kapwa noong kasagsagan ng bagyong Ondoy at lalo pa pagkatapos nito. Kung hindi sa mga boluntaryong donasyon at mga tulong pang-pinansyal ng ating mga kababayan, napakarami ang nagkagutom at nangamatay na, dahil hindi sapat ang kakayahan ng pamahalaan na tugunan ang mga pangangailan ng mga kababayan nating nasalanta, ang rehabilitasyon ng mga nasirang istruktura at mga pag-aari. Mula sa mga mayayaman hanggang sa kaliit-liitang bahagi ng ating lipunan ay bukas-loob na nag-abot ng kamay ng pagkalinga at pagtulong sa mga nasalanta. Halos isang buwan, matapos ang kalamidad ay naging isang karaniwang panoorin sa telebisyon at mga pahayagan ang mga imahe ng pamimigay ng mga relief goods sa ating mga kababayan. Bagamat ito ay hindi maiwasang mabahiran ng pulitika. Sa papalapit na panahon ng kampanya, nakikita natin ngayon ang mga mukha ng pulitiko habang nag-aabot ng tatlong kilong bigas. Sa kabila ng ganitong nakakalungkot na katotohanan na halos tanggap na din ng sambayanang Pilipino, mayroong mga grupo pa rin ng mga taong nag-iisip at patuloy na gumagawa para maabot ang mga dukha, may Ondoy man o wala, na hindi naghihintay ng kabayaran. Isa sa mga ito ay ang mga tagapagtaguyod ng proyektong “Kalinga-Caravan” ng Samahang Kabuhayan sa Calamba Laguna Incorporated (SKCLI). Nakatutuwang isipin na ang proyekto palang ito ay isang buong taong pagbisita sa mga mahihirap na barangay dito sa Calamba. Mga kasuluk-sulukan ‘ika nga na hindi na natin maaasahang pagka-abalahan pa ng iba na dalawin, maliban na siyempre kung mangangampanya. May mga serbisyo silang inihahatid sa mga tao tulad ng libreng hair-cut, feeding program, medical mission at family planning seminar para sa mga kababaihan. Bago matapos ang taon, nalibot na ng caravan ang buong siyudad ng Calamba. Nang aking kapanayamin ang mga organizers nito, aking napag-alaman na ang proyekto palang ito ay tumatakbo sa pamamagitan ng pag-aambagan ng kanilang mga miyembro. Naging commitment na nila na tuwing sila ay susuweldo ay “magpapatakan” upang sa susunod na Sabado ay makapag-caravan sila.
Nasa mahigit na 3000 pamilya na ang nakinabang sa caravan mula nang ito ay nagpasimulang umarangkada noong buwan ng Mayo. May halos 600 na mga katao na ang nagupitan ng buhok, halos 300 katao ang nakapagpa check-up at nabigyan ng gamot, mahigit 100 pamilya ang naabutan ng relief goods, at 50 bata ang nabigyan ng mga laruan. Kung titingnan ay isang maliit na bahagi lamang ito kung ikukumpara sa napakalaking bilang ng mga kababayan nating nasa tinatawag na below poverty line na kinakailangang tulungan. Subalit ang pagkukusa ng mga taong ito na gawin ang kanilang magagawa, gaano man ito kaliit sa tingin ng iba, ay isang malaking inspirasyon o manapa’y isang panggising sa mga pulitikong nasa posisyon at nasa kapangyarihang gawin ang ginagawa ng mga ordinaryong mga taong ito. Kung ang diwa ng bayanihan na talaga namang nakatatak na sa lahing kayumanggi ay ating maipapakita hindi lamang sa mga panahon ng kalamidad, napakalaking kaalwanan ito sa matinding kahirapang kinasasadlakan ng ating bansa. Napakagandang mamalas kung ang labis na sa mga mayayaman ay magpupuno sa kakulangan naman ng mahihirap. Sa ganito magkakaroon ng kasapatan ang bawat isa.
Sabado na naman, walang pasok, pero para kina Tito Raffy, Doc Barbz, Tita Letty, Mam Mae at mga kasama nila, araw na naman ng caravan, kailangang gumising ng maaga para sa mga kababayan nating naghihintay sa kanilang pag-kalinga.—APS









