SOCIALIZED HOUSING:Libre o Abot-Kaya?
Noon, pangarap ng bawat Pilipino ang magkaroon ng sariling tahanan. Ngayon, tuloy pa rin ang mga Pilipino sa pangangarap ng sariling tahanan. Isa ang tahanan sa pangunahing pangangailangan ng isang tao kaalinsabay ng pagkain at pananamit. Bilang pangunahing pangangailangan, marapat lamang na bigyan ng kaukulang pansin at matugunan ito.

Isa sa dahilan ng mga Pilipino kung bakit hindi kaya ang magkaroon ng sariling tahanan ay dahil dalawamput- pitong porsyento (27%) ng mga Pilipino ay nais na tumira sa tahanang pagmamay-ari ng sarili nilang pamilya o hindi kaya’y maliit ang pagkakataon nila na bumili ng sariling bahay dahil sa nakakalulang presyo nito. Ayon sa ginawang pag-aaral ng Citibank na pinamagatang “Citi Fin-Q Report” noong taong 2008 kung saan tampok ang sampung bansa sa Asya at Australia, apatnaput- dalawang porsyento (42%) lamang ang bahagdan ng Pilipinong nagmamay-ari ng sariling bahay o dili kaya’y nasa kalagitnaan ng pagbabayad dito kumpara sa walumput- isang porsyentong (81%) bilang ng Tsino na mayroong pamamahay.
Solusyon Sa Kaunlaran?
Naging paksa nitong mga nagdaang linggo sa Lungsod ng Calamba ang isyu ng demolisyon at relokasyon bunsod ng mga proyekto ng ilang pribadong kumpanya at ng pamahalaan. Dalawa sa mga nasabing usapin ay ang isyu ng lupa sa Canlubang at ang Rail Linkage Project ng Philippine National Railways (PNR).
Sa mga nakakarang mga pagpupulong ng Sangguniang Panlungsod, tinalakay sa kani-kanilang mga privilege speeches ang mga pangako, katiyakan, at argumento ukol sa pagpapaunlad ng mga nakatiwangwang na lupa sa Canlubang. Kaalinsabay ng mga plano sa pagpapaunlad sa nasabing barangay ay ang pag-asa ng iilan para sa maayos na panirahan. May mga mamamayan sa Canlubang na patuloy na nag-aasam ng karapatan sa lupang kanilang nilinang sa simula pa lamang ng siglo. Ngunit may mga tao ring napagod na sa laban at pinili na lamang na umayon sa mga pangako ng maayos at matiwasay na pamumuhay. Isa rito ang magkaroon ng sariling pamamahay.
Bukod sa pagtatalakay sa ilang sesyon ng Sangguniang Panlungsod ukol sa plano sa Canlubang, kasabay rito ang ilang mga balita ukol sa pambansang paglilinang ng daang-bakal. Ito ay ang Philippine National Railways (PNR) Linkage Project. Layon nito na pagdugtungin ang magkabilang daang-bakal sa norte at timog na bahagi ng Luzon. Ngunit kaalinsabay ng paglilinang na ginagawa ng PNR ay ang pangako o dili kaya’y kawalang katiyakan sa maayos na panirahan.
Isa sa solusyon na nakita ng mga taong tuwirang masasagasaan ng ganitong mga proyekto ay ang paglalaan ng pabahay sa mga maaapektuhan ng ganitong mga proyekto. Magandang simulain ang paglalaan ng pabahay lalo na sa mga taong lugmok sa kahirapan. Bukod dito, pasan ng proyektong ito ang siguruhing ang relokasyon o ang paglilipatan sa mga taong maaapektuhan ng ganitong mga proyekto. Ngunit hindi maiaalis ang katotohanan na bagamat maganda ang plano na inilatag upang paigtingin ang maayos na panirahan ng bawat Calambeño, hindi pa nito nasasagot ang iba pang katanungan na umiikot sa isipan ng bawat Calambeñong tuwirang masasagkangan ng ganitong klaseng proyekto.
Abot-Kaya o Libre?
Solusyon diumano ng mga ganitong proyekto kung saan may mga mamamayang masasagasaan at tuwirang maapektuhan ng pagpapaunlad na kanilang ginagawa ay ang pagkakaroon ng relokasyon at pabahay. Ayon sa tagapamahala ng ilang mga proyekto, hatid nila ay murang pabahay na sasapat sa kakayahan ng ordinaryong Pilipino. Ito rin mismo ang isinasaad sa Linkage Project ng PNR kung saan binibigyang mandato ng Tanggapan ng Punong Ehekutibo ng Pilipinas ang Ikalawang Pangulo Noli L. De Castro bilang puno ng Housing and Urban Development Coordinating Council o HUDCC na pamahalaan ang relokasyon at resettlement ng mga pamilyang matatamaan ng mga nasabing proyekto. At ayon sa plano, ang mga tao ay ilalaan sa tinatawag na socialized housing projects.
Sa Batas Pambansa Bilang 7279 (Urban Development and Housing Act of 1992) sa ilalim ng seksyon 3.r., binibigyang turing nito ang “Socialized Housing” bilang proyekto at programang pabahay na sumasaklaw sa mga bahay at lupa na itinakda ng pamahalaan o ng pribadong sektor para sa mga maralita at mga mamamayang walang tahanan kung saan kasama rito ang mga lugar at serbisyong pangkaunlaran, pangmatagalang panustusan, liberalized terms sa pagbabayad ng interes, at iba pang benepisyong kaakibat ng naturang probisyon. Nangangahulugan ito na ang naturang uri ng pabahay ay sadyang inilaan ng pamahalaan upang serbisyuhan ang mamamayang Pilipino na sasapat lamang ang kinikita sa pang-araw-araw na panustusan. Bukod rito, itinatakda rin ng pamahalaan ang socialized housing sa mamamayang maaapektuhan ng ilang proyekto ngunit abot-kayang tustusan ng ordinaryong Pilipino. Gayundin, isinasaad sa seksyon 2.a ng naturang batas na ang batas ay tutungo sa usapin upang itaas ang kondisyon ng mga maralita at mamamayang walang tahanan sa pamamagitan ng desenteng pabahay sa mababang halaga, pangunahing serbisyo, at oportunidad upang makapag-trabaho.
Itinatakda ng Batas Pambansa Bilang 220 (An Act Authorizing the Ministry of Human Settlements to Establish and Promulgate Different Levels of Standards and Technical Requirements for Economic and Socialized Housing Projects in Urban and Rural Areas from those Provided Under Presidential Decrees Numbered 957, 1216, 1096, and 1185) ang mga pamantayan ukol sa pagtatayo at pagkakaroon ng implementasyon sa Socialized Housing Project. Ayon sa seksyon 2 ng naturang batas, ang economic and socialized housing ay pinatutungkol sa mga pabahay na abot-kaya ng panustusan ng gitna at ordinaryong tao kung saan ito ay hindi tataas sa tatlumpung porsyento (30%) ng kabuuang kita ng pamilya na itinakda ng National Economic and Development Authority (NEDA). Ibig sabihin, ito ay uri ng pabahay kung saan ito ay itinakdang bayaran ng ordinaryong mamamayan ayon sa antas ng pamumuhay ng isang tao. Hindi nito tuwirang sinasabi na ang Socialized Housing ay isang uri ng “Libreng” pabahay, gaya ng iniisip ng ilang mamamayan sa Lungsod ng Calamba.
Malabong Usapan?
Hindi maikakaila na mayroong pagkalito sa bahagi ng mamamayan ng Canlubang na siyang direktang mababahaginan ng ganitong uri ng panirahan. Bagamat lumalabas sa ilang mga pulong at sesyon na ang naturang pabahay na ipamamahagi sa tao ay isang uri ng “socialized housing”, may nakararating na ulat sa mamamayan ng Canlubang na ang tatanggapin nila diumano ay isang libreng pabahay. Kung pagbabatayan ang ulat sa CBA kung saan sinasabi na ang mga taong nasa Canlubang ay pamamahaginan ng bahay na libre, masasabi na ang naturang pangako ay lubos na kaiga-igaya at lubhang makatutulong sa mga taong hikahos. Ngunit hindi maiaalis sa ilang mga mamamayan, lalo na sa mga indibidwal na nagsusulong sa karapatan ng mga maralita at ng magsasaka, ang isipin na ang naturang pangako ay isang “malabong usapan” sapagkat kung paiiralin lamang ang nasasaad sa BP 220 ay makikita na ang ang naturang proyekto ay maaaring bumagsak sa tinatawag na “socialized housing”.
Sa bahagi naman ng mga mamamayan na masasagkangan ng proyekto ng PNR, nagkaroon ng malabong usapan sa kalidad at kasiguruhan sa mga panirahang ipamamahagi. Bagamat mababang halaga ang inilaan ng pamahalaan upang ituloy ang proyekto ng “socialized housing”, sumasamo ang ilang tao sa katiyakan na ang kanilang lilipatan ay maayos at ligtas na tirahan. Bagamat may mga ulat na natatanggap ang Sangguniang Panlungsod ukol sa mga “substandard” na materyales na ginagamit, dapat isaalang-alang ng mga kontraktor, debeloper, at ng lokal at pambansang pamahalaan ang siguruhin na ang “socialized housing” ay isang proyektong sasagot sa kaligtasan na titira dito.
Bagamat mainit pa rin ang usapin sa lupa sa Canlubang, gayundin sa mga pulong para sa relokasyong ginagawa ng PNR, hindi nito maiaalis na nagkaroon ng pagkalito sa bahagi ng mga benepisyaryo ng relokasyon at sa mga nagsasagawa ng relokasyon. May mga ilang usapang naganap sa pagitan ng dalawang panig, ngunit nagkaroon pa rin ng kalabuaan sa ilang puntos lalo na sa usapin ng pabahay at panirahan. Bagamat malinaw sa nasabing mga batas ang tungkol sa socialized housing, patuloy pa rin na naniniwala ang iilan na ang pabahay ay libre at hindi “abot-kaya”.
Anu’t- ano pa man ang mga dahilan ng pagkalito sa magkabilang panig, dapat ay linawin pa rin sa mga mamamayang Calambeño ang tunay na estado nila sa pabahay, lalo’t higit sa mga Calambeñong napapasailalim sa relokasyon. Bagamat hindi pa lubusang malinaw sa ilang mamamayang Calambeño ang usapin sa socialized housing, nais lamang nila na maresolba ito sa lalong madaling panahon. Sapagkat ito mismo ang nais nila, isang desente at maayos na panirahan kapiling ang kani-kanilang mga mahal sa buhay.—JM Jose







