"UNOS SA LUPA": Tuloy ang Laban ng Canlubang
Nitong mga nakaraang araw, nakaranas ang Pilipinas ng pagsusungit sa panahon dulot ng nagbabagong klima ng mundo. Ilang mga bagyo rin ang nagdaan, ilang pag-ulan na rin ang bumuhos sa natitigang na lupa. Pagsubok nga sa mga Pilipino ang makailang pagsisid at pagsusumigasig upang muling umahon sa pagkakalubog. Dumaan si Ondoy ngunit patuloy na nagpupursige ang mga taong mabuhay. Bumisita si Pepeng at ang mga mamamayan ay hindi tumigil sa pananalig at pananampalataya. Sumadsad si Quedan ngunit hindi man lang ininda ng mga Pilipino ang kanyang pag-ihip. Pumasok si Ramil pero hindi nito natinag ang matibay na kalooban ng kanyang mga biktima. Dumaong si Santi, bagamat tinumba niya ang ilang mga puno sa daan, hindi nito nabuwal ang pag-asa at pangarap ng nananatiling nakatindig. Humabol si Tino ngunit hindi man lamang tinablan ang mga taong halos nasa bingit ng kamatayan.
Ngunit ang mga bagyong nagdaan ay panandalian lamang. Bagamat ilang araw lamang nanatili ang mga bagyo sa Pilipinas at nakapaminsala ng milyun-milyong halaga ng pag-aari at pamumuhay, may isang bagyo sa buhay ng ilang mga mamamayan sa Calamba na matagal nang nananalasa at hindi pa humuhupa sa ngayon ngunit batid nila na huhupa rin ito sa lalong madaling panahon. Ito ay ang unos sa usapin sa agrikultura ng Calamba.
Makailang ulit na tinalakay sa konseho at sa mga pulong ng komite kung ano ang progreso ukol sa kasiguruhan sa karapatan ng mga manggagawang-bukid ng Calamba, partikular na sa Canlubang. Ilang ulit na rin na kinalampag ng mga manggagawang-bukid hindi lamang ang lokal na pamahalaan ng Calamba ukol sa usapin ng karapatan sa lupang sakahan kung hindi pati na rin sa ilang mamamayan sa Calamba at karatig-bayan, ibang pulitiko, at maging sa ilang grupo na nakikinig sa hinaing ng mga tulad nila. Pangmatagalang unos nga marahil ang sinuong nila ngunit, tulad ng mga sinalanta ng mga nagdaang bagyo, patuloy silang tumatayo sa pagkakalubog sa bahang nilusong ng kanilang nagsusumigasig na damdamin. Ito ang kanilang laban, isang laban na lubos nilang ipinagmamatiyagang antayin na humupa sa darating na mga araw.
Ikinasa kamakailan ang muling pag-aaral ng Local Zoning Review Committee (LZRC) hinggil sa apela ukol sa pag-amyenda ng Comprehensive Land Use and Development Plan (CLUDP) of 2000 ng Lungsod ng Calamba. Bagamat may kabagalan sa pagkilos upang pag-aralan ang nasabing isyu, hindi pa rin nawawalan ng loob ang mga taong nagpupursige na ipagpatuloy ang kanilang laban. Bagamat may mga ilang kasama sila na tuluyan nang nalunod sa baha ng kawalang pag-asa, may mga nananatili pa ring lumulusong upang manatiling humihinga sa taas ng baha dulot ng opresyon at depresyon. Hindi maikakaila na ang unos sa lupa ay isang malaking suliranin na kung saan ang katapat na sandata ay lakas ng loob, determinasyon, at pag-asa upang manatiling lumalaban at nabubuhay.
Ilang indibidwal na rin ang naniwala sa laban na ito, kasama na rin ang ilang pulitikong nais suportahan ang adbokasiya sa seguridad sa pagkain, agrikultura, at pamumuhay ng mamamayan sa loob ng Lungsod ng Calamba. Bagamat hindi lahat ng pulitiko ay nasa panig ng mga manggagawang-bukid, hindi ito hadlang upang tuluyang iwanan ang labang kanilang binitbit at minana mula pa sa kanilang mga magulang. Ito marahil ang matamis na pamana kung sakaling matamo na nila ang tagumpay na kanilang inaasam.
Gayundin, dumaan na rin sa legal na proseso ang labang ito. Ilang mga grupo ng mga manggagawang-bukid ang nagpasa ng petisyon upang panigan ang kanilang argumento. At kamakailan, inihain na rin ang petisyong maaaring magsalba sa kanila sa delubyong kinasangkutan nila. Bagamat katunggali nila ang ilang mga mayayamang debeloper sa petisyong ito, hindi ito nangangahulugang matatakot sila sa makailang kidlat at kulog na ibinabato sa kanila. Nagdesisyon na ang korte na hindi isama ang ilang grupo dahil sa hindi nila pagsagot sa loob ng itinakdang panahon, isang kaluwagan sa kalooban na kanilang natamo. Inaantay na lamang sa ngayon ang magiging katugunan ng ilang grupo at indibidwal hinggil sa isinampang petisyon sa korte hanggang sa katapusan ng buwan ng Nobyembre.
Tulad ng unos, may panahong masisilayan rin ang liwanag na dulot ng pagsilay ng haring araw sa mga nalugmok sa bahang kanilang kinasadlakan. Tunay nga na mahabang panahon ang inilagi ng unos na nararanasan ng mga manggagawang-bukid ng Canlubang, hindi nangangahulugan na wala ng araw na sisikat para sa kanila. Masigasig na pagtutok, serbisyo at paglilingkod, at pagtatrabaho para sa mamamayan ang kinakailangan upang magpunyagi sa unos na dumaan. Hindi pa malaman kung kailan ito matatapos at kung papaano matatapos ang unos na kanilang nararanasan. Isa lamang ang sigurado sa ngayon: huhupa rin ang unos, sisikat rin ang araw, madarama muli ang init ng umaga, matatapos rin ang unos sa lupa. Malapit na. —JM Jose








