Isang Pagtalakay sa Isyu ng Kasiguruhan sa Pagkain
(Batay sa UN-FAO Food Security Policy Brief )

Ang kahirapan at kagutom ay matinding suliraning kinakaharap ng maraming bansa sa buong mundo. Mayroon mahigit 850 milyong katao ang dumaranas ng gutom. Ayon sa ulat ng Food and Agriculture Organization (FAO) ng United Nations, may 39 bansang patuloy na nasa matinding kagutom na nangangailangan ng pagtulong ng ibang bansa. Dalawampu’t-lima dito ay mula sa Africa, Labing-isa sa Asya, dalawa sa Latin America at isa sa Europa. Ang krisis na ito sa pagkain ay bunga ng mga natural na kalamidad at mga digmaan. Sa Africa, dahil sa mga kaguluhan ay napipilitang lumikas ang mga tao at iwan ang kanilang bukirin, ang kanilang ikinabubuhay. Sa nakalipas sa dalawang dekada ay patuloy ang paglaganap ng suliranin sa kawalan ng kasiguruhan sa pagkain sa buong mundo.
Noong taong 1996 sa ginanap na Word Food Summit ay binigyang diin ang tinatawag na multidimentional nature of food security. Na kung saan, kung dati ang usapin hinggil sa kasiguraduhan sa pagkain ay kinapapalooban lamang ng usapin ng food supply, ngayon ito ay tumutukoy sa apat na aspeto-food access, availability, utilization, stability.
- Food Availability o ang pagkakaroon ng sapat na supply ng may kalidad na pagkain sa pamamagitan ng domestic production o pag-angkat.
- Food Access o ang kakayahang magkaroon ng isang indibidwal ng sapat na mapagkukunan ng kabuhayan upang makabili o magkaroon ng sapat na masustansyang pagkain.
- Utilization o ang wastong paghahanda ng pagkain, kung saan nagbibigay halaga sa iba pang mga bagay tulad ng malinis na tubig, kalinisan ng kapaligiran, wastong pangangalaga ng kalusugan.
- Stability o katiyakang palaging may sapat na pagkain para sa lahat sa kabila ng mga biglaang mga pangyayari tulad ng mga kalamidad at iba pang mga napapanahong krisis.
Ang food security ay usaping nakabatay sa social-political structure ng isang bansa. Mula sa kontekstong ito ay nabuo ang isang katanggap-tanggap na depinisyon— Ang food security o kasiguraduhan sa pagkain ay nagaganap kung ang lahat ng tao sa lahat ng pagkakataon ay may kakayahang magkaroon ng sapat, ligtas at masustasyang pagkain tungo sa isang aktibo at malusog na buhay.
Mula sa depinisyong ito ay nabuo ng FAO ang tinatawag na “Twin-Track Approach” laban sa kagutom sa pamamagitan ng kombinasyon ng programa tungo sa sustainable agricultural and rural development, kasabay ng pagpapabuti ng sistema para sa mabilisang access sa pagkain sa panahon ng kalamidad at kaguluhan (Table 1).

Sinasabi ng pag-aaral na sa pamamagitan ng pagkakaroon ng isang matatag na programang pang-agrikultura ay maiiwasan ang kasalatan sa pagkain. Makatitiyak na magkakaroon ng sapat na supply nito kahit sa panahon ng mga kalamidad at kaguluhan. Mga proyektong magpapaunlad ng sektor ng agrikultura tulad ng paggamit ng teknolohiya sa pagsasaka, pagpapasigla ng industriya ng food processing, paglalagay ng mga pamilihan at masiglang palitan ng produkto. Kaalinsabay nito ay ang paglalagay ng support system para sa mabilis access sa pagkain sa panahon ng mga kalamidad at kaguluhan. Sa approach na ito, binibigyang diin na hindi sapat magkaroon lamang ng programa para matugunan ang mga pangangailangan sa pagkain ng biktima ng mga kalamidad o kaguluhan, kundi nagsasabi na maraming maaring magawa upang makapaglagay ng matibay na programang pangmatagalan.
Kinikilala ng mundo ang kahalagahan ng sektor ng agrikultura. Nasa pagpapatibay ng sektor na ito nakasalalay ang pagkakaroon ng kasiguruhan sa pagkain. Nakakalungkot nga lamang isipin na sa ating siyudad ay tila hindi ito kinikilala ng ating lokal na pamahalaan. Taong 2009, ang sektor ng agrikultura ay napagkalooban lamang ng 13.9 milyong budget para sa taong ito. Lubhang napakaliit upang mapakaglunsad ng makabuluhang programa para mapasigla ng sektor na ito. Samantalang sa Comprehensive Land Use and Development Plan (CLUDP) nakasaad ang vision para sa siyudad na ito:
“Calamba with its God-loving community shall be a dynamic Regional Growth Center, having a well-balanced economy focusing on trade and industry strengthening, agricultural productivity as well as enhancement of tourism and historic assets carried in a manner that promotes people-centered growth and ensures sustainable development.”
Sa halos 1.3 Bilyong 2009 budget ng Siyudad ng Calamba, napakaliit na bahagi lamang ang nailaan para sa agrikultura. Hindi sapat upang marating ang agricultural productivity na sinasabi sa CLUDP.
Panahon nang ang ating mga tagapanguna sa pamahalaan ay magkaroon ng mas malalim na pagtingin sa kasalukuyang sitwasyon. Habang ang nasa pambansang pamamahala ay gumagawa ng mga hakbang para mas maging handa sa mga panahon ng kalamidad at kaguluhan, marapat lamang na ang mga nasa lokal na pamahalaan ay magsimula na ring humanap ng mga paraan sa pamamagitan ng mga polisiyang tunay na makamahirap. Mga patakarang mangangalaga sa kanilang karapatan. Kung hindi sila tutulungan ng mga nasa pamahalaan, sino pa ang tutulong sa kanila? —APS







