SITIO CASILE:Tagumpay ng mga Magsasaka
Sa halos pitong libong ektaryang lupa ng Canlubang na nasa ilalim ng mga Yulo na nasasakop ng mga bayan ng Sta. Rosa, Cabuyao at Calamba, ang Sitio Casile, Cabuyao ay matagumpay na napasailalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program noong taong 2006. Ayon kay Ka Piling Gonzales, lider ng Samahang Magsasaka ng Casile (SAMACA), hindi naging madali ang kanilang pinag-daanan para mailaban ang kanilang karapatan sa lupa. Mahigit 25 taon din silang hindi tumigil sa paglakad ng kanilang mga petisyon sa ibat-ibang ahensya ng pamahalaan hanggang sa Korte Suprema. Isinalaysay pa ni Ka Piling na noong unang limang taon ay nakuha nila ang paborableng desisyon ng DARAB (Department of Agrarian Reform Adjudication Board) noong 1989 na ang 234.76 na ektarayang lupa sa Casile na pagmamay-ari ng Sta. Rosa Development Corporation ay masakop ng CARP. Subalit pumabor naman ang Court of Appeals sa CJ Yulo and Sons nang inapila nito ang hatol ng DARAB. Sa huli ay idinulog nila ang usap sa pinakamataas na hukuman at matapos ang halos 20 taon ay inilabas ang pinal na desisyon na pabor sa mga magsasaka. Nasa 82 pamilya ng mga magsasaka sa Sitio Casile ang nakinabang sa tagumpay na ito.








