Calamba City Laguna Philppines Business Directory

  • Increase font size
  • Default font size
  • Decrease font size
Home Category Table ANG PANGANGAILANGANG AMYENDAHAN ANG LOCAL ZONING ORDINANCE NG CALAMBA, Sandigan September 2009 Issue

ANG PANGANGAILANGANG AMYENDAHAN ANG LOCAL ZONING ORDINANCE NG CALAMBA, Sandigan September 2009 Issue

E-mail Print PDF

Ang Pangangailangang Amyendahan ang

Local Zoning Ordinance ng Calamba


Councilor Christian Niño S. Lajara 

Ang pagkakataon ng mga magbubukid at manggagawang-bukid sa batas ng repormang agraryo ay hindi ganap dahil sa Ordinansa ng 1981 at ng Balangkas sa Paggamit sa Lupa ng 2000.

Isinasaad sa Zoning Ordinance ng 1981 na ang Canlubang ay isang Lupang Industriyal, bunsod ng Pambansang Balangkas Pangkaunlaran (METRO CALA).  Ito ay  upang ipakilala at isulong ang industriyalisasyon sa Timog Katagalugan. Subalit labas sa intensyon ng lokal na mambabatas na ang ginawang ordinansang ito noong 1981 na kung saan nakabatay sa Pambansang Balangkas Pangkaunlaran ay tila hindi naisaalang-alang ng mabuti ang pagkakataon at karapatan ng mga magbubukid at manggagawang-bukid na walang lupain sa 1986 Programa sa Komprehensibong Reporma sa Agraryo o CARP na ipinasa noong panahon ng yumaong Pangulo Corazon C. Aquino.

Ang lihis na pagsasabatas ng ordinansang ito ay naging isang malaking balakid para sa mga magbubukid at manggagawang-bukid sa pagkakataong mapasakanila ang lupang kanilang sinasaka.  Dahil itinakda ng 1981 Zoning Ordinance na gamit-industriyal ang lupang Canlubang, ito ay na-exempt sa CARP.  Kung kayat hindi naging paborable ang mga desisyon ng mga ahensya ng pamahalaan sa mga apila ng mga magsasaka na masakop ng CARP ang Canlubang.  Wala nga ba silang karapatan?

Ang kasaysayan na mismo ang nagpapahayag at nagpapakita na ang dalawang grupong lumikas patungong Barangay Canlubang ay ang pinakasuhay o pundasyon ng pagpapatupad ng CARP.

Ang unang grupo ay ang mga taong nagmula pa sa Batangas, nang pumutok ang Bulkang Taal noong taong 1910. Hindi maikakaila na ang mga taong ito ay may karapatan sa mga Sitio ng Matang Tubig, Balagbag Araw, Buntog, at Kapatagan.  Samantalang ang ikalawang grupo ay yaong mga manggagawang-bukid ng Pamilya Madrigal at Yulo na napadpad mula sa iba’t-ibang probinsya, resulta ng pangangailangan   ng mga manggagawa para sa lumalakas na industriya ng tubuhan sa Calamba.

Sa mga panahong ito, sa ibat-ibang bansa ay nagkaroon ng maigting na adbokasiya upang makamit ang katarungang panlipunan at pagsusulong na maitaas ng antas ng buhay ng mga manggagawang-lupa sa pamamagitan ng reporma sa agraryo.  Batay sa ganitong balangkas, ang mga manggagawang-bukid ng Pamilya Madrigal at Yulo ay may tuwirang karapatan upang mag may-ari ng lupang dati na nilang sinasaka.  Sa konteksto na ang mga mamamayan ay sakop ng kapangyarihan ng isang estado, ito ay isinabatas mismo ng Kongreso sa pamamagitan ng Programa sa Komprehensibong Repormang Agraryo.  Ang programang ito ay pinatakbo ng kasaysayan at sinubukang isaalang-alang ang isyu ng katarungang panlipunan sa usapin ng mga manggagawang-bukid na nakaligtaang bigyang-pansin ng lokal na mambabatas ng Zoning Ordinance ng 1981 nang ideklara nilang lupang pang-industriyal ang Canlubang.  Nabigo ang mga mambabatas noon na maprotektahan ang karapatan at matugunan ang napakahirap na  kalagayan ng maliliit na manggagawang-bukid.

Kung ating sasariwain, ang taong 1946 hanggang 1996 ay ang mga mabiyayang panahon para sa Canlubang. Sa mga panahong iyon, parehong ang mga panginoong may-lupa at mga manggagawang-bukid ay nanirahan ng mapayapa at matiwasay sa tila paraisong barangay ng Canlubang.  Sa mga matatandang nabuhay ng mga panahong ito ay mapatutunayan nila na ito ay ang mga panahon ng maalwang pamumuhay na may antas ng kasapatan.  Ang Canlubang, noong panahong iyon, ay itinuturing na perpektong pamayanan o Utopia. Ang Canlubang ay isang huwarang komunidad na siyang tumutugon sa pangunahing pangangailangan ng mga manggagawa. Ngunit nakalulungkot isipin na ang bawat kuwento ay may kanya-kanyang katapusan, at ang pagtatapos ng perpektong kuwento ng Canlubang ay naganap nang ang industriya ng tubo ay magdeklara ng pagkalugi noong 1996 bunsod ng regulasyon sa presyo ng asukal sa pamilihan.  Isang napakabigat na punto para sa Pamilya Yulo, sa mga mamamayan ng Canlubang, sa mga tradisyunal na pamilyang nakadepende sa Hacienda Yulo, at sa lokal na pamahalaan. 

Sa mga nakaraang dekada, ang mga magbubukid at mga manggagawang-bukid ay nakikipaglaban para sa karapatan nila sa lupa na nakasaad sa konstitusyon, kaalinsabay nito ang kanilang karapatan sa CBA bilang mga manggagawa ng Hacienda Yulo.

Magpahanggang-ngayon, ang isang ganap na kasagutan para sa matandang suliranin ng katarungang panlipunan ng Canlubang ay hindi pa nakakamit.  Kahit na nagdaan pa ang 1986 People Power Revolution na siyang nagbigay-daan sa pagpapasa ng CARP at sa Kodigo ng Lokal na Pamahalaan ng 1991.  Nilayon ng mga batas na ito na bigyang proteksyon ang mga magbubukid at manggagawang-bukid na walang lupain at pakilusin ang mga lokal na opisyales upang bigyang pansin ang urban at rural na pagpapaunlad.  Ang dalawang batas na ito ay nagpapakilala ng kinabukasan ng komunidad, salungat sa tradisyunal na batas tulad ng Local Autonomy Act at 1981 Local Zoning Ordinance, kung saan pinawalang-kabuluhan nito ang CARP.

Ang kaganapan ng Kodigo ng Lokal na Pamahalaan ng 1991 (Local Government Code of  1991) ay ang pagsasagawa ng Balangkas ng Paggamit sa Lupa at Pangkaunlaran ng Calamba (Calamba Land Use Development Plan-CLUDP). Ang CLUDP ng 2000 ay tungo sa tinatawag na policy-driven and management-oriented approach.  Ito ay kabaliktaran sa 1981 Zoning Ordinance kung saan ay gumamit ng prescriptive approach.   Ang  prescriptive approach ay nakasalalay sa tinatawag na predetermination sa pagkilala sa gamit sa lupa, kung saan ang gamit ng lupa ay itinalaga sa mga partikular na lugar. Ang problema sa approach na ito ay hindi nito maisasaalang-alang ang ibat-ibang economic forces at ang masalimuot na movement ng mga tao sa isang lugar.  Ito naman ang ikinonsidera sa CLUDP 2000 sa pagtatalaga ng mga sona at mga lugar na marami ang gamit ng lupa.

Ang pagtuturing sa Canlubang bilang sentro ng ekonomiya ng Calamba alinsunod sa isinasaad ng CLUDP ay walang direktang epekto sa usaping kinakaharap ng mga magbubukid at manggagawang-bukid.  Ang CLUDP ay nagtakda ng Growth Management Area 1 (komersyo, panirahan, institusyonal, light at medium industry) at Growth Management Area 2 (mababa at gitnang komersyo, panirahan, institusyonal, at light and medium industry) sa Canlubang, at ang ilan sa mga lugar ay itinakda bilang Agricultural Development Area at Forest Reserve Area. 

Ang sukat ng mga lupaing itinakda bilang Agricultural Development Zone ay lubhang maliit, hindi sapat upang punan ang mga pangangailangan ng mamamayan at ng buong komunidad, sa isyu ng seguridad sa pagkain.  Kahit na ang aktwal na sitwasyon ay lubhang nagpapakita ng mahigpit na pangangailangan para sa pagrereklasipika ng lupa bilang residensyal, kung saan ito ay tunay na nangyayari sa Calamba kahit na may Zoning Ordinance, at ang pagdagsa ng aplikasyon  para development permit na magpapahintulot sa mga malalaking Land Developer na gawing subdibisyon ang Canlubang, isang katunayan sa unti-unting pagtamlay ng sektor ng agrikultura sa buong lungsod ng Calamba.  Kahit ang pagbubukod-bukod ng ilang bahagi ng Canlubang sa Growth Management Area 1 at Growth Management Area 2, ay hindi nangangahulugan ng proteksyon sa sektor ng agrikultura o ng pagbibigay ng katiyakan para sa pagpapanatili ng seguridad sa pagkain.  Ang CLUDP ay nagtakda lamang ng 6.8 porsyento ng kabuuang lawak ng lupain ng buong Calamba para sa gamit pang-agrikultura. Sakop ng Canlubang ang isang malawak na lupaing nananatiling nakatiwangwang ngunit may potensyal upang magbigay ng karagdagang pagpapasigla ng ekonomiya at ang lupang Canlubang ay lubhang akma sa agrikultura.  Ang pagpapalawak ng sonang agrikultural sa Calamba ay isang landas na dapat tahakin.

Ang interes ng mga multi-milyong korporasyon na mamuhunan sa Calamba ay isang balitang ikalulugod ng maraming Calambeño dahil ito ay nangangahulugan ng mga bagong pagkakataon sa mga mamamayan.  Ngunit sa bawat simulain, habang ninanamnam natin ang dakilang pangakong hatid ng pagbabago, kasabay nito ay ang maingat na pagsusuri sa mga bantang pang-ekonomiya at pang-kultura na maaaring umusbong sa hinaharap.  Sa huli, tungkulin at kapangyarihan ng lokal na pamahalaan ang matapatan ang anumang banta  sa katiwasayan at kabuhayan ng taong kaniyang pinaglilingkuran, at maging matatag na tagapagtaguyod ng Balangkas ng Lokal na Pamahalaan, at tindigan ang Seksyon 16 ng Kodigo ng Lokal na Pamahalaan ng 1991.

 

Ang proyekto ng Ayala ay makapagbubukas ng isang high-class subdivision sa Canlubang.  Ngunit bilang bahagi ng pamahalaan na inaasahang magbibigay proteksyon sa kapakanan ng kanyang mamamayan, naniniwala ako na hindi dapat ipagwalang-bahala at tuluyang kalimutan ang kultura, kasama ang buhay ng mga pamilyang nawalan ng tahanan —CNL


 

 

 

 

 

 

 

 

 

Last Updated on Friday, 19 February 2010 07:31  
Webcalamba.ph

Members Login

Popular Businesses