Calamba City Laguna Philppines Business Directory

  • Increase font size
  • Default font size
  • Decrease font size
Home Category Table PAG-AMYENDA SA LOCAL ZONING ORDINANCE No.256: SAGOT SA LABAN NG CANLUBANG, Sandigan September 2009 Issue

PAG-AMYENDA SA LOCAL ZONING ORDINANCE No.256: SAGOT SA LABAN NG CANLUBANG, Sandigan September 2009 Issue

E-mail Print PDF

PAG-AMYENDA SA LOCAL ZONING ORDINANCE No.256:

SAGOT SA LABAN NG CANLUBANG


Isang malaking hamon ang ipaglaban ang iyong karapatan sa gitna ng mga higanteng puwersang namamayani sa bayan.  Sabihin man ng ilan na ito ay suntok sa buwan, kung ang kahulugan nito ay ang mismong kinabukasan ng aking mga mahal sa buhay, handa kong suntukin ang buwan!  Sa aking palagay ay isang nakapanghihinang malasin na sa kabila ng sinasabing demokrasya na ating tinatamasa ay makakadama pa rin tayo ng mga tuwirang panggigipit sa mga hamak na mahihirap.  At ang masakit pa rito ay mismong mga kababayan mo pa ang tumatapak sa iyong mga ipinaglalaban.  Nakakahiyang isiping ang ating siyudad pa naman ay sinasabing lupa ng bayani.  Ano kaya ang sasabihin ni Gat Jose Rizal sa mga sitwasyong kinasasadlakan partikular ng mga taga-Canlubang?

 

Sa gitna ng pagsusulong ng mga malalaking developer na matayuan ng mga high-class na subdibisyon ang malaking bahagi ng Canlubang, sa kabila ng mga hinaing ng mga anak ng Canlubang, tila bingi ang ilan sa mga nasa kapangyarihan sa sigaw ng mga dating magsasaka at mga naninirahan sa barangay na ito.  Alam na ng lahat na kung ligalidad ang pag-uusap, ay mapatutunayan ng mga nakikipaglaban na sampung dekada na silang naninirahan at nagtatanim sa lugar na ito kaya hindi maaaring balewalain na lamang ang mga taong ito.  Ayon sa Article XIII, Section IV ng Konstitusyon:

“The State shall, by law, undertake an agrarian reform program founded on the right of farmers and regular farmworkers who are landless, to own directly or collectively the lands they till or, in the case of other farmworkers, to receive a just share of the fruits thereof. To this end, the State shall encourage and undertake the just distribution of all agricultural lands, subject to such priorities and reasonable retention limits as the Congress may prescribe, taking into account ecological, developmental, or equity considerations, and subject to the payment of just compensation. In determining retention limits, the State shall respect the right of small landowners. The State shall further provide incentives for voluntary land-sharing.”

 

Subalit ang nakakalungkot dito, sa ating siyudad, ay imbes na ang CARP sana ay mag-garantiya sa karapatan ng mga mahihirap na magsasaka, ito ay nabaliktad at ito pa ngayon mismo ang pumapatay sa kanila.  May probisyon ang CARP na ang mga lupaing maika-klasipika  ang gamit bilang industriyal ay exempted, o hindi makakasama sa mga lupang maipapamigay sa mga magsasaka.  Ito ang isang napakalaking pader na kinakanlungan ng mga mayayamang developer ng lupa, at humahadlang sa tagumpay ng mga petisyong inihain ng mga lider sa Canlubang sa korte at maging sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan.  Ito ay ang Local Zoning Ordinance No.256 na nagtakda sa malaking bahagi ng lupa sa Canlubang na isang lupang pang-industriyal.  Sa ordinansang ito, sinasabi na kapag ang isang lupa na naklasipikang industrial, sa loob ng isang taon ay nanatiling nakatiwangwang, ito ay pagkakataon upang maibalik ang gamit ng lupa bilang agrikultural.  Ang probisyong ito sana ay isang matibay na batayan upang magkaroon ng pag-asa ang aming mga petisyon sa lokal sa pamahalaan ng Calamba at sa Sanggunian Panlungsod.  Dagdag pa rito ang sinasabi ng Republic Act 9700 na nagsasabing ang mga irrigable lands ay kailangang manatiling agrikultural.  Sa kabila ng aming paglalahad ng mga batayang legal at mga aktuwal na kuha ng mga nakatiwangwang na lupa at mga katibayang nananatiling irrigated ang Canlubang, tila ang ilang nasa kapangyarihan ay kibit-balikat lamang  sa usaping ito. 

 

Sa apat na pahinang petisyong inihain sa Sanggunian Panlungsod na amyendahan ang nabanggit na local zoning ordinance no.256, ipinaliwanag din ang punto na napakaliit na porsiyento lamang ng lupain sa buong siyudad ng Calamba ang naiklasipikang agrikultural. Mahigit siyam na raang ektarya lamang o 6.8% lamang ng kabuoang lupa ng Calamba na nahahati sa mga sumusunod na mga barangay:  Banlic-274.9 Has., Bañadero-190 Has., San Juan-15.3 Has., Uwisan-78 Has., Looc-179.1 Has., Palingon-15.3 Has., at Canlubang-200 Has.  Noong taong 2000, iniulat na ang Barangay Canlubang ang may pinakamataas na populasyon sa buong Calamba na may bilang na 34,335 at noong taong 2007 ito ay umabot sa 54,602.  Sa nasabing petisyon, iminungkahi ang reklasipikasyon ng isang libong ektarya ng lupa sa Canlubang bilang agrikultura sa pamamagitan ng pagsertipika ng local zoning commitee sa ilalim ng tanggapan ng Punong Ehekutibo.  Sa pamamagitan nito ay magkakaroon ng patas na pagkakabahagi ng gamit ng lupa, maiiwasan ang displacement ng mga tao, sa makatwid ay mapo-protektahan ang kinabukasan ng mga magsasaka.  Matibay ang  tindig ng mga taga-Canlubang, hindi maaaring basta na lamang silang itaboy sa lupang pinagyaman ng kanilang  mga ninuno.  Kung magkagayon, ito ay isang malinaw na pagbabalewala sa kanilang karapatan.—”CALAMBAPA” Canlubang Laban sa Maling Balangkas ng Pag-unlad.

 


 

EDITOR’S NOTE:  Ang ordinansang tugon sa petisyong ito ay inihain ng Konsehal Niño Lajara noong ika-14 ng Setyembre 2009 sa Sanggunian Panlungsod.  Subalit ito ay hindi naka-usad sa Unang Pagbasa pa lamang, dahil walang ibang konsehal ang pumangalawa upang suportahan ang ordinansa.

 

  

 

 

 

 

 

 

 

Last Updated on Friday, 19 February 2010 07:34  
Webcalamba.ph

Members Login

Popular Businesses