Mga Ginintuang Araw...

Kuwento ng aking mga ninuno sa aming mga apo na ang Canlubang ay isang paraiso, isang paraisong nagkakanlong at umaaruga sa bawat nilalang na nabubuhay. Dagdag pa nila lolo at lola na sila ay naaambunan ng nag-uumapaw na biyaya, magmula sa pagkain hanggang sa panirahan. Nasasalarawan ko ang lahat sa aking isipan mula sa mga kuwento ng mga nakatatanda. Bagamat sa mga istorya’t litrato ko na lamang nakikita ang dating Canlubang, alam kong nananatili pa rin ang Canlubang na kinalakhan ng aking mga magulang.
Noon daw, ang Canlubang ay maituturing na isa sa pinakamagandang pook-pamasyalan sa Laguna, at batid kong maging sa buong Pilipinas. Maraming mga bata ang masayang nagtatampisaw sa agos ng tubig na nagmumula sa kabundukan. Masidhing nagtatalastasan ang mga matatanda sa ilalim ng mayayabong na puno. Mahinhing nakaupo ang mga kababaihan sa luntiang damuhan habang sinisipat nang tanaw ang mga kalalakihan mula sa Azucarera. Maingay na nagsisigawan ang mga manonood habang masigasig na naglalaro ang Canlubang Sugar Barons1 ng baseball sa stadium. Marahil hindi nalalayo ang Canlubang sa langit na aking naiisip kung saan wala sa bokabularyo ang salitang “hirap”. Pero lingid sa mga ingay at tawanan ng ilang mga mamamayan, may ilang taong sa simula pa lamang ay pinagkaitan na ng ngiti sa mga labi. Akala ko ayos na ang lahat noon pa man. Nagkamali ako.
Oo, paraiso nga ang Canlubang, pero hindi sa lahat ng mamamayan. Lingid sa hinagap ng iba, may ilang hirap at patuloy na naghihirap sa kabila ng kaginhawahang tinatamasa ng ilan. Sila ay ang mga manggagawang-bukid ng Azucarera del Calamba, isang pataniman ng tubo na mas kilala sa tawag na Canlubang Sugar Estate o Hacienda Yulo. Silang mga manggagawang-bukid ang siyang bumuhay sa patay na industriya ng Canlubang na unti-unting yumabong pagkatapos ng kolonisasyon ng mga Espanyol sa Pilipinas. Ngunit nasaan ngayon ang mga magtutubong2 Canlubang na nagpatamis sa mga tasa ng kapeng nasa hapag ng bawat pamilyang Pilipino?
Ang mga magtutubong kinagisnan ng aking mga magulang ay nag-ugat pa noong 1910 nang ang ilang mga taga-Batangas ay puwersadong lumipat sa Canlubang bunsod ng pagputok ng Bulkang Taal. Simula noon, natuto silang magbungkal ng lupa at magpayabong ng tubo. Ngunit sa pagpasok ng taong 1960, nagsimula na silang makibaka para sa karapatan sa lupang kanilang sinasaka na siyang nagbigay kabuhayan sa kani-kanilang mga pamilya. Magpahanggang ngayon, patuloy na idinudulog ng mamamayan ng Canlubang ang kanilang pisikal na sitwasyong kinakaharap bunsod ng pagkakaalis nila at hindi pagbibigay ng karapatan sa lupang dati na nilang sinasaka.
Alinsunod sa kanilang mga ipinaglalaban, binuo nila ang Hacienda Yulo Farmers’ Association o HYFA kung saan kabalikat nila ang Ugnayan ng mga Nagsasariling Lokal na Organisasyon sa Kanayunan o UNORKA upang bigyan ng karampatang pansin ang isyu ng pagmamay-ari sa lupa. Ayon sa probisyong nakasaad sa Comprehensive Agrarian Reform Program o CARP, ang mga lupaing idineklarang industriyal o komersyal ay hindi kasama sa mga lupaing ipamamahagi sa mga manggagawang-bukid. At dahil sa nasabing probisyon, hindi pinayagan ng Kagawaran ng Repormang Agraryo na ipamahagi ang 3,811 ng 8,000 na hektarya ng Canlubang sapagkat idineklara ng pamunuan ng Hacienda Yulo na ito ay lupaing industriyal at hindi agrikultural. Kasunod rito ang hindi pagkakaroon ng konsultasyon ukol sa pagpasok ng Ayala Land Company sa usapin ng pagdedebelop ng lupain kung saan kasama ang lupang ipinaglalaban ng mga tao. Nananatili pa ring nakabinbin ang lehislatibong usapin sa Canlubang sa lokal na pamahalaan bagamat may ilang opisyales na naniwala sa labang isinusulong ng mga tao. Nasaan na ang katarungang panlipunan at karapatang pantao na inilathala noon sa kasalukuyang Saligang Batas? Makakamit pa ba ng mga magtutubo ang karapatang kanilang iniluluhog sa pamahalaan? May paraan pa ba para panumbalikin ang dating sigla ng Canlubang?
Sa ilalim ng Seksyon 4 Artikulo XIII ng Saligang Batas ng Pilipinas ng 1987, nakasaad na “dapat magsagawa ang Estado, sa pamamagitan ng batas, ng programa sa repormang pansakahan na nakasalig sa karapatan ng mga magsasaka at mga regular na manggagawa sa bukid, na mga walang lupa, na tuwiran o sama-samang magmay-ari ng mga lupang kanilang sinasaka o, sa kalagayan ng iba pang mga manggagawa sa bukid, tumanggap ng karampatang kaparte sa mga bunga niyon.” Ito ang tuwirang pamamaraan ng pamahalaan na iparating sa mga sibilyan ang pantay na karapatan ng mga manggagawang-bukid sa lupaing kanilang sinasaka kaalinsabay ang paggawad ng estado sa bawat mamamayan ang katarungang panlipunan na siyang pinakarurok ng karapatang pantao.
Ayon naman sa Seksyon 2 Artikulo XIII ng Saligang Batas ng Pilipinas ng 1987, “dapat kalakip sa pagtataguyod ng katarungang panlipunan ang tapat na paglikha ng mga pagkakataong ekonomiko na nasasalig sa kalayaan sa pagpapatiuna at pagtitiwala sa sariling kakayahan.” Hindi lamang pinaiigting ng pamahalaan ang karapatan sa pagmamay-ari, ngunit tuwirang nakasalig ang pamahalan upang pagpanibaguhin at palakasin ang ekonomiya ngunit hindi nawawala o pinapatay ang kakayahang pantao, kultura, at maging ang karapatang pantao ng mga mamamayan.
Sa panulat ni John Rawls, isang pilosopong sumusunod sa ideya ni Jean Jacques Rousseau, sa kanyang aklat na A Theory of Justice, isinaad niya na ang ang katarungang panlipunan ay nakaangkla sa dalawang mahalagang prinsipyo: ang Prinsipyo ng Pantay na Kalayaan at Prinsipyo ng Pagkakaiba. Ayon sa prinsipyo ng pantay na kalayaan, ang bawat tao ay may pantay na karapatan na kaalinsunod sa lahat ng parehong karapatan para sa iba. Ang prinsipyong ito, bagamat may bahid komunismo, ay may katotohanang ang bawat tao ay pantay hanggang sa pinakamaliit na detalye ng pagiging sibilyan ng isang tao. Sa prinsipyo ng pagkakaiba, ang panglipunan at pang-ekonomikong di pagkakapantay-pantay ay dapat na isaayos upang ito ay parehong para sa pinakahigit na benepisyo para sa pinakaaba at nakasandig sa mga kagawaran at posisyong bukas sa lahat ng kondisyon ng pagkakapantay-pantay ng oportunidad. Ibig lamang iparating ni Rawls na bagamat may pagkakaiba-iba ang mga tao sa lipunan at ekonomiya, kailangan pa ring isulong ang pantay na pagkilala ng mga tao anuman ang kalagayan o katatayuan ng tao.
Tulad ng naging kapahayagan ni Rawls sa kanyang akda, may parehong posisyon rin si Jose Diokno ukol sa katarungang panlipunan na lumitaw sa artikulo ni Mahar Mangahas. Ayon kay Diokno, ang katarungang panlipunan para sa mga Pilipino ay nangangailangan ng paggalang para sa karapatan at kalayaan bilang indibidwal at bilang tao, may pagnanais na panumbalikin ang kawalang hustisya na tinamo ng mga tao, pagpapaunlad ng bayan upang matamo ng bawat tao ang batayang pangangailangan para sa pagpapasigla ng kultura, at pagpanibaguhin ang mga institusyon upang anumang hindi pagkakapantay-pantay ay hindi mismo manggagaling sa institusyong nabuo. Dahil dito, pinatutunayan ni Diokno na ang katarungang panlipunan ay pangunahing pangangailangang dapat matugunan upang magkaroon ng pagsasaayos ng istruktura at pagpapanatili ng kaayusan sa bayan.
Sa usapin ng lokal na pamamahala, may karapatan ang lokal na pamahalaan na pumagitna sa usaping agraryo sapagkat tuwiran nitong sinasaklaw ng kapangyarihan nito ang hurisdiksyon para sa lupa. Sa Seksyon 16 ng Kodigo ng Pamahalaang Lokal ng 1991, isinasaad na “sa nilolooban ng kani-kanilang teritoryong nasasakupan, titiyakin, ng mga yunit ng pamahalaang lokal, ang suporta, una sa lahat, ang pagpapanatili at pagpapayaman sa kultura… at kaligtasan, payabungin ang karapatan ng tao sa isang balanseng ekolohiya, hikayatin at suportahan ang pagpapaunlad ng karapatan… pagbutihin ang pampublikong moral, pagyamanin ang pagsulong ng pangkabuhayan at katarungang panlipunan, promosyon ng hanapbuhay sa mga naninirahan nito, panatilihin ang kapayapaan at kaayusan, at panatilihin ang kaalwanan ng kanilang mga mamamayan.” Maliwanag sa lokal na pamahalaan ang kanyang papel upang pag-ibayuhin ang pangkalahatang kagalingan ng buong nasasakupan. Ngunit hamon pa rin sa Calamba ang kagalingan ng lungsod kung pag-uusapan na ang isyu sa Canlubang, isang isyung walang sinuman ang nakababatid kung kailan at kung matatapos nga ba.
Tuwirang sinasagasaan ng mga taong laban sa pagsusulong ng karapatan ng magtutubo ang kanilang kinagisnang kultura, isa sa pangunahing pagkakakilanlan ng isang tao magmula pa sa simula ng sibilisasyon ng tao. Bagamat malawak na usapin ang kultura ng taga-Canlubang, hindi pa rin maiaalis ang katotohanan na ang kultura ng pagsasaka na kanilang nilinang sa loob ng mahabang panahon ay bigla na lamang pababayaan at pananatilihing patay sa mga susunod na henerasyon. Kung patuloy man na ipinaglalaban ng mga magtutubo ang kanilang karapatan sa lupa, iyon ay dahil sa nais nilang alagaan, protektahan, at linangin pa ang kanilang kultura nang sa gayon ay maipasa at matutunan ng susunod na henerasyon ang sistema ng pamumuhay na kinalakhan ng kanilang mga magulang. Sa sariling pananalita ni Prop. Walden Bello, isang sosyologo sa Unibersidad ng Pilipinas- Diliman, ang mamamayan ay nananatiling lumalaban sapagkat nais niyang ibalik sa mamamayan ang pamumuhay na siyang naging sisidlan at bukal ng buhay na mayroon sila, isang pakikibaka para sa pagpapanatili ng kultura o istrukturang para sa darating pang henerasyon.
Kung tatanungin ako ng sinuman kung paraiso pa rin ang Canlubang, walang pag-aalinlangan akong tatango at sasagot ng “oo”. Naniniwala ako na hindi naman nawala sa Canlubang ang pagiging paraiso niya, lubhang nasakluban lamang siya ng mga negatibong usapin at maling pamamalakad sa kanya. Batid ko sa aking sarili na pansamantalang ikinubli ng Canlubang ang tunay niyang kagandahan upang bigyang diin ang mga suliranin ng kanyang mga anak. Oo, paraiso pa rin ang Canlubang. Alam kong babalik ang tunay na mukha niya, sa tamang panahon at pagkakataon. Iba man ang Canlubang na aking nakagisnan magmula sa aking kapanganakan, batid kong nag-aantay lamang siya na maisaayos ang lahat upang bumalik ang paraisong kinagisnan ng aking mga magulang.--JM JOSE
1koponan ng baseball ng Canlubang.
2magsasaka ng tubo
Mga Pinaghalawan:
Rawls, John. 1971. A Theory of Justice. Belknap Press of Harvard University Press: Cambridge, Massachusetts.
Bello, Walden, Herbert Docena, Marissa de Guzman, Marylou Malig. 2004. The Anti-Development State, The Political Economy of Political Crisis in the Philippines. Department of Sociology, College of Social Sciences and Philosophy: Diliman, Quezon City
Republic of the Philippines. 1991. Ang Kodigo ng Pamahalaang Lokal ng 1991. St. Bonaventure Publishing: Lucena City, Quezon
Santos, Emmanuel. 2001. The Constitution of the Philippines Notes and Comments. Makati City, Philippines
Mangahas, Mahar. 2007. “A Filipino Definition of Social Justice”. Philippine Daily Inquirer: Makati City. Retrieved 10 September 2009 (http://opinion.inquirer.net/inquireropinion/columns/view/20071215-106988/A_Filipino_definition_of_social_justice)
Oliver, Roberto. “Immortalizing Canlubang”. Retrieved 10 September 2009
(http://www.freewebs.com/philippineoliver/memoirsofcanlubang.htm)







