ANG SIGAW: IBALIK ANG MORATORIUM SA LUPAIN NG BGY. CANLUBANG!, Sandigan May 2009 Issue
Ang Sigaw: Ibalik ang Moratorium sa Lupain ng BARANGAY Canlubang!
Noong nakaraang Lunes, ika-25 ng Mayo 2009, inamiyendahan ang resolusyon sa moratorium ukol sa usapin sa mga lupain sa Canlubang. Ito ay sinang-ayunan ng lahat ng dumalo sa regular na sesyon ng Sangguniang Panglunsod maliban sa akin. Ang inyong lingkod Kon. Christian Niño Lajara ay mahigpit na tumututol sa pagpapatupad ng na amyendahang resolusyon.
Ano nga ba ang mga punto na nais kong isulong sa ating mga kababayan at sa Sangguniang Panglunsod? Matatandaang mahigit isang taon na rin ng ipinataw ang moratorium sa mga lupain sa Canlubang. Ito ay ipinatupad dahil na rin sa lumalalang alitan sa pagitan ng mga Panginoong Maylupa at ng mga manggagawang magsasaka ng nabanggit na lugar.
Ang alitang ito ay nagmula pa noong taong 1960’s. Ang paghiling ng mga manggagawang magsasaka ng pagkakaroon nila ng kaparteng lupa sa lupang kanilang pinagtatrabahuhan at ang hindi pagpapatupad ng CBA. Ito ang puno’t dulo ng malalim na hindi pagkakaunawaan sa kasalukuyan. Ang alitang ito ay inakalang magwawakas ng ipatupad ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) kung saan binibigyan ng batas na ito ng karapatan ang mga magsasaka upang magkaroon ng sariling lupa sa lupaing kanilang pinagtatrabahuhan. Subalit hindi nila nakamit ang inaasam na kapirasong lupa ng idineklara ng kanilang Panginoong Maylupa na hindi na agrikultural ang gamit ng lupang matagal na nilang binubungkal, kundi ito ay isa ng lupang pang-industriyal. Isang eksempsyon sa CARP ang mga lupaing pang-industriyal o komersyal ang gamit kaya naman walang nagawa ang ating mga manggagawang lupa kundi ang magpetisyon para ibasura ang eksempsyon sa lupain.
Ayon sa mga nagsulong ng resolusyon noong lunes, ang pag-amyenda sa moratorium ay para na rin makatulong sa mga maliliit na may-ari ng lupa na nais mag-patayo ng gusali o bahay. Ayon pa sa mga nagsulong ng resolusyon, hindi naman mawawala ang moratorium sa mga lupaing hindi pa napag-kakasunduan at nananatiling ipinoprotesta.
Kung ako naman ang tatanungin ay hindi naman pantay para sa ating mga manggagawang lupa at residente ang resolusyong isinulong nila. Para sa akin, hindi dapat matanggal ang moratorium sa buong Canlubang sa madaming kadahilanan.
Una na rito, kung ipapatupad ang moratorium ay maaari nating pag-aralan ang uri ng gamit ng lupa sa Canlubang upang maklasipika ito mula sa pagiging gamit pang-industriyal, gaya ng idineklara ng may-ari ng lupa, pabalik sa gamit pang-agrikultural. Sa ganitong paraan, nabibigyan natin ng pag-asa ang ipinaglalaban ng ating mga manggagawang magsasaka. Sa katunayan, kung ating babalikan, ang isang taong pagpapatupad ng moratorium na dapat sana ay magbibigay man lang ng linaw sa mga isyu patungkol nga sa mga lupain ay walang kinahinatnan at nabin-bin lamang ang pag-aaral dito at tila ba walang pag-usad sa ipinaglalaban ng ating mga magsasaka o manggagawang lupa. Lumalabas din na walang epekto ang moratorium na naipatupad sapagkat nagkaroon tayo ng ulat ng mga pag-labag ng mga developers sa ipinatupad na resolusyon ngunit walang nagawang aksyon ang lokal na pamahalaan. Kung muling ipapatupad ang moratorium, maaari nating ma-itama ang isang pagkakamali.
Hindi naman sa ayaw natin ng pag-unlad, sa katunayan, kaunlaran ang ating nais at pag-protekta sa karapatang pantao ng ating mga manggagawang magsasaka ang isinusulong ng ating pag-tutol. Isa pang layunin na nais nating mabatid ay kung maibabalik ang moratorium sa lupa, magkakaroon ng pagkakataon na makapag-usap at matukoy ang mga saloobin ng bawat partidong na-uugnay sa usaping ito. Sa ngayon, hindi lamang ang mga magsasaka at ang may-ari ng lupain ang sangkot sa isyu. Kasama na rin ang lokal na pamahalaan at ang mga developers ng naturang lupain. Kung ating titingnan, nagkaroon na ng sanga-sanga ang isyung ito at hindi na lang basta pagkakaroon ng lupa ang usapin. Sa ngayon, nagkakaroon na tayo ng mga isyu ukol sa paglabag sa karapatang pantao. Ilang balita na ba ang umaabot sa ating kamalayan na nagsasabing napag-bantaan ang buhay ng ating mga manggagawang lupa, residente, lider ng ibat-ibang grupo. Hindi lang usaping lupa ang ating pinaglalaban, maging ang usaping pantao.
Kamakailan lang ay umabot sa ating kaalaman na ilang kabataan ang nahihirapan sa pag-aaral dahil nasasaklawan ng mga pribadong lupain ang kanilang paaralan at ang mga daanan na ginagamit ng ating mga mag-aaral. Dahil nga sa mga ganitong pangyayari, nagkakaroon ng mga pananakot at harassment dahilan nga sa ayaw ipagamit ng panginoong maylupa ang kanilang lupain. Wala sanang ganitong mga pangyayari kung naipapatupad lamang ng tama ang ating mga ordinansa o magkakaroon ng malalim na planong pangkaunlaran ang pamahalaang panglunsod sa kanyang baranggay na nasasakupan. Isa pa ay ramdam na ng ating mga kababayan na naninirahan sa Canlubang ang unti-unting pagtikis sa kanila. Ang mga basic services sana na magpapadali ng buhay ng ating mga residente ay naapektuhan. Ilang baranggay na ba ang may problema sa usapin ng patubig, kuryente at iba pang kahalintulad na serbisyo? Unti-unti na po tayong nasasakupan ng mga ganitong pagkilos. May magagawa po tayo para matigil ang mga ganitong pangyayari. Simple lamang naman ang layunin ng ating pag-tutol sa inamyendahang resolusyon. Ipatupad ang moratorium. Ipagpatuloy ang pag-aaral sa lupa para masuri kung ano ang klase ng hanapbuhay ang maibibigay natin sa tao at talakayin natin, ng lokal na pamahalaan, ng panginoong maylupa, ng manggagawang magsasaka at ng mga developers, ang ating mga saloobin para magkaroon ng pagkakaunawaan. Ipatupad ang Moratorium, upang mapag-aralan pa ang mga nararapat na pagsasaayos ng gamit ng lupa at ang mga kahalintulad na plano hinggil sa lupain gayundin ang mga manggagawang magsasaka.
Ang pag-unlad po ay hindi nauukol lamang sa ilan kundi ito ay na uukol para sa lahat. Kinakailangan pong intindihin ang lahat ng problema ng mga residente sa Canlubang, bago natin pasukin ang ibat-ibang uri ng pag-unlad sa lugar. Mga problema ng residente na maaring masagot ng Development plan ng Pamahalaan:
1. Lupang ipinaglalaban ng mga magsasaka.
2. Pabahay na ipinangako sa tao ng
Canlubang Sugar Estate.
3. Kalsada.
4. Public School.
5. Health Center sa ibat-ibang sitio.
6. Kuryente.
7. Patubig.
8. Retirement Pay ng mga manggagawa.
Ang kabuoang lupa ng Canlubang Sugar Estate sa Laguna ay pumapatak na 7,200 hectares. Ang kanilang Empleyado, bago sila magsara noong 1996 ay umaabot ng 5000. Ano po ba ang kailangan sa Canlubang Specific Moratorium na tumutukoy lamang sa ilang contested areas upang hindi magalaw ng AYALA o General Moratorium upang mapagaralan kabuoang problema at makagawa ng isang komprehensibong Development Plan na ipapatupad ng pamahalaang panlungsod? —CNL




Please wait...