Calamba City Laguna Philppines Business Directory

  • Increase font size
  • Default font size
  • Decrease font size
Home Category Table LAGUNA DE BAY: ISANG SULYAP, ISANG PAMIMILANTIK-DIWA, Sandigan October 2009 Issue

LAGUNA DE BAY: ISANG SULYAP, ISANG PAMIMILANTIK-DIWA, Sandigan October 2009 Issue

E-mail Print PDF

LAGUNA DE BAY:

Isang Sulyap,Isang Pamimilantik-Diwa


Sa panulat ni Jose P. Rizal, ang pambansang bayani ng Pilipinas, sa kanyang akdang “Noli Me Tangere” o “The Social Cancer”, ipinagkakamapuri niya ang likas na rikit at alindog ng daluyong na tubig sa puso ng Timog Katagalugan. Ito ang mismong tubig na siyang sumagip at sumaklolo sa namimiligrong buhay nila Elias at Crisostomo Ibarra, mga tampok na tauhan sa “Noli Me Tangere”. Hindi maikakailang ang Laguna de Bay ay ang bukal at buhay ng mga Tagalog, ang tubig na lubos na minahal ng ating pambansang bayani. Ayon kay Samuel Noah Kramer, isang historyador at eksperto sa pananaliksik ng kasaysayan, karamihan sa mga umusbong na sibilisasyon sa mundo ay nagsimula malapit sa katubigan. Halimbawa na lamang ay ang Sibilisasyong Indus kung saan umusbong sa heograpiya ng Harappa at Mohenjo-Daro ang panirahan ng tao na malapit sa Ilog Indus. Gayundin naman, ayon kay Georg Feuerstein, isang historyador, ang Sibilisasyong Mesopotamia ay nagmula sa mga pampang ng Ilog Tigris at Euphrates at tinawag ang rehiyong iyon na “Fertile Crescent”. Sa kabilang dako, ayon pa rin kay Feuerstein, ang Sibilisasyong Tsina ay nagmula sa Ilog Hwang-Ho o Ilog Dilaw. Ang tatlong sibilisasyon ay pare-parehong nag-ugat sa bahagi ng katubigan. Patunay ito na ang pagsisimula at pag-unlad ng sibilisasyon ay naka-angkla sa tubig. Ayon kay G. Wensley Reyes, isang propesor ng kasaysayan sa Kagawaran ng Agham Panlipunan sa Unibersidad ng Pilipinas- Los Baños, bentahe ng pampang at aplaya sa pagbubuo ng isang sibilisasyon ay dahil sa usapin sa pagkain.

 

  Noong unang panahon, ang tao ay nagdedepende pa lamang sa mga pangangailangang madaling makuha sa paligid. Nagsimula lamang ang agrikultura nang ang tao ay natutong gumamit ng araro. Bukod doon, nang umunlad ang agrikultura, kinailangan ng sinaunang tao na maging malapit sa irigasyon ng tubig, hindi tulad ngayon na ang sistema ng irigasyon ay sa pamamagitan ng mga tubo.  Gayundin naman dito sa Pilipinas, kung saan itinuturing na may mahalagang papel ang tubig sa pag-unlad ng sibilisasyon. Sa katunayan, ang salitang Tagalog ay nagmula sa katagang “Taga-Ilog” na ang ibig sabihin ay “mga taong nagmula sa ilog”. Sa pangalan pa lamang, ang mga Tagalog ay kakambal ng daloy at lagaslas ng tubig na siyang naging panirahan ng sinaunang Pilipino hanggang sa panahon ng kolonisasyon.  Tampok ang Laguna de Bay hindi lamang sa mga panulat ni Jose P. Rizal, kung hindi dahil sa pambihirang katangian nito. Ang Laguna De Bay ay kilala bilang pinakamalaking lawa sa buong Pilipinas at ikatlong pinakamalaking tubig tabang sa buong Timog Silangang Asya, na may kabuuang sukat na siyam na raang kilometro kuwadrado (900 km2). Noong panahon ng mga Kastila, kilala ang Laguna de Bay bilang “Pulilan” ayon sa 1613 Vocabulario de Lengua Tagala na inilimbag sa Pila, Laguna. Ito ay napalilibutan ng Probinsya ng Laguna, Rizal, at mga bayan ng Taguig, Pateros, Pasig, at Muntinlupa.   Ang tubig sa Laguna de Bay ay nakukuha mula sa dalawamput-isang pangunahing tributaryo: Ilog ng Pgsanjan, Sta. Cruz, Balanak, Marikina, Mangangate, Tunasan, San Pedro, Cabuyao, San Cristobal, San Juan, Bae, Calo, Maitem, Molawin, Dampalit, Pele, Pangil, Tanay, Morong, Siniloan, at Sapang Baho. Bukod rito, ang sobrang tubig ng Laguna de Bay ay napupunta sa Ilog Pasig patungong Manila Bay.  Bukod sa pangisdaan, malaki ang ambag ng lawa sa pamumuhay ng mga taong malapit rito. Ang lawa ang isa sa pangunahing pinagkukunan ng suplay ng water lily, isang halamang nabubuhay sa bahagi ng tubig. Dahil sa dumadaming populasyon ng water lily sa lawa, naisip ng ilang taga-Calamba na gawing kapaki-pakinabang ang water lily sa pamamagitan ng paggawa ng tsinelas, bag, at iba pa. Bukod dito, isa rin ang Laguna de Bay sa pinagkukunan ng ilang planta ng kuryente upang makapaglabas ng Dagdag na enerhiya. Ilan lamang ito sa mga kapaki-pakinabang na Gawain na naibigay na ng lawa sa tao.   Ngunit humaharap ngayon ang Laguna de Bay sa  pinakamalaking hamon sa kanyang kasaysayan.

 

  Noong 1997, nagpalabas ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng pag-aaral kung saan tig-tatlumpung porsyento (30%) ng kabuuang polusyon o dumi na nakuha sa lawa ay galing sa domestiko at industriyal na dumi. Bukod rito, apatnapung porsyento (40%) ng polusyon ay galing naman sa agrikultura. Ngunit bahagi lamang ito ng malaking suliranin ng lawa sa kasaysayan ng kanyang buhay.  Nitong nakaraang mga araw, sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Ondoy at Pepeng, naranasan ng ilang taga-Calamba ang pangyayaring sa mga pelikula lamang nila nakikita. Binaha ng bagyo ang ilang mga barangay sa Calamba, partikular na sa mga barangay na baybayin ng lawa.   Ayon kay Edgardo C, Manda, General Manager ng Laguna Lake Development Authority (LLDA), asahan na ang mga lugar na nasa baybayin ng Laguna de Bay ay patuloy na babahain at hindi magkakaroon ng paghupa hanggang sa katapusan ng taon. Tinawag nila ang Laguna DE Bay na nasa “kritikal na antas” dahil sa patuloy na pagtaas ng tubig at mabagal na paghupa nito.

  Sa kasaysayan ng lawa, tumaas ang tubig nito hanggang 14.5 na metro. Dagdag pa ni G. Manda, ang lawa ay may taas na 13.6 hanggang 13.8 na metro hanggang sa pagdating ng Bagyong Ondoy ayon sa datos ng estasyon ng LLDA sa Los Baños. Mula Hulyo hanggang Setyembre ng taong ito, nagtala ang LLDA Los Baños ng humigit kumulang 0.67 na metrong pagtaas kada buwan.   Malaking banta ng kalikasan sa Calamba ang unti-unting pagtaas ng lawa. Ngunit mas malaking banta ang mga tao sa lawa. Minsan nga, iniisip ko na gumaganti ang kalikasan sa mga pang-aabusong ginawa at patuloy na ginagawa ng tao. Bukod pa sa mga ganitong pamimilantik-diwa ko, naiisip ko rin na sadyang mapagbiro kumilos ang lawang minahal ni Jose Rizal. Dati-rati, problema ng lawa ang patuloy na pagbaba ng sukat ng tubig nito dulot ng tagtuyot.

  Ngunit ngayon namang sagana ang bansa sa pag-ulan, problema naman ng lawa ang patuloy nitong pagtaas.   Anu’t-ano pa man ang dahilan ng pagtaas ng lawa, iisa lamang ang pinagmumulan ng suliraing ito: TAO. Marahil, at batid ko, ang mensahe ng Laguna de Bay sa mamamayan ng Calamba: ang mahalin muli siya tulad ng pagmamahal sa kanya ng Pambansang Bayaning minsang nasilayan ang kanyang kalinisan at kagandahan.-JM JOSE

 


 

Mga Pinaghalawan:

Kramer, Samuel Noah. 1969. Cradle of Civilization. Wheaton, Illinois: Little, Brown & Company

Feuerstein, Georg. 2001. In Search of the Cradle of Civilization. New York: Quest Books

Ocampo, Ambeth. 1999. Rizal Without the Overcoat. Expanded ed. Pasig City: Anvil Publishing, Inc. 

Laguna Lake Development Authority (LLDA). 2009. “Laguna Lake water level on danger level;       Floodings inevitable”. LLDA Webpage. Retrieved 22 October 2009 (http://www.llda.gov.ph/news__floodings_inevitable.htm)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Last Updated on Friday, 19 February 2010 08:00  
Webcalamba.ph

Members Login

Popular Businesses