Calamba City Laguna Philppines Business Directory

  • Increase font size
  • Default font size
  • Decrease font size
Home Category Table PANININDIGAN O KAPANGYARIHAN, Sandigan January 2010 Issue

PANININDIGAN O KAPANGYARIHAN, Sandigan January 2010 Issue

E-mail Print PDF

PANININDIGAN O KAPANGYARIHAN?

Isang Mapagpalayang Hamon Para sa Karapatan sa Canlubang

Ang Canlubang ay ang pinakamalaking barangay sa Lungsod ng Calamba, na may lawak na umaabot hanggang sa gilid ng Batangas at Cavite. Bukod rito, sumasakop ito sa dalawampu’t-dalawang (22) sitio, lubhang marami kumpara sa ibang barangay sa buong Lungsod. Sapagkat ito ang pinakamalaking barangay sa Calamba, hindi kataka-taka na ito rin ang kumakanlong sa halos apatnapung porsyento (40%) ng kabuuang populasyon ng lungsod. Ang pagkakaroon ng malaking lupain ng naturang barangay ay dahil sa masiglang nakaraan nito: ang Hacienda Canlubang.

 

Ang Hacienda Canlubang ay isang malaking pataniman ng tubo, na may dating pangalan na Azucarera del Calamba. Dahil dito, kinailangan ng Canlubang ang dagdag na tauhan upang punan ang pangangailangan nito sa lakas- paggawa. Naranasan ng Canlubang ang ginintuang araw nito sa kamay ng namamahala rito--- ang mga Yulo. Ngunit sa paghina ng presyuhan ng asukal sa pandaigdigang merkado, tuluyan na ring humina at naging matamlay ang Canlubang. Kagyat ng pangyayaring ito ay ang serye ng kahirapan ng mga manggagawang-bukid ng Azucarera. Ang tuluyang paghina ng asukal sa merkado ay ang tanging mitsang sumindi upang magkaroon ng pagkabagabag at alalahanin sa puso at damdamin ng mga tao sa Canlubang.

 

Hinarap nila ang serye ng isyu na yumanig sa mga damdamin nilang lugami ng takot at pangamba. Humarap ang mga manggagawang-bukid sa krisis ng karapatan sa lupa. Makailang ulit na kinuwestiyon nila ang kanilang katatayuan sa lupang nilinang nila ng kanilang dugo’t pawis hanggang sa tuluyan na ngang magsara ang Azucarera. Dahil dito, makailang ulit na rin silang humarap sa korte upang ipaglaban ang karapatan nila sa lupa. Ngunit hindi ito naging madali sapagkat kulang sila sa kinakailangang suporta at pera upang tustusan ang laban sa korte.

 

Isyu rin na maituturing ang pagharap nila sa usapin ng CBA, benepisyong dapat na matamo nila sa ilang taong o henerasyong paggawa sa lupa ng Canlubang. Ilan sa mga benepisyong dapat na nakuha na ng mga manggagawang- bukid ng Canlubang ay ang pabahay, retirement at back pay ng mga tao, gayundin ng ilang benepisyong kaalinsunod nito. Tatlong henerasyon na ang nagdaan ngunit ang benepisyo na dapat na nilang matanggap ay nananatiling nakabinbin. Hindi pa nila alam kung kailan nila makukuha ito, ang tanging alam nila ay ang kanilang karapatan upang kunin ang benepisyong dapat ay nasa kanila na noon pa man.

 

Ang pinakamalaking hamon sa ngayon ay ang suporta ng Sangguniang Panlungsod sa mga naglalabasang development permit na inihahain at idinudulog sa ngayon. Kamakailan noong ika-14 ng Oktubre 2009 ay inihain ng mga manggagawang-bukid sa Canlubang, kasama si Kagalang-galang Konsehal Christian Niño S. Lajara, ang isang petisyon sa korte na nagtatakda ng pagkabinbin sa lahat ng anumang development permit sa Canlubang, pagharang sa mga debeloper na galawin ang lupain ng Canlubang, at ang pagsulong sa karapatan ng mga manggagawang-bukid ukol sa lupa. Ilang beses tinalakay sa regular na sesyon ng Sangguniang Panlungsod ang tungkol sa Canlubang, ngunit madalas na nadedehado sila sa bilang ng mga konsehal na pumapabor sa kanila. Ito ay serye ng panggigipit sa karapatan ng mga taong lubos na naghihirap dulot ng opresyon sa lupa at sa karapatan nilang mabuhay. Lagi na lamang siyam ang bilang laban sa isang konsehal ang pabor sa mga developer ng Canlubang na lubha namang kinatigan ng kung sinumang dapat na pumapagitna sa usapin. Bagamat may mga ilang konsehal na nangakong ipaglalaban ang Canlubang, nagtataka sila kung bakit biglang naiba ang ihip ng hangin at iniwanan sila ng mga konsehal na nakalutang sa ere ng kawalang-katiyakan. Nagtatanong sila kung bakit isang konsehal na lamang ang nananatiling tumatayo at naninindigan para sa kanila.

 

Ano ba ang epekto kung patuloy na sasagkangan ng maling ideolohiya ang laban sa Canlubang? Malaki ang posibilidad na ang Canlubang, pagdating ng ilang taon kung aaprubahan ang pagdedebelop dito, ay hindi na magiging pagmamay-ari ng Canlubang at ng tao nito. Matatawag pa bang Canlubang ang Canlubang kung tuluyan na itong babaguhin sa ilalim ng kapitalismong pamamahala ng mga mayayaman? Ang panatilihin ang dating rikit ng Canlubang ay hindi dapat sa paraan ng walang habas na pagpapalayas ng mga lehitimong taga-Canlubang, saan na lamang kukunin ng Canlubang ang makinang na kasaysayan nito kung tuluyang mabubura sa Canlubang ang mga taong nagpayabong sa matabang lupa nito. Kung hahayaan na lamang na ibang tao ang mamahala sa Canlubang, matatawag pa bang atin ito?

 

Kaalinsabay ng ilang mga katanungan ukol sa developer ng Canlubang, isa rin sa tinututukan ang halagang agrikultural ng Canlubang sa Calamba sa kabuuan nito. Malaking porsyento ng lupang agrikultural ay nasa ilang pook ng Canlubang. Mayroong tatlong sektor ang ekonomiya: agrikultura, industriya, at serbisyo. Ngunit ggrikultura lamang ang kaisa-isang sektor ng ekonomiya na tuwirang sumasagot sa pangangailangan ng tao sa seguridad sa pagkain. Kung patuloy na liliit ang porsyento ng agrikutura sa Calamba, nangangahulugan ito na liliit rin ang pagkakataon upang magkaroon ng sariling kasiguruhan sa pagkain ng Calamba. Kung patuloy na lilinangin ang Canlubang at gagawing sementado, gaano na lamang ang pangangailangan ng mga Calambeño upang suportahan ang punan ang pagkukulang nito. Kung ang mga lugar nga na puro sakahan at pangisdaan ay hindi nakakasapat upang punan ang hapag ng kanilang mga tahanan, papaano na lamang ang mga lugar na kakaunti na lamang ang pook agrikultural ngunit patuloy na pinaliliit dahil lamang nais nitong ihain ang sarili sa makabagong kolonyalismong sumisilakbo sa baluktot na ideolohiya ng iilang gahaman sa kapangyarihan at kayamanan. Hindi na nila naisip kung gaano ang hirap ng mga taong direktang ugnayan ng agrikultura matapos pakainin ang ilang tahanan sa masaganang produkto nito. Kung patuloy na sasadsad ang agrikultura ng Calamba, sino na ang sasagot sa pangangailangang pansarili ng Lungsod sa pagkain kung sakaling dumating ang panahon na magkaroon ng kakulangan sa pagkain?

 

Sino ba ang mananatiling naninindigan sa Canlubang? May karapatan bang tumakbo sa mas mataas na posisyon ang pulitikong tahimik at kibit-balikat na lamang sa Canlubang, isang pulitikong patay-malisya at walang boses upang ipaglaban sila sa karapatan sa lupa ng Canlubang? May karapatan bang tumakbo sa mataas na posisyon ang pulitikong patuloy na tumatanggap ng development permit ngunit nakakaligtaan ang kapakinabangan ng mga mamamayang Calambeño? May karapatan bang tumakbo sa mas mataas na posisyon ang pulitikong walang habas na kinakatigan ang developer kumpara sa mga taong nasasakupan nito? May karapatan bang tumakbo sa mas mataas na posisyon ang mga pulitikong nangako sa tao na ipaglalaban ang Canlubang ngunit sa bandang huli ay iiwanan silang lumulutang sa ere? Ano ba talaga ang sukatan ng tunay na serbisyo at pamumuno para sa ibang tao, ang paninindigan para sa tao o ang pagkamal na mas malaking kapangyarihan upang tugunan ang pansariling interes nila?

 

Kung mananatiling bulag, pipi, at bingi ang mga opisyales upang magkaroon ng makatotohanang laban sa parte ng mga mamamayan ng Calamba, na siya rin namang sandigan nila sa oras ng halalan, may mangyayari bang kapaki-pakinabang sa sinasabi nilang “kaunlaran” ng Lungsod? Kung ang mga ordinansa at resolusyong inihahain sa sanggunian ay humuhulma sa pansariling interes ng iilang mayayaman at gayundin sa pagkamal ng kapangyarihan ng iilang opisyales, ano na lamang ang magigisnan ng susunod na Calambeño? Nangangahulugan ba ng kaunlaran ang hindi pagsama sa mga mamamayang nasasakupan ng isang pook? Ibig ba sabihin ng kaunlaran ay patuloy na pagtatayo ng mauunlad na subdibisyon, golf course, at parke samantalang ang mga orihinal na tao nito ay nawawala at patuloy na naghihirap sa isang sulok ng Calamba? Makatarungan bang sabihin na ang kaunlaran ay kasing-kahulugan ng patuloy na pagpapayaman sa pamamagitan ng nagtataasang mga imprastraktura samantalang ubos na ang espasyo upang linangin ang agrikultural na pangangailangan ng Lungsod. Kung ito ang pakahulugan ng kaunlaran, nagkakamali sila, pagkat ang tunay na kaunlaran ay ang pagpapayaman at pisikal na paglilinang ngunit hindi napapabayaan ang tao at ang ekolohiyang kanyang ginagalawan--- ito ang tinatawag na sustainable development.

 

Ang pagtayo sa karapatan ng mga manggagawang-bukid ay isang adbokasiya ng malinis na tagapamuno o pangangalaga sa pansariling interes ng iilan? Nais mo bang ibandila ang mga taong inaasahan mong tutulong sa iyo ngunit sa bandang huli ay iiwan kang lumulutang sa kawalan? May magagawa ka upang tuldukan ang opresyong ito. Ang bawat ordinaryong Calambeño ay may kapangyarihan upang baguhin ang ganitong sistema ng pamamalakad at pag-ikot ng gulong ng hustisya. Makinig. Maging mulat at mapagmatyag. Sumali sa pagkukuro-kuro. Pumili ng karapat-dapat. Ito ang natatanging kapangyarihan mayroon ang isang ordinaryong mamamayang Calambeño. Gumising at maging kapwa sandigan ng bawat isa sa Calamba, ngayon.—JM JOSE

 

 

Last Updated on Friday, 19 February 2010 09:02  
Webcalamba.ph

Members Login

Popular Businesses