Taong 1993, buwan ng Abril ay nagkaroon ng CBA sa pagitan ng Management ng Canlubang Sugar Estate (CSE) at ng Bisig ng Canlubang Labor Union. Ang Memorandum of Agreement ay nagsasaad ng retirement benefits ng mga manggagawang magkakwalipika base sa mga alituntunin na napagkasunduan ng dalawang panig. Isang residential lot na may sukat na 150 square meters at isang core house na may floor area na 24 square meters ang ipagkakaloob ng kumpanya bilang retrenchment ng mga empleyado na naglingkod sa CSE simula pa noong ika-1 ng Hunyo 1988 at nanatiling nasa aktibong serbisyo hanggang ika-30 ng Abril 1993.

Ayon sa pahayag ng isang dating manggagawa ng CSE, hindi lahat ay nabigyan ng benepisyong ito, at bagamat sinasabing ang pabahay na ito sa Sitio Majada ay libre dahil ito ay bilang benepisyo ng kumpanya, diumano ay nagkaroon ng kasunduan na sa loob ng limang taon ay hindi magkakaroon ng pagtaas sa sahod ang mga manggagawa, kahit pa ito ay italaga ng gobyerno, kapalit ng pabahay na ito. Dagdag pa niya, “...Hindi makatwirang ito ay sabihing libre dahil kung tutuusin ito ay pinagtrabahuhan din namin...”
Sa isang panayam sa dating abugado ng mga Yulo, ipinahayag niya na marami sa mga dating manggagawa ng Hacienda ang lumalapit sa kanya na nagrereklamong hanggang ngayon ay hindi pa sila nababayaran ng kanilang separation pay.—SNT
Last Updated on Thursday, 16 June 2011 14:08