Ang Nakaraan at Ang Kasalukuyan
Isang babaeng nag-ngangalang Lydia Asuncion ang kinasahan at tinutukan ng baril ng mga armadong lalaki sa kadahilanang pag-galaw diumano sa lupang pag-aari ng isang kilalang pamilya - Ito ay isang eksena ng kasulukuyan sa Canlubang dulot ng matinding alitan ng pamilya Yulo at ng mga dati nilang manggagawa.
Isang malaking isyu nga ngayon sa Calamba ang alitan sa pagitan ng Pamilya Yulo at ng mga manggagawang magsasaka nito. Kung ating babalikan, papaano nga ba nagsimula ang hindi pagkakaunawaang ito?
Ang 7,200 na ektarya ng lupain ng Hacienda Yulo ay unang ibinigay sa Pamilya Madrigal habang ang Pilipinas ay sakop pa ng bansang Espanya. Ito ay inilipat kay Jose Miguel Yulo na kung saan ay ang kasalukuyang may-ari ng naturang Hacienda.
Matatayang may halos isang siglo na rin ang alitan o hndi pagkakaunawaan sa pagitan ng Pamilya Yulo at ng mga magsasaka nito. Ang isyu patungkol sa partihan ng lupa ay nagsimula pa noong taong 1960 kung saan may 300 na manggagawang magsasaka ng Pamilya Yulo ang nagpetisyon para magkaroon sila ng sariling lupa sa loob ng Hacienda. Ang mga ninuno ng mga nasabing magsasaka ay matatayang nagtatrabaho na sa Pamilya Yulo mula pa noong taong 1940’s.
Ang petisyon ay hindi inaprobahan at nauwi ito sa isang kasunduan. Ang kasunduan ay humantong sa pagtanggap ng isang libong piso ng iilang magsasaka ng Pamilya Yulo kapalit ng desisyong paglisan sa hacienda. Samantalang ang mga magsasaka na hindi pumayag sa kasunduan ay nanatiling manggagawa sa Hacienda hanggang sa panahong ipinatupad ang Agrarian Reform Law noong taong 1988.
Ang alitan ay inaasahang magwakas sa pagpapatupad ng Agrarian Reform Law noong taong 1988 sa pag-aakalang makukuha ng mga magsasaka ang hinihiling na lupa. Subalit nagkaroon ng eksempsyon sa pamimigay ng lupa kung saan kabilang ang Hacienda. Dito na muli nagsimulang gumawa ng hakbang ang mga magsasaka.
Ang eksempsyon ay batay sa Department of Justice Opinion No. 44 series of 1990 na naghahayag na ang mga lupain na nai-convert para maging industriyal o komersyal ang gamit bago pa man dumating ang taong 1988 ay hindi kasama sa mga lupang ipapamahagi sa mga magsasaka.
Subalit nananatiling matatag ang grupo ng mga magsasaka dahil naniniwala sila na hindi makatarungan ang ipinataw na eksempsyon sa hacienda. Ayon sa 1987 Charter, malinaw na nakasaad dito na ang lahat ng mga magsasaka na nagsasaka ng lupang hindi nila pagaari ay dapat magkaroon ng lupa sa pamamagitan ng Agrarian Reform at wala dapat na eksempsyon.

Nagtayo ng samahan ang mga magsasaka at tinawag nila itong Hacienda Yulo Farmer’s Asociation (HYFA) at patuloy silang lumalaban sa tulong ng Pambansang Ugnayan ng mga Nagsasariling Lokal na Organisasyon sa Kanayunan (UNORKA).
Hanggang sa ngayon nga ay patuloy ang pagpetisyon ng mga magsasaka para matanggal ang eksempayon ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa mga lupaing sakop ng Pamilya Yulo, samantala nananatili namang matibay ang DAR sa desisyon nito. Matatandaang idineklara ng Pamilya Yulo na nai-convert na umano bilang Industriyal na lupain ang Hacienda bago pa man ang Agrarian Reform Program ngunit kinukwestiyon ng mga magsasaka ang estado ng hacienda.
Mula pa 1993 ay sinasabing hindi ginamit ang lupain para sa kahit anong komersyal o industriyal na programa tulad ng idineklara ng Pamilya Yulo. Ito naman ay pinatunayan ng Munisipyo ng Calamba sa pamamagitan ng pag-iisyu ng sertipikasyon na nagpapatunay na hindi nga nagamit ang lupa.
Ito naman ang dahilan sa lalo’t-lalong galit at hinaing ng mga magsasaka. Ayon sa kanila, bakit hanggang sa ngayon ay hindi pa inaaprobahan ng DAR ang petisyon para matanggal ang eksempsyon sa Agrarian Reform ng Hacienda.
Ilang beses ng ibinasura ng DAR ang petisyon ng mga magsasaka na hindi mabilang ang Hacienda Yulo sa Agrarian Reform Program. Iginigiit ngayon ng mga magsasaka na kung titignan ang estado ng hacienda, masasabing kasama ito sa Agrarian Reform Program dahil nananatiling agricultural ang gamit nito at hindi industriyal o komersyal. Sa ngayon, patuloy pa rin ang kanilang (mga magsasaka) petisyon para sa pagtanggal ng eksempsyon sa Agrarian Reform sa Hacienda Yulo.
Bakit nga ba hindi inaaprobahan ng DAR ang petisyon ng mga magsasaka? Ilang beses na ring kinuwestyon ang tila kapit ng Pamilya Yulo sa DAR sa kadahilanang kahit kailan ay hindi nito pinanigan ang grupo ng mga magsasaka. Sa kabilang banda,bakit hanggang sa ngayon ay wala pang pinatutunguhan ang laban ng ating mga magsasaka? Dahil ba may mga panunutok at pananakot na hindi nakikita ng mas nakakataas? Kung sama-sama sanang kumikilos ang ating mga magsasaka ay mas magiging malakas ang boses na maririnig at makararating sa mga taong kinauukulan ang kanilang mga hinaing.—S.CAPACIO
*****************************************************
Editor’s Note: Sa kasalukuyan ay patuloy ang pagsusulong ng mga lider sa Canlubang upang maireklasipika ang gamit ng lupa sa barangay na ito. Sa pag-reconvene ng Local Zoning Board ay umaasa silang mabibigyang daan muli ang pag-aaral hinggil dito at sa huli ay maibalik sa gamit na agrikultural ang lupa sa Canlubang.
Sources Cited:
ANING, J. 2008. Hacienda Yulo farmers seeking dialogue with Arroyo. The Philippine Daily Inquirer, Inc. Makati City Phils. February 2008. Retrieved May 22, 2009 from the World Wide Web.
ANING, J. 2008. Bishop Aids Hacienda Yulo Farmers. The Philippine Daily Inquirer, Inc. Makati City Phils. February 2008. Retrieved May 22, 2009 from the World Wide Web.
Asian Human Rights Commission. 2008. PHILIPPINES: Day 3: Farmers run against landlords (Press Release). Kowloon, Hongkong China. December 2008. Retrieved May 22, 2009 from the WorldWide Web
DIZON, N. 2008. Farmers join quit for DAR chief. The Philippine Daily Inquirer, Inc. Makati City Phils. December 2008. Retrieved May 25, 2009 from the World Wide Web.
GUINTO, J. 2008. Farmers seek dialogue with Arroyo. The Philippine Daily Inquirer, Inc. Makati City Phils. December 2008. Retrieved May 25, 2009 from the World Wide Web.
MAYUGA, J. 2008. Resolve Hacienda Yulo cases soon, farm workers ask DAR. Philippine Business Daily Mirror Publishing, Inc. Makati City Phils. August 2008. Retrieved May 22, 2009 from the World Wide Web.
http://www.businessmirror.com.ph
PAPA, A. 2009. Farmers go online to oust DAR chief. The Philippine Daily Inquirer, Inc. Makati City Phils. January 2009. Retrieved May 25, 2009 from the World Wide Web.
Last Updated on Thursday, 16 June 2011 14:13