Calamba City--Daan-daang mamamayan ng Barangay Canlubang ang sumugod sa Calamba City Hall nitong nakaraan Lunes upang hilingin sa Pamahalaang Panlungsod na manindigan pabor sa kanila. Sinabi nila na sa mga nakalipas na taon ay hindi nila nakitang manindigan para sa kanila si Mayor Jun Chipeco matapos nitong dire-diretsong pirmahan ang mga development permit ng mga malalaking korporasyong nasa loob ng Canlubang. Humantong na nga ito sa pagkakaso sa Ombudsman laban sa alkalde.
Dama pa rin ang kadiliman sa Canlubang matapos silang tanggalan ng serbisyo sa kuryente noon pang gitna ng nakalipas na taon. Ang mga panawagan ng mga mamamayan ng Canlubang sa ating Pamahalaang Panlungsod ay ang katiyakan sa paninirahan, ang pagtukoy sa lupang agrikulutal sa loob ng barangay, at ang kasiguraduhan para ibalik ang serbisyong panlipunan tulad ng tubig at kuryente sa lugar.
Inaasahan ng mga lider ng Koalisyon sa Canlubang na sumagot ang alkalde at mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod sa kanilang mga kahilingan. Ayon pa sa mga lider ay kung kinakailangang hindi na sila umalis sa pagpipiket sa harap ng City Hall ay gagawin nila hangga't hindi sila binibigyan ng pansin ng Mayor ng Siyudad ng Calamba.
